FEATURED

Laban para sa karapatan, sa panahon ng digital age


Napapanahon ang maiikling pelikula sa ilalim ng Tech Tales na tumatalakay sa mga isyu hinggil sa digital rights ng mga mamamayan sa Asya-Pasipiko.

Mga mamamayang nakukulapulan ng “fake news” hinggil sa kalagayan ng kanilang gobyerno. Mga empleyado ng bayarang “troll army”. Mga grupo ng minoryang biktima ng diskriminasyon at paniniktik. Mga kababaihang hinaharas sa internet. Mga alagad ng sining na sinusupil sa pagsasabi ng katotohanan. Mga mamamahayag na kinukulong dahil nag-uulat hinggil sa katotohanan.

Ito ang ilan sa mga karakter sa walong maiikling pelikula sa ilalim ng “Tech Tales: Films about Digital Rights in the Asia-Pacific”, isang koleksiyon na pinrodyus ng grupong EngageMedia. Ang mga karakter na ito, hindi lang mula sa Pilipinas. Matatagpuan sila sa Myanmar, kung saan nagkudeta ang mga heneral at pinabagsak ang isang demokratikong gobyerno. Matatagpuan sila sa Indonesia, kung saan tumataas ang bilang ng mga biktima ng online gender-based violence o OGBV.

Sa Thailand, biktima sa Timog na bahagi ng bansa ang mga etnikong Malay Muslim. Sa Malaysia, ginagamit ang isang batas para supilin ang mga mamamahayag at maniktik sa mga mamamayan. Sa India rin, makikita ang tumitinding paniniktik ng gobyerno sa mga mamamayan nito. At sa Pilipinas naman, ineempleyo ng mga nasa kapangyarihan ang online trolls para dagsain at patahimikin ang mga kritiko ng giyera kontra droga at iba pang polisiya ng gobyerno.

Matatagpuan naman sa Australia ang kuwento ng alternatibong sistema ng internet noong dekada ‘80 at ‘90 na ginamit ng mga aktibistang pangkalikasan para sa kanilang adbokasiya.

Sabi ni King Catoy, video lead ng EngageMedia, matindi ang mga banta sa karapatang digital o digital rights ng mga mamamayan ng Asya Pasipiko ngayon. Pinalala lang umano ito ng pandemya, lalo na sa mga bansa na ginamit ang pagkakataon para lalong supilin ang mga mamamayan nito.

“Sa mga bansang ito, susing isyu ang digital rights, sa tumitinding paggiit ng mga mamamayan ng karapatang ihayag ang kanilang mga hinaing sa digital platforms, samantalang tumitinding sinisikil naman ng mga gobyernoa ang internet, akses sa social media, at hinihigpitan at pinarurusahan ang pagpapahayag sa digital format,” sabi pa ni Catoy.

Sinabi pa niya na sa kabila ng seryosong mga bantang ito sa karapatan ng mta mamamayan sa rehiyon, parang kapos ang mga pelikula at dokoumentaryo na tumatalakay sa mg isyung ito. Ito umano ang dahilan kung bakit nagprodyus ang EngageMedia ng koleksiyon ng short films sa ilalim ng Tech Tales.

Kabilang sa mga lumahok sa paglikha ng pelikula sa koleksiyon sina Vijitra Duangdee mula Thailand, Yihwen Chen mula Malaysia, Jackson Brook mula Cambodia at isang anonymous filmmaker mula Myanmar. Lumikha sila ng mga pelikula na tumatalakay sa mga atake sa karapatan ng mga mamamayan sa pamamahayag at paghayag sa panahon ng digital age.

Kasama rin sa Tech Tales ang Pilipinong filmmaker na si filmmaker Richard Soriano Legaspi, na nagtalakay hinggil sa internet trolls ng gobyerno at disimpormasyon para suportahan ang pasistang gobyerno. Ang pelikula naman ni Varun Kurtkoti ng India ay malikhaing pagtalakay sa paniniktik ng Estado at banta nito sa digital privacy ng kanilang bansa. Nasa koleksiyon din si Annisa Adjam ng Indonesia, na gumawa ng malikhain at emosyonal na pelikula hinggil sa OGBV. Nakakaintriga naman ang pelikula ni Andrew Garton from Australia tells intriguing tales of attempts at developing alternative internet systems that cater to marginalised peoples.

“May mga naihanda kaming screening at platforms (sa internet). Mahalagang makaabot ang mga pelikulang ito sa mas maraming odyens,” sabi pa ni Catoy.

Maaaring antabayanan ang pagpapalabas sa mga pelikula ng Tech Tales sa inyong social media accounts sa pangunguna ng alternatibong media outfit na Bulatlat.com.