Bike commute tips
Dumarami ang nagbibisikleta bilang pangunahing transportasyon. Dadami pa ito dahil sa mga lockdown, banta ng Covid-19, kakulangan sa pampublikong transportasyon at lingguhang pagtaas ng presyo ng langis.
Dumarami ang nagbibisikleta bilang pangunahing transportasyon. Dadami pa ito dahil sa mga lockdown, banta ng Covid-19, kakulangan sa pampublikong transportasyon at lingguhang pagtaas ng presyo ng langis.
Hindi delikado ang pagbibiskleta. Ang delikado ay ang magulo at palpak na disenyo at pagkagawa ng mga kalsada at ang hindi maingat na paggamit nito, siklista man, motorista o pedestrian. Kung ngayon ka pa lang nagpasyang magbisikleta, narito ang ilang payo at paalala para sa ligtas at kaiga-igayang pagpadyak sa kalsada.
- Ikondisyon ang sarili at bisikleta – Nakasalalay ang kaligtasan at kaalwanan ng biyahe sa kondisyon ng pangangatawan at ng gagamiting bisikleta. Hindi kailangan ng katawang atleta o ng mamahaling bisikleta. Kailangan lang na handa ang katawan at isip sa pisikal na aktibidad.
Tiyaking may sapat na tulog, kain, at uminom ng tubig, lalo na kung malayo ang biyahe. Bago sumakay, siguruhin na ang bisikleta ay may gumaganang preno, hangin sa gulong, umiikot na mga plato at granahe, langis sa kadena at tamang higpit ng mga turnilyo. Hangga’t maari, iwasang pumadyak kung may iniindang sakit o kung may malalang sira ang bisikleta.
- Planuhin ang ruta – Makakatulong kung bago bumiyahe ay alam mo na kung saan at paano ka makakarating sa destinasyon. Ikonsidera ang distansya, oras, kondisyon ng kalsada at pisikal mong kakayanan. Piliing ruta ang pinakamaikli, direkta, maalwan at ligtas. Sumangguni sa sariling karanasan, mga kakilala, at internet.
- Maglaan ng oras – Mas maalwan at ligtas ang pagbibisikleta kung hindi ka nagmamadali. Ibatay ang ilalaang oras sa plano mong ruta. Sa umpisa, sapat nang maglaan ng isang oras kada sampung kilometro. Pwedeng mapabilis depende sa kakayanan mo at sa kondisyon ng dadaanan. Tiyakin ding may sapat na oras kung kailangang magpahinga o kung magkaaberya. Mahalagang hindi nag-aapura para makatutok ang atensyon sa pagbaybay sa kalsada.
- Maging alerto – Para maiwasan ang aberya at disgrasya, dapat laging nakatuon ang atensyon sa kalsada. Laging tumingin sa harapan pero maging alerto sa paligid. Makiramdam at tantayhin ang bawat galaw ng mga kasabay sa daan. Hangga’t maari, tiyakin na may distansiyang isang dipa sa nasa harapan. Mahalaga ito para may espasyong magmaniobra sakaling huminto at para makita ang kalsadang dadaanan sakaling may kailangang iwasang balakid.
Makakatulong na alamin ang mga road signs at batas trapiko. Tandaan, may posibildad ng di-inaasahang pangyayari sa daan. Dapat manatiling kalmado at iwasang mabaling ang atensyon sa ibang bagay.
- Pagliko – Para sa ligtas na pagliko, tumingin, makinig, at sumenyas. Tiyaking walang sasakyan o tao sa gilid at harapan bago lumiko. Sanayin ang mabilis na paglingon sa likod, makakatulong kung magmamarahan bago gawin ito. Makakatulong din sa iyo at iba pang nasa kalsada ang pagsenyas gamit ang kamay sa direksyong pupuntahan. Kung hindi pa sanay na alisin ang kamay sa manibela, maaring gamitin ang paa. Kung papalapit naman sa kanto, magmarahan o huminto kung kailangan, tumingin sa kaliwa’t kanan bago lumiko o umabante.
Kung liliko pakaliwa sa mga kanto, dahan-dahan at maingat na lumipat sa pinakakaliwang linya ng kalsada ilang metro bago dumating sa kanto. Kung hindi pa kampante sa paglipat ng linya, maaring tumawid muna derecho sa kanto at lumipat sa linya ng kalsadang tutumbok sa direksyong pupuntahan saka ligtas na tumawid.
- Bike lanes – Bagama’t maraming kalsada na ang may “bike lanes”, hindi pa rin maiiwasang magkahalu-halo ang iba’t ibang gumagamit nito. Pinakaligtas sanang dumaan sa mga bike lane para sa mga baguhan sa pagbibisikleta. Pero minsan, mas mapanganib pa ang mga ito kung mali ang puwesto at pagkagawa at kung maraming nakahambalang na balakid. Tantyahin kung kalian ito mas paborable sa iyo.
Tandaan na ang mga bike lane ay hindi ginawa para kulungin ang mga nakabisikleta kundi para bigyan sila ng ligtas na daan hiwalay sa mga mapanganib na de-motor na sasakyan. Dapat maging mas alerto at maingat sa paglabas ng bike lane. Laging magbigay daan sa mga pedestrian. Iwasang humarang sa mga tawiran ng tao at dumaan sa sidewalk.