Ang mabuhanging dalampasigan na nilamon ng kalawang
Masagana ang pangingisda at tahimik ang pamumuhay noon ng mga taga-Timalan. Hanggang sa dumating ang baraderong sumira sa kanilang kabuhayan, karagatan at tirahan.
“Hindi ito Boracay, pero malinis ang baybayin at dagat namin noon. Marami kaming nahuhuling isda, at may maliliit na resort dito ang mga kabahayan. Ngayon, nagkalat ang mga tipak ng kalawang sa karagatan. Nabawasan na rin ng malaki ang huli namin.”
Ganito ilarawan ng residenteng si Alyzza Bigalbal, 31 anyos, ang pagbabago sa kanilang komunidad mula nang itayo ang baradero (shipyard) ng Vistamarine Shipbuilding & Shiprepair Inc. sa kanilang lugar.
“Hindi ninyo inabutan, kanina nag wewelding at nagkacutting sila ng bakal. Ang sakit sa ilong! Pag nagkukumpuni sila ng barko, nangangamoy sunog-na-gulong ang ang hangin.”
Hapon na kasi kami nakarating sa Barangay Timalan Balsahan sa bayan ng Naic sa Cavite, pero kita pa namin ang mga tangke ng acetylene gas at mga bakal na ayon sa mga nakapanayam ay katatabas pa lang.
Lalapit pa sana ako pero ipinagbawal na daw ng Vistamarine ang pagdaan sa dalampasigang iyon. Umiikot pa ang mga residente sa looban o magbabangka ng malayo para makatawid sa kabilang bahagi ng ilog at aplaya.
Kuwento pa nila, dati-rati ay maiksing baril lang ang dala ng guwardiya doon. Nang umingay ang pagtutol ng mamamayan, shotgun na ang bitbit ng mga bantay.
Isang masiglang komunidad ng mga mangingisda ang Timalan Balsahan. Bahagi ito ng Manila Bay at matatagpuan 47 kilometro, timog ng Maynila. Nangingisda pa rin sila, subalit para makahuli ng sapat, kailangang magpalaot sa malayo.
Disyembre 2017 nang bigyang lisensya mag-operate ng Maritime Industry Authority (Marina) ang Vistamarine.
Sa estuwaryo kung saan nagtatagpo ang Balsahan River at Manila Bay, nakatayo ang baradero. Mahalagang pangalagaan ang estuwaryo dahil dito nangingitlog ang mga isda at higit na mayaman ito sa lamang dagat.
Ayon sa mga residente, dating talabahan ang estuwaryo. Ngunit nang magsimula ang operasyon ng baradero, nawala na ang talabahan at unti-unting naglalaho ang mga hipon, alamang, at isda.
Naglalahong Kabuhayan
Sa mabuhanging dalampasigan sa tapat ng mga kabahayang labas na sa sakop ng Vistamarine, nakabalaho sa baybay ang barkong pangkargo na may haba ng apat na pampasaherong bus. Dito namin nakapanayam si Mang Rodel Bigalbal, 46 anyos na mangingisda. Sa Timalan na siya lumaki at nakapag-asawa.
“Masagana noon ang huli namin dito, may hipon, alimasag, sugpo, at sari-saring isda. Bago magkaroon niyan (itinuro ang baradero), nakaka 10-12 kilo kami ng huli sa isang gabi. Pero ngayon, kahit pa maganda ang panahon, kalahati hanggang isang kilo na lang ng hipon at isda ang nahuhuli namin,” Kuwento ni Mang Rodel.
Ilang dipa lang mula sa kanyang tirahan ang kumpunihan ng mga barko. Dinig na dinig ng pamilya niya ang ingay at amoy na amoy ang baho na mula sa Vistamarine.
Dagdag pa niya, “Tumigil rin ako manghuli ng alamang. Yung mga tao kasi diyan (itinuro ang baradero), sa dagat nagbabawas. Sumasama ang lasa ng alamang.”
Sa paglalakad namin sa gilid ng baradero, sa pampang ng estuwaryo, napansin namin ang kakaibang lapot ng lupa na tila kontaminado ng langis.
Si Mang Noel Arica, 59-anyos, residente ng Timalan mula pa 1972, ay nagpapatotoo rin sa hirap na sinapit ng komunidad. Dating mangingisda, ngayon ay nagkakasya na lang siya sa pagmamaneho ng traysikel.
Ayon sa kanya, “Tuwing naglilinis sila dyan ng barko, yung alamang, naglalasang langis.”
Hindi lang pangingisda ang apektado kundi maging ang turismo.
Maraming cottage house na pinarerenta noon ang mga residente. Tuwing panahon ng tag-init, umaabot ng P2,000 sa isang araw ang kita nila.
Isa pang mahalagang bagay na nawala sa mga mamamayan ang poso ng inuming tubig.
“Dyan sa mismong kinatatayuan ng Vistamarine, may 50 pamilya ang nakikinabang sa poso na nawala nang dumating yan dyan. Hindi gaya ng ibang poso, kahit tuloy-tuloy na mag-igib, hindi umaalat ang tubig dito. Ngayon, kailangan na naming mag-igib sa malayo o bumili ng tubig,” sabi ni Alyzza.
Ayon sa isang pag-aaral ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) Council on Working Party on Shipbuilding, kaakibat ng konstruksiyon, maintenance, at repair ng mga barko ang paggamit ng malaking bilang ng mga nakalalasong materyal, usok, at likido.
Ang mga aktibidad mula metal works – thermal metal cutting, welding, at grinding; surface treatment operations – sandblasting, coating, at pagpintura; ship maintenance at ship repair – bilge at tank cleaning, lahat ng ito ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan at polusyon sa paligid.
Nakasasama rin sa tao pag kinain ang mga lamang dagat na nakakain ng toxic na langis at metallic substance. Maari itong magresulta ng paghina ng kakayahang magpokus. Pati ang rinyon (kidney), endokrin, at puso ay maaaring maapektuhan.
Nasisisira rin nito ang biodiversity na maaring magresulta ng pagkawala ng isda at lamang dagat sa lugar.
Pagkawasak ng kabahayan at iba pang danas
Nakapanayam rin namin si Mang Sonny Cuevas, 50-anyos. Habang nag-uusap kami, hindi ko maalis sa paningin ang ilang bahay na tila dinaanan ng tsunami o lindol.
Ayon sa kanya, nasira ang mga bahay dahil sa pagbabago sa kilos ng alon (disruption of wave action) na epekto ng mga nakadaong na barko.
“Nakailang bagyo na kami dito, ngayon lang kami nakaranas ng ganyan. Dati, kapag umaalon, diretso lang ang tubig. Pero ngayon, kapag nasa dalampasigan ang mga barko, nababago ang takbo at daloy ng alon – pakadkad na sa lupa,” paliwanag ni Mang Sonny.
Ayon kay Mang Noel, hindi lang ito ang nasirang bahay dahil sa pagbabago ng agos ng tubig.
Daing rin ng mga tao ang mabahong amoy na nagmumula sa baradero.
“Humahalo ang kalawang hindi lang sa dagat, pati sa hangin, lalo kapag nagsa-sandblasting sila,” diin ni Mang Sonny.
Ang silica at ang kalawang na lumilipad sa hangin dahil sa pag sa-sandbasting ay madalas pagmulan ng sakit sa baga sa mga makalalanghap nito.
Nito lamang Oktubre 18, 2021, sa tulong ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), tumungo ang mga residente sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City upang ireklamo ang perwisyong dulot ng operasyon ng Vistamarine sa komunidad. Dahil dito, nagtungo ang DENR-Naic sa Vistamarine para suriin ang reklamo.
Itinanggi ng kumpanya na gumagamit ito ng sandblasting sa kanilang operasyon. Sa isang panayam ng Rappler sa Vistamarine, sinabi nito na hydro-blasting daw ang kanilang ginagawa kung saan tubig imbes na mga abrasive ang gamit.
Gayunpaman, iba ang nasasaksihan ng mga residente kung kaya’t pinayuhan sila ng DENR na kumuha ng video kaugnay nito.
Samantala, sa isang mabilis na suri sa Facebook page ng Vistamarine, sa sariling post nito, sinasabing gumamit ito ng sandblasting sa paglinis at pagkumpuni sa ilang mga barko.
Ayon sa pag-aaral ng OECD, ang polusyong likha ng mga baradero ay maaring pagmulan ng allergy. Ang mga toksikong kumakalat sa paligid ay nakakakanser rin sa tao at hayop.
Pagtutol ng mamamayan
Nitong Pebrero 2021, inilapit ng mga residente ang kanilang hinaing kay Konsehal Raffy Dualan ng Naic. Nangako ito na tutugunan ang hinaing nila matapos ang isang buwan. Nakalipas ang Marso, walang natanggap na sagot mula sa konsehal, na ngayon ay tumatakbo sa pagka-alkalde.
Marso 16, nagpasa sila ng petisyon sa Department of Interior and Local Government (DILG) na nilagdaan ng 300 na taga-baryo. Sa petisyon, iginigiit nila na dapat isuspinde ang operasyon ng Vistamarine sa lugar.
Oktubre, nagtungo si Mang Sonny, kasama ang mga kababaryo at Pamalakaya para idaing sa DENR ang perwisyong dinaranas nila bunga ng opersayon ng Vistamarine.
“Kahit yung (mga opisyal ng) barangay, hindi kami tinutulungan. Kung hindi pa sa Pamalakaya, hindi kami makakapunta sa DENR,” daing ni Mang Sonny.
Nang tanungin namin kung nagkaroon ba ng konsultasyon ang kumpanya at ang pamahalaan sa komunidad bago itayo ang baradero, ayon kay Mang Noel at Mang Sonny, hindi kinonsulta ang mamamayan ukol dito.
Bilang mga mangingisda, alam ng mga taga-Timalan ang mga bagay na nakakasama sa dagat. Kung kaya’t panawagan nila na paalisin na ang Vistamarine Shipyard na sumisira sa kalikasan, pumipinsala sa kanilang kabuhayan, at nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mamamayan.