FEATURED

Karahasan para sa yamang mineral

Kapos, kung hindi walang-wala, ang proteksyon na binigay ng gobyerno sa mga komunidad na apektado ng pagmimina. Nina Eriell Estrada at Gia Boragay

Mahabang yugto ng barikadang bayan at mga petisyon ang naging tugon ng mga residente ng Didipio sa Kasibu, Nueva Vizcaya laban sa dayuhang Australian-Canadian mining corporation na OceanaGold Philippines Inc.

Bahagi ng bundok na pinagminahan ng OceanaGold. | Mike Olea

Ayon kay Barangay Kagawad Julie Simongo, ika-anim ng Abril at kasagsagan ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), umabot sa marahas na dispersal ang binuong barikada ng mga residente ng Didipio upang pigilin ang pagpasok ng mga oil-tanker ng OceanaGold kahit tapos na ang kontrata nito noong Hunyo 2019 at may restraining order mula sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya.

Aniya, mapayapa at sumunod ang mga residente sa nasabing health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing ngunit dumating ang mga pulis na naka-full-riot gear bitbit ang kanilang mga armas. Mayroong mga nasaktan at nabalian ng buto, at may 15 residenteng sinampahan ng kaso.

“So kahit gano’n na ECQ talagang pinakita ng mga tao na nagbabarikada na ayaw na nila na ipasok ang diesel para gamitin sa compound ng OceanaGold,” sabi ni Kagawad Julie.

Daing ng mga residente ang pagsaid ng kompanya sa mga yamang mineral ng komunidad  habang inaabuso ang kalikasan at pagbabalewala sa kalusugan at karapatan ng mga tao.

Nagsimulang bumuo ng barikada ang mga residente ng Didipio noong Hulyo 2019, ilang araw matapos ang takdang petsa ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold sa gobyerno ng Pilipinas.

Ang FTAA ay ang kontrata sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at mga dayuhang kompanya para bigyan ng permiso sa malawakang eksplorasyon at pagpapaunlad ng mga yamang mineral dito sa bansa.

Patuloy ang operasyon ng OceanaGold, ngunit matibay ang paninindigan ng mga mamamayan para harangin at pigilin ang pagbabalik na ito.

“Madaming violations ang company, mismo dito sa lugar… Pero bakit wala man lang nag-investigate o pumunta dito mismo para tingnan ang lugar o isa-isahin ang mga kabahayan for interview and then pakinggan yung mga sinasabi bago sana nila pirmahan ang renewal ang FTAA,” sabi ni Kagawad Julie.

 

Pinsala sa mga pamilya

Dalawang beses kada taon ang pag-ani ng mga pananim tulad ng saging, palay, at mga gulay ng magsasakang si Donato Dummang bago dumating at magsagawa ng large-scale mining ang OceanaGold. Ngayon isang beses na lang at mas lumiit ang pinagkukunan nila ng tubig mula sa Sitio Dagupan dahil sa paglalim ng open pit sa minahan.

“Siguro [ang dahilan nang pagkawala ng tubig ay] yung underground ng Oceana, kasi yung pinagkukunan namin ng tubig dyan sa bahay namin dati-rati marami,” ani Dummang.

Sinang-ayunan naman ito ni Francis Maina, aniya kahit ang tag-ulan hindi na rin nakakatulong sa kanila. Ang tubig mula sa ilog naging kulay kayumanggi na dahil sa dumi galing sa minahan—karaniwang pinaghalong mga nakakalason na toxic waste gaya ng arsenic, radioactive materials, sulfur, mercury, at cyanide.

Si Francis ay mula sa kalapit-barangay na Alimit. Pangamba niya na baka mawasak at maging isang “purong bato” ang kanilang komunidad tulad ng Didipio dahil sakop na rin ng FTAA ang kanilang lugar.

Perwisyo sa kalusugan ng mga residente lalo na sa mga bata ang kemikal, dumi, at polusyon na nilalabas ng kompanya. “Nung nagsimula ‘yan, kahit nasa loob ng bahay madali (kaming) inuubo lalo na ‘yung mga bata… ‘Yung lumalabas dyan sa Oceana na dumi nila, ‘pag gabi minsan maaamoy mo,” dagdag ni Dummang.

 

Pamahalaang bingi

Magpapatuloy nang 25 pang taon ang pinsala ng dambuhalang kompanya. Inanunsyo kasi ng Malacañang nitong Hulyo 15, 2021 ang pagpapanibagong bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa FTAA ng OceanaGold mula Hunyo 19, 2019 hanggang 2044.

Sa kabila ng mga pahayag na ipagbawal ang open pit mining sa kaniyang State of the Nation Address noong 2018,  naglabas ang Malacañang ng Executive Order No. 130 upang ibasura ang siyam na taong pagbabawal sa mga naging kasunduan hinggil sa yamang mineral.

Sa gitna kasi ng malawakang pagsalungat mula sa mga pinuno ng probinsya at komunidad, iba’t ibang sektor at organisasyon, nakahanap ang mga dayuhang kompanyang ito tulad ng OceanaGold ng magpo-protekta para sa kanilang proyektong minahan.

“Ano ang basehan ni President? Sa dami ng mga resolutions na umaayaw na mai-renew ang FTAA, ano ang kaniyang basehan at inutusan ang kaniyang secretary (ng DENR Roy Cimatu) na i-endorse at napirmahan ngayon ang FTAA?” giit ni Kagawad Julie.

“’Yun po ang masakit sa amin kasi halos more than two years ang barikada at kahit ano ang harassment, kahit ano ang sinasabi nila sa amin, and then naapektuhan pa ang mga anak, pamilya ng bawat isa sa amin ay nandoon. Walang investigation (konsultasyon) bago napirmahan ang renewal ng FTAA,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, nananatili na isang kontrobersyal na isyu sa bansa ang pagmimina dahil sa mga nakaraang halimbawa ng maling pamamahala sa kapaligiran. Kasabay rin nito ang lumalalang kaso ng atake sa mga environmental defenders at patuloy na pagsupil sa ating mga katutubo.

Nanawagan si Leon Dulce, National Coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment, na magpataw ng emergency moratorium ang Malacañang sa mga proyektong lubhang nakakasira ng kalikasan tulad ng pag-apruba ng renewal sa operasyon ng OceanaGold.

Aniya, lubhang apektado maging ang mga mamamayan at tanging ang mga negosyante lamang ang nakikinabang dito. /Pananaliksik mula sa Film Weekly.