Magtanong, makialam: Laban ng mga unyon sa Pilipinas

October 29, 2021

Makikita sa kasaysayan ang ambag ng mga unyon sa pagpapabuti ng sitwasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas.

Panayam kay Rochelle Porras, Executive Director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER)

 

 

Madalas kaysa hindi, nababalita ang mga unyon tuwing may piket, na madalas rin ay nauuwi sa pandadahas ng mga alagad ng batas. Kaya naman maraming nabubuong taliwas na paniniwala sa unyonismo at nakakaligtaan ang kahalagahan nito lalo na sa mga manggagawa, sa pribado man o pampamahalaang mga opisina’t pagawaan.

 

Sa panayam ng PINOY WEEKLY kay Rochelle Porras, ibinahagi niya kung ano nga ba ang unyonismo, at ang papel ng sama-samang pagkilos sa kasalukuyang panahon.

 

Pinoy Weekly (PW): Ano-ano ang mga natatanging halaga at tagumpay ng sama-samang pagkilos at mga unyon, sa kasaysayan ng Pilipinas?

Rochelle Porras (RP): Mayaman ang kasaysayan ng sama-samang pagkilos ng bayan. Sa panahon pa lang ng kolonyalismo ay naipakita na ang lakas ng pagsasama-sama ng mamamayan para palayain ang bansa mula sa kamay ng mga Espanyol, at kalaunan ay laban sa Estados Unidos at mga Hapon.

Ang mga unyon sa partikular ay may malaking ambag sa laban para sa karapatan ng mga mamamayan tulad na lang ng karapatan para sa disenteng trabaho, benepisyo, at nakabubuhay na sahod.

Mga manggagawa ang nanguna sa paglaban para sa kalayaan ng bansa sa panahon ng kolonyalismo ng Estados Unidos. Taong 1902 nang maitatag ang Unión Obrera Democrática (UOD). Naglunsad ito ng pambansang pagkilos sa Hulyo 4, araw ng kalayaan ng Estados Unidos para ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mananakop. Nang sumunod na buwan ay naglunsad ito ng general strike para palakasin ang panawagan naman sa mas maayos na kalagayan sa lugar-paggawa, na pag-aari ng kolonyalistang Estados Unidos.

Kabilang sa mga tampok na panawagan ang pagpapababa sa otso oras ng trabaho, pagbabawal sa child labor, at pagtuligsa sa di pagpapayag ng kolonyalista Estados Unidos na itaas ang sahod ng mga manggagawa. Naglunsad ng sunod-sunod na mga walkout sa mga pabrika ang UOD hanggang lumundo ito sa pambansang welga. Pagdating ng Mayo 1, 1903 naman ay di bababa sa 100,000 manggagawa at unyonista ang naglunsad ng malawakang anti-imperyalistang protesta.

Gayundin ay binansagang ‘subersibo’ ang mga organisador at lider ng UOD. Ang Mayo Uno ng 1903 ang kauna unahang pagdiriwang at pambansang pagkilos para sa pandaigdigang pagdiriwang ng Mayo Uno.

Maging sa paglaban sa diktadurang Marcos, ang welga ng mga manggagawa sa La Tondena noong 1975 ang bumasag sa takot na pinalaganap ng Batas Militar. Higit 800 manggagawa ng La Tondena ang nag-strike para wakasan ang kontraktwalisasyon sa kanilang pagawaan.

Kumilos at nag-strike ang mga manggagawa kasama ang mga manggagawang kababaihan para sa regularisasyon ng mga manggagawang kontraktwal, pati na rin ang pagbabalik at muling pag-regular sa lahat ng natanggal na mga kontraktwal na manggagawa. Sa gitna ng matinding atake ng mga militar at mga goons, nagawa ng mga manggagawa na ikasa ang strike nang hindi bababa sa 44 na oras.

 

PW: Sa kasaysayan, kaakibat ng pag-uunyon ang aktibismo. Para sa estado naman, pagkakataon ito para sa red tagging. Paano tinutugunan ng mga unyon ang isyung ito?

RP: Mayorya sa kinatawan ng mga gobyerno natin ay kabilang sa mga uri ng panginoong maylupa at mga malalaking burgesya komprador. Interes ng mga ito na panatilihin ang ganitong kaayusan dahil malaki ang nakukuha nito mula sa pagod at pawis ng uring manggagawa at magsasaka.

Dahil sa takot nila sa lakas ng uring manggagawa, gagawin nila ang lahat upang pigilan ang sama-samang pagkilos nito, ultimo ang paggamit ng dahas at pananakot para hindi ito magbuo ng unyon. Ginagawang lehitimo ng red tagging ang pag-atake sa mga unyon at samahan na lumalaban para sa lehitimong mga panawagan.

Ngunit kahit matindi ang atake ay hindi nagpapatinag ang mga manggagawa at mamamayan. Nilalabanan ang mga atake na ito sa pamamagitan ng pagpapatampok ng mga maraming positibong nagawa ng kanilang mga unyon. Marami sa mga unyong inaatake ang magsasabing sila ang nakapagpataas ng sahod sa kanilang pagawaan at nakapagparegular ng mga agency-hired na manggagawa.

Patunay ito na ang kanilang mapayapa, mabuting layunin at gawain ay ginugulo, binababoy at dinudungisan ng red tagging. Sa konkreto, sinisikap ng mga unyon at samahan na ilantad ang mga ganitong porma ng atake at binubuo ang malawak na kaisahan ng mga manggagawa at iba pang sektor para ito ay tutulan.

Gayundin, patuloy ang pagdadala ng mga lehitimong panawagan para sa sahod, trabaho, at karapatan. Katuwang ng mga manggagawa din dito ang mga labor rights defenders, mga institusyong maka-manggagawa, mga taong simbahan at mga peace advocates.

 

PW: Ano ang halaga ng sama-samang pagkilos at mga unyon sa makabagong panahon?

RP: Sa panahon na matindi ang pag-atake sa karapatan ng manggagawa at mamamayan, higit na lalong kailangan ang sama-samang pagkilos at ang unyon ng mga manggagawa. Sa paglala ng mga neoliberal na atake, ang mga unyon ng manggagawa ay mahalagang salik sa pagtataguyod ng karapatan ng mga manggagawa.

Ang mga neoliberal na polisiya at atake ay ipinatupad upang mapigilan ang pagtaas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor. Layunin rin ng baluktot ng mga polisiya na dagdagan ang mga supertubo ng mga dayuhang kompanya ng monopolyo at kanilang katuwang na mga panginoong maylupa at mga malalaking burgesya komprador.

Ang pribatisasyon naman ng mga serbisyong panlipunan ay naglalayong mabawasan pa lalo ang sahod ng mga manggagawa at empleyado ng gobyerno na kailangang magbayad ng mas mataas na bayarin sa mga pribadong ospital at paaralan.

Mahalaga ang pagpapakita ng lakas ng unyonismo at sama-samang pagkilos. Ang mga unyon sa lugar pagawaan ang unang depensa ng mga manggagawa sa atake sa kanilang sahod, karapatan, kalusugan at benepisyo sa panahon ng pandemiya

Dahil palapit na rin ang panahon ng eleksyon, mas lalong kailangang palakasin ang pagsasama-sama ng mga unyon at ng mamamayan para wakasan na ang mga anti-manggagawang polisiya ng kasalukuyang administrasyon at para ipaglaban ang labor agenda. Malaki ang magiging papel ng mga unyon ng mga manggagawa sa pagsasakatuparan nito, mula lokal hanggang pambansang antas.

Avatar