Kulturang bisikleta: Mula lansangan hanggang aktibismo
Maaaring maging daan ang pagbibisikleta upang magkaroon ng aktibismo tungo sa mahusay na imprastrukturang susuporta sa paggamit ng sasakyan.
Mayroong kultura ang pagbibisikleta. Ngunit hindi lang ito sa anyong biswal, o iyong pormang kaakit-akit sa paningin, na papalapit sa matatawag na fashion. Bagkus, tumatagos ang kultura na ito sa mismong gana (utility) at pamumuhay ng mga tao.
Sa balangkas ng gana (utility) ng bisikleta mas mahusay na makikita ang kulturang ito. Makikita ang kulturang pagbibisikleta sa mga siyudad at bansa na sumusuporta sa malaking bahagdan ng pagbibisikletang may gana (utility). Ilang ehemplo ang mga bansang Denmark, Germany, Netherlands, Belgium (partikular pa ang Flanders), Italya, Tsina, at Hapon.
Mayroon pa ngang mga bayan sa ilang bansa kung saan integral na bahagi ng pamumuhay ang pagbibisikleta na walang opisyal na suporta. Matutunghayan ito sa Ílhavo, Portugal. Sa Estados Unidos, ilang siyudad na may malakas na kulturang pagbibisikleta ay sa Portland, San Francisco, at Boston.
Mapapansin sa mga lugar na may masigla at malakas na kulturang pagbibisikleta ang mahusay na imprastruktura para sa pagbibisikleta. Kabilang rito ang nakabukod na mga bike lane at pasilidad para sa pagbibisikleta tulad ng bike racks.
Hindi malayo sa kulturang ito ang adbokasiya at aktibismo, dahil may likas na kakayanan ang mga siklista na magtipon upang makalikha ng isang grupo, at hindi lang ito sa pagbubuo ng peloton ng mga kumakarerang siklista o mga tigahatid (delivery man o mensahero). Maaaring tumawid ang isang grupo ng siklista upang itulak ang ilang adyenda, tulad ng ligtas na mga daan para sa mga siklista at komyuter, maging ilan pang gawaing aktibo tulad ng pagkukpuni ng mga segunda manong bisikleta upang ipamahagi sa mga bata o walang tahanan (tulad ng Bikes no Bombs) o mga peminista na nagtutulak ng women empowerment (Ovarian Psychos).
Lagpas pa rito, maaari pang sumibol ang kontrakultura mula sa kulturang pagbibisikleta. Maaaring lumitaw ang pormang protesta hanggang civil disobedience pa nga, katulad ng pagkilos ng Critical Mass kung saan magtatagpo sa isang lugar at tiyak na oras ang mga siklista upang pumadyak habang ipinapanawagan ang ligtas na pagbibisikleta, laluna sa mga lugar na napakahina ng imprastruktura para sa bisikleta. Anila nga, ‘there’s safety in numbers.’
Maaaring ito ang kulturang maipapalitaw ng paparaming mga Pilipino na hindi lang nahihilig sa pagbibisikleta bilang pampalipas oras o pang-porma, kundi nakikita ang gana ng bisikleta bilang anyo ng transportasyon. Mahusay pa itong transportasyon para sa karaniwang obrero na may mababang sahod na gustong makatipid ng gastos.
Sa kasalukuyan, mahina pa ang kulturang bisikleta sa Pilipinas, dahil bagaman may naitaguyod nang bike lanes sa mga mayor na lansangan tulad ng EDSA, hindi pa ito maayos para sa ligtas na pag-andar dahil marami itong butas na maaaring makapinsala sa mga siklista. Isa pa, bagaman nabanggit na ng ilang vloggers na siklista ang mga problemang ito, hindi pa nagkakaroon ng kritikal na bilang ng siklista upang mas maingay at mas malakas na maitulak ang adyendang ligtas na pagbibisikleta.
Dito maaaring magkaisa ang mga siklistang Pilipino upang magbuklod at maipanawagan ang ligtas na mga lansangan at mahusay na imprastruktura para sa bisikleta.