Tugon ng mga alagad ng sining


Isang album ang inisyatiba ng mga musikero, at bitbit nito ang mga mensahe tungkol sa iba’t ibang kasalukuyang usapin at pangyayari sa lipunan.

Inilunsad noong Nobyembre 10, 2021 ang “Tayo ang Tutugon,” produkto ng kakabuo lang na Musicians for Democracy (MD).

 

Sabi ng grupo, isang mabisang daluyan ng imahe at mensahe ang musika. Kaya naman napakahalaga ng sentrong tema ng album; kailangang bigyan pansin ang mga isyu lalo na at nalalapit ang eleksiyon sa susunod na taon.

 

May malikhaing komentaryo sa West Philippine Sea, sa palpak na pagtugon ng gobyerno sa pandemya, sa korupsiyon, at pamamayagpag ng political dynasties, at iba pa. Naniniwala ang grupo na dapat rin talakayin at tugunan ng mga kandidato ang mga isyung ito.

 

Iba rin ang tuwa at paghanga naman mula sa Pinoy Weekly, dahil isa si JL Burgos sa mga nag-ambag ng talento sa album. Kasapi si Burgos sa board of trustees ng PinoyMedia Center, na siyang tagapaglathala ng Pinoy Weekly.

 

Sa isang music video na pinamagatang ‘Program’, nagsanib-talento sina Burgos at Bong Ramilo.

 

“Interesado akong maiba naman ang proseso,” kuwento ni Ramilo. Aniya, karaniwang nauuna ang kanta bago gawan ng video, kaya sinubukan nila ni Burgos na mauna ang mga imahe at isunod ang musika.

 

Agad pumayag si Burgos nang banggitin sa kanya ang nais na kolaborasyon ni Ranilo.

 

“Ang aming kasunduan: baligtarin ang proseso,” sabi niya. Masaya naman si Ranilo kahit pa sa unang cut pa lang ng bidyo, kahit pa alangan si Burgos dahil nakasanayan niya na nauuna ang kanta.

 

“May sarili namang ritmo ang paggamit niya sa musika at imahe, kaya mabilis naman akong na-inspire sa ginawa ni JL,” sabi ni Ranilo.

 

Nagtugma ang kanilang usapan at sining sa matingkad na pagpapakita ng mga isyu. Ispesipiko ang tema ng video: human rights violation laluna ang extrajudicial killings, pananakit at pagpatay sa mga tumututol, maging ang mga naging biktima ng drug war ni Pangulong Duterte.

 

“Iyun ang sa tingin ko ang dapat mapatingkad, at sa tingin ko ay nagtagumpay ang video” sabi ni Ramilo.

 

Tingin ni Burgos na makasaysayan ang darating na eleksiyon dahil aniya, napakalaki ng nakataya rito.

 

“Pakiramdam namin, kailangang-kailangang manindigan.”

 

“Para ka ba sa karapatang pantao, o para ka ba sa walang katuturang patayan? Para ka ba sa nang-aapi, o lalaban ka para sa inaapi?” tanong niya.

 

Bitbit na panawagan ni Burgos at Ranilo na baguhin ang siklo ng pamamaslang na kasalukuyang nangyayari sa lipunan. Ito ang naging ambag ng kanilang tambalan sa kabuuang mensahe ng album.

 

Kasama nilang nag-ambag sa album ang respetadong mga musikero’t banda tulad nina Cookie Chua, Skarlet Brown, Nathan Abella at Rey Abella, Kat Darling, Talahib People’s Music, Dap-Ayan ti Kultura iti Kordilyera, at ang MD Core Group.

 

Sa pahayag ng ng MD, naniniwala silang “we deserve better leaders.”

Tuloy-tuloy mula noon, sa nagdaang limang taon, at sa pagtatapos ng administrasyon ni Rodrigo Duterte ang pagsisikap tumugon at magsilang ng bagong makamasang panahon. Ang mga tao, maging ang mga musikero’t alagad ng sining, inaanyayahang tunguhin ang landas ng makabuluhang pagbabago upang matugunan ang mga pasakit na nararanasan ng lipunan sa kasalukuyan.