Manggagawa

Unity for Wage Increase Now, muling sumikad

November 26, 2021

Muling pinasigla ng mga manggagawa ang panawagan para sa P750 National Minimum Wage at makabuluhang dagdag-sahod sa pamamagitan ng pagtatayo ng Unity for Wage Increase Now (UWIN).

PANIBAGONG sigla ang binuhay ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod nang iharap sa isang press conference sa Quezon City noong Nobyembre 22 ang pagbubuklod sa Unity for Wage Increase Now (UWIN).

Press Conference ng UWIN. | Kontribusyon

Binunyag ni Hanson Arrojo ng Samahan ng Manggagawang Kristiyanong Pamayanan na tinanggalan ng karapatan sa pag-uunyon ang mga manggagawang kanilang nakakaharap. Aniya’y may pinapasahod pa ng P250 o wala pang kalahati ng arawang minimum wage sa Metro Manila na P537.

Ayon naman kay Victor Ansuas, secretary ng Hypervolt Workers Union, naaantala ang pagbibigay ng kanilang sahod at benepisyo. Katatayo lang ng kanilang unyon sa gitna ng pandemya at ayaw humarap ng management sa mga ipinapatawag na pag-uusap.

Idinaing naman ni Deo Fuentes ng unyon sa South Supermarket na “isang supot lang ang naiuuwi ng mga manggagawa kada linggo” dahil sa liit ng sahod. Iyan ay habang nagtatrabaho sila sa gitna ng napakaraming kalakal ng supermarket.

Mula sa datos ng gobyerno, makikitang dalawang beses lang nagkaroon ng pagtaas ng minimum wage si administrasyon ni Pangulong Duterte, pinakamadalang sa lahat ng presidente mula pa  noong panahon ni Cory Aquino. Pinakamaliit rin na pagtaas ng sahod ang naitala sa terminong ito.

Sa Robina Farms Division may bago na silang collective bargaining agreement (CBA) para sa susunod na tatlong taon. Nakamit nila ang arawang umento na P40 sa unang dalawang taon pero benepisyong P1,000 halaga lang ng groceries kada buwan sa ikatlong taon, sabi ni Fely Frias.

“Mahalaga ang sikmura,” dagdag niya. Balisa ang mga manggagawa sa Robina dahil 446 na manggagawa sa Bulacan at 226 sa Antipolo ang nawalan pa ng trabaho nang mapeste ng African Swine Fever ang mga alagang hayop.

Ayon naman kay Malou Fabella ng unyon sa Manila Bay Thread Corp., may limang araw ang pasok kada linggo noong bago mag-pandemya at naging tatlo hanggang apat na araw na lang nang tumama ang Covid-19. Wala silang nakuhang umento sa CBA para sa dalawang taon.

Nanawagan si Fabella na maglaan ang gobyerno ng subsidyo sa maliliit na negosyo para mapasahod ang mga manggagawa.

Naging panauhin ng UWIN si Ka Bong Labog, Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno at kandidato para sa pagka-senador, na naglinaw na “katambal ng wage increase ang pagbasura sa laganap na kontraktwalisasyon.”

Avatar