Mga kawani, nanawagan ng dagdag na benepisyo at bonus


Hinihiling ng Courage na maibigay ang dagdag na benepisyo at bonus bago ang Disyembre 15.

Kontribusyon

Nanawagan ang mga kawani ng pamahalaan ng karagdagang benepisyo at Christmas bonus sa Office of the President (OP) at Department of Budget and Management (DBM).

Ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), nahihirapan din ang mga kawani ng pamahalaan na makaagapay sa krisis na dulot ng pandemya.

“Mapupunta lamang sa pambayad ng utang ang matatanggap naming year-end regular benefit dahil sa mga naipong utang sa nagdaang mga buwan upang tustusan ang mga gastusin,” sabi ni Alan Balaba, pambansang pangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines.

Nagsumite ng liham ang Courage sa OP at DBM upang hilingin ang dagdag na benepisyo at bonus para sa lahat ng kawani sa pamahalaan noong Oktubre 28.

Nakasaad sa liham ang pagtanggal sa limitasyon sa Year-End Collective Negotiation Agreement na may maksimum na halagang P25,000, dagdag na Productivity Enhancement Incentive mula P5,000 hanggang P10,000 at pagbibigay ng P10,000 na Gratuity Pay sa mga kawaning job order at contract of service na may minimum na tatlong buwang serbisyo ngayong taon.

Hinihiling din ng Courage na maibigay ang dagdag na benepisyo at bonus bago ang Disyembre 15.

“Ngayong taon lamang namin natanggap ang ipinangakong P3,000 na gratuity pay ng Malacañang sa amin noong nakaraang taon,” sabi ni Roxanne Fernandez, tagapagsalita ng Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon. “Sana ngayong taon ay mapagbigyan ang aming hiling na P10,000 na gratuity pay at matanggap namin ito bago ang Pasko.”

Ayon sa Civil Service Commission, nasa 600,000 ang kontraktwal na manggagawa at kawani sa pamahalaan, mula sa kabuuang 2.4 milyon na kawani, ang nakakatanggap ng mababang sahod at walang nakukuhang benepisyo.

“Marami rin sa mga kontraktwal na kawani ang nasa frontline ng pandemya,” dagdag ni Fernandez.

Sinabi naman ng pambansang pangulo ng Courage na si Santiago Dasmariñas na dapat tanggalin na ang mga limitasyon sa mga probisyon ng mga collective negotiation agreement incentive upang mas lalong makatulong sa mga kasapi ng mga unyon at kawani.

“Nananawagan kami sa Malacañang na ibigay na ang mga karagdagang benepisyo sapagkat kinikilala naming ang pangangailangan sa economic relief at makatutulong ito sa pagbangon ng mga kawani mula sa pandemya,” sabi ni Dasmariñas.