FEATURED

Libreng sakay, pasanin ng drayber


Hindi pa rin mapaliwanag ng gobyerno ang buwanan nang isyu ng delay sa sahod ng mga drayber ng Carousel. Paano magiging serbisyo sa tao ang programang Libreng Sakay kung mismong manggagawa kinakalimutan? Ni Eriell Estrada

Kung marami mang natuwa sa programang Libreng Sakay ng Department of Transportation (DOTr), ang mga drayber at kundoktor na primaryang nagpapagana ng programa ay pinapasan ang dapat na lingguhang sahod na buwan nang hindi natatanggap.

Protesta ng mga manggagawa ng EDSA Carousel sa tapat ng LTFRB. | Mayday Multimedia

Marso nang magsimula ang libreng sakay ng gobyerno para sa mga frontliner at Authorized Persons Outside Residence sa Metro Manila partikular sa bagong iskema na EDSA Carousel. Pinalawak din ito sa iba pang rehiyon sa muli nitong paglunsad noong Setyembre.

Ayon sa Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela), karamihan sa mga idinulog sa kanilang grupo ang delayed na sahod ng mga bus employee.

Nagpiket ang mga bus employee sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong Nobyembre 15 upang pagkaisahin ang paniningil sa naantalang sahod. Nangako ang ahensya na sisiyasatin ang ugat ng problema.

“Sa ilalim ng GAA [General Appropriations Act] 2021, babayaran ang mga operator at tsuper linggu-linggo,” ayon sa DOTr.

Ayon kay Sandy Hachaso, punong taga-pulong ng Manibela, “Batay din sa sinasabi ng mga operator ay hindi talaga nila natatanggap nang updated din yung payout para doon sa kontrata.”

 

Intensyon vs katuparan

Nasa ikalawang phase na ang programa matapos panandaliang suspindihin kasabay ng pagtigil ng bisa ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2). Ayon kay Hachaso, may mga hindi naibigay na sahod noong unang phase kahit na nagsimula na ang phase 2 ng programa nitong Setyembre.

Ikinadismaya ito ng grupo lalo na’t pangunahing intensyon ng programa na tulungan ang mga tsuper at mga kundoktor na kulang na kulang ang kinikita at nawalan ng hanapbuhay nang magkaroon ng pandemya.

“Ang karamihan sa kanila ipinapangutang sa mga kamag-anak, ipinapangutang sa mga nag-five-six at hindi na sila nakapagpaaral ng kanilang anak. Yung iba inuwi na sa probinsiya nila yung kanilang pamilya, hindi na nila kayang i-upa ng bahay dito sa NCR,” dagdag ni Hachaso.

Pambawi na nga raw sana itong programa sa sunod-sunod na dagok sa mga drayber.  “Sa pamamagitan ng Service Contracting Program, binibigyan ng pagkakataon ang mga public utility vehicle operator at mga tsuper na kumita ayon sa bilang ng kanilang pasada na itinakbo kada linggo, may sakay man o wala,” paliwanag ni Hachaso.

Noong phase 1, 30 porsiyento ng payout ang istandard na napupunta  sa mga drayber ngunit sa phase 2, ibinigay sa mga bus operator ang kapangyarihan magtakda ng ipamamahaging porsyento sa kanilang mga tauhan.

Hindi ito katulad noong commission-based na kinagisnan ng mga drayber bago pandemya kung saan nakabase sa dami ng pasahero ang porsiyentong kanilang matatanggap.

Kahit na maganda ang konsepto, kung delayed naman, wala ring ginhawang naidulot at nakadagdag pa nga sa pasakit ng pandemya, sabi ni ni Lana Linaban, Anakpawis Party-list Second Nominee at co-convenor of the Ayuda Network.

Mayo pa lang, dumadaing na ang mga drayber. Sa panayam sa GMA, sinabi ng ilan sa kanila na matapos ang dalawang buwan ng programa, 12 na araw pa lang ang sinahod nila. Noon pa man, hindi na malinaw bakit hindi sila agad nababayaran.

“Matutulak sila sa kagutuman at kahirapan, at pagkakabaon sa utang,” dagdag ni Linaban sa isang pahayag. “Hinahamon ng Anakpawis Party-list si Sec. Art Tugade, na maraming good news na inilalabas sa website ng kanyang opisina, pero sa aktwal ay may kapalpakan sa pagbabayad sa mismong mga naghihirap para sa kanilang programa, na kagyat na bayaran ang mga driver at conductor ng EDSA Carousel.”

Kung hindi ito matutugunan, anila, hindi malayong mauwi sa pag-iimbestiga sa Senado o Kongreso ang hindi pa maresolbang isyu.

Ang delayed na sahod ay isa lang sa problemang dinaranas ng mga bus driver. Ayon kay Hachaso, kasalukuyan na umaani ng mga listahan ng paglabag ang mga drayber dahil sa ginawang proyekto ng Metro Manila Development Authority na sinimulan pa nila noong 2019.

“Ngayon, itong multiple traffic violations na ito ay mga settled ito na kinalkal nila, binibilang nila yung huli na yung pinagbasehan pa yung 2001 na huli ng mga drivers up to present, kaya merong mga drivers na ang huli nila ay equivalent ng 300+ na traffic violations,” sabi ni Hachaso. Ang magulo dito, aniya, natubos na at nakapag-seminar na ang mga drayber para sa mga mas lumang violation.

Ang mga may higit 100 traffic violations ay pinapatawan ng tatlong buwan na suspensyon at maaari ring magpasawalang bisa ng lisensya.

Protesta ng mga Manibela sa harap ng LTFRB. |Mayday Multimedia

Napag-iiwanan

Dagdag itong banta na mawalan ng trabaho sa pasanin bunga ng pandemya  at tumataas na presyo ng mga bilihin. Ayon sa Kilusang Mayo Uno, taliwas ito sa mga hakbang ng gobyerno para muling buksan ang ekonomiya, dahil kung hindi napaproteksyunan ang “economic frontliner” tulad ng mga drayber, wala ring maaasahang pagbangon ng ekonomiya.

Kahit nasa Alert Level 2 na ang Metro Manila, hindi pa rin pinapayagan ang full-seating capacity  at 70% lamang ang dapat na kapasidad sa pampasaherong bus. Ayon kay Hachaso, may multang P1,800 — P1,000 sa violation at P800 sa computer-processing — kapag natiketan sa paglabag na ito.

Isa pa ang hindi pagsusuot ng face shield sa mga public utility vehicles. May multang P2000 sa naturang paglabag. Pahirap ang mga ganitong polisiya lalo na sa rutang labas ng EDSA Busway dahil sa mga random checkpoints at inspections na ginagawa ng awtoridad.

“Dahil umiiral yung sistemang porsyentuhan, commission-based. Nag-dare sila magsakay ng full capacity para lang palakihin siyempre yung kanilang koleksyon at para lumaki yung kanilang kikitain,” sabi ni Hachaso.