Buhay Pinoy FEATURED

Buhay sa tabi ng patay na ilog

Pilit nilalaban ng mga komunidad ang kabuhayan sa tabi ng Marilao-Meycauayan-Obando River System na dating malinaw at sagana sa isda.

Nina Gia Boragay, John Russel Dela Cruz at Eriell Estrada

Matagal nang patay ang Marilao-Meycauayan-Obando River System ayon sa Department of Environment and Natural Resources. Kasama ang 52-kilometrong katubigan sa listahan ng pinakamaruming lugar sa buong mundo noong 2007, ayon sa Pure Earth (dating Blacksmith Institute), internasyonal na organisasyong naglalayon tugunan ang problema sa polusyon ng mahihirap na bansa.

Isa sa maraming tanawin ng basura at industrial waste. Eriell Estrada

Ayon sa Pure Earth, matinding problema ang direktang itinatapong mga industrial waste sa ilog. Sa entrada ng terminal ng bangka sa Meycauayan Market, kapansin-pansin ang malaking tubo mula sa isang slaughterhouse ng palengke. Sinasalo kasi ng ilog ang maruming tubig na inilalabas nito na nagreresulta sa maitim na kulay ng ilog at masangsang na amoy ng lugar.

Kwento ni Rogelio Hilario, 69 anyos, isinilang at lumaki sa Barangay Liputan, malinaw ang katubigan ng ilog noon at sagana sa mga lamang-dagat gaya ng sugpo, hipon, at alimango. “Ngayon nawala na sa pagkakadating ng masamang tubig,” sabi niya.

Si Rogelio Hilario, buong buhay nanirahan sa tabi ng ilog. Gia Boragay

Mayroon pa rin namang malawak na palaisdaan sa loob ng Liputan tulad ng binabantayan ni Zenaida Go, 60 anyos na residente. Ngunit habang tumatagal ay kumukonti ang kanilang nahuhuli.

“Dati kami nakakatatlong harvest, ngayon wala na. Pinakamalaki na ang dalawa… pinakasuwerte ka na noon. [Kapag] isang taon dati nakakatatlo kami, ngayon hindi na dahil nga sa masamang tubig… Mabantot. Maitim,” sabi ni Zenaida.

Bukod sa panganib ng tubig sa kanilang kabuhayan at kalugusan, nakasanayan na ng mga residente ang pagbaha sa kanilang lugar. Pinakamalubha ay noong rumagasa ang bagyong Ondoy at nitong isang taon lamang ang Ulysses, kung saan umabot hanggang dibdib ang lalim ng baha ayon kay Zenaida.

Kasalukuyang nagpapagawa si Rogelio ng bahay. Aniya, ang unang palapag ay malamang hindi niya magagamit bilang paghahanda na rin sa patuloy pang pagtaas ng tubig. Nagsisitaasan din ang iba pang bahay sa lugar tulad ng istilong pinapagawa niya.

“Kaya lang kami lumulubog non [dahil] talagang bagyo. Pero ngayon kahit hindi bagyo lumulubog kami,” sabi niya.

Ayon kay Zenaida, tanging dasal ang kaniyang sandata upang hindi lubhang maapektuhan kapag nagbabanta ang pagtaas ng tubig. “Pag umulan ‘yan naku magdasal ka na sana lumagpas [ang agos ng tubig kasama ang basura]. Kasi ‘pag ‘yan pumasok sa palaisdaan patay lahat ng hayop mo.”

Pangamba din niya ang itinatayong Aerotropolis ng San Miguel Corporation sa Bulakan. Hindi man direkta sa kanilang komunidad ang lokasyon ng proyekto, inaalala niya ang polusyon, ingay ng paliparan, at masamang epekto nito sa kalikasan.

Sabi niya, “Tama, isa ‘yong pag-unlad pero kaming mga namamalaisdaan apektado noon. At saka ‘yung mga nandito sa amin, saan pa pupunta para mangisda? Kailangan natin [para maipatigil ang pagtayo ng airport], dapat marami tayo. Kung iilan-ilan lang kayong magsasalita papakinggan ba tayo?”