FEATURED

Climate Justice para sa manggagawa at maralita


Ano nga ba ang climate change at climate justice para sa mga manggagawa at maralitang Pilipino?

Usapan ngayon sa daigdig ang “climate change” (pagbabago sa klima) at ang panawagan para sa “climate justice” (hustisya para sa krisis sa klima) dahil sa kakatapos lang na United Nations Climate Change Conference o COP26. Pero ano nga ba ang epekto ng pagkawasak ng kalikasan sa mga pinakabulnerableng sektor sa mahirap na bansang kabilang sa tinatawag na “Global South” gaya ng Pilipinas?

Kinapanayam ng Pinoy Weekly sina Ka Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), at Estelita ‘Ka Inday’ Bagasbas, pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), para bigyang larawan ang mga kinakaharap ng mga manggagawa at maralita sa usapin ng klima at kalikasan.

Kuha ni Neil Ambion

Epekto sa kabuhayan

Nanay Inday: Sa lahat ng aspeto ng buhay, bulnerable ang maralita sa climate change. May double standard sa pagse-safe guard ng environment na at the expense ng karaniwang Pilipinong naghahanap-buhay.

Yung jeepney phaseout. Pinipigilang mamasada ang mga drayber. Kailangan nang mag-comply sa Euro 4 standards ang mga makina. Ang mga tsuper at mamamayan ay hindi naman anti-environment pero tutol tayo roon sa burden ng environmentalism o pagse-safe guard sa environment na pinapa-shoulder sa mas bulnerableng sektor ng lipunan. ‘Yung gobyerno, sa ngalan ng environmentalism nagagawa niyang magpahirap ng mga tao samantalang siya naman ang pumapayag sa malalaking destructive mining.

Ka Jerome: May kaso kami sa Eastern Visayas nong Ondoy, so bumagyo, bumagsak yung factory, nagtratrabaho don yung mga manggagawa, wala silang hanapbuhay tapos wala rin namang immediate na tulong sa management lalo na sa pambansang pamahalaan.

 

Epekto sa paninirahan

Ka Jerome: Yung pagkawasak ng ating kalikasan meron diretsong epekto sa amin yan. Nandon kami sa mga komunidad na pinakamahihirap, hindi kami makatira sa subdivision. So, kapag dumadating yung bagyo, lindol, tag-init, at baha yari na kaming mga manggagawa. Damay na kami sa napakatinding pagbaha, mawawasak yung aming mga tirahan, madi-dislocate yung aming hanapbuhay at mabigat pa, magbubuwis ng buhay yung ating kababayan.

Nanay Inday: Ginagamit ‘yung environmental concerns sa demolisyon. Sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992, pwedeng i-justify para i-demolish ‘yung mga kabahayan na nasa danger zones. Kung ang isang community ay binansagang danger zone, automatic demolisyon at hindi na kailangang ng consultation. Pero kapag mga mall at iba pang mayayamang establisimyento na kahit bahain o masunog, hindi isasalang sa demolisyon.

Isa pa ‘yung pagte-take ng accountabilities sa environmental dangers kapag gumagawa ng mga polisiya. Halimbawa, ang Kasiglahan Village ng Montalban ay nakatayo sa dalawang active na fault line, kaya bahain ang lugar na iyon. Sabi nga ng mga residente roon, hindi naman libre ‘yung bahay nila pero libre naman ang kanilang libing kapag nag-landslide.

Kuha ni Neil Ambion

Kawalang hustisya

Ka Jerome: Dahil sa pag-abuso sa kalikasan, basically nilinang ang ating natural resources hindi para sa kabutihan ng lahat kung hindi nilinang ang ating natural resources sa ngalan ng tubo, mabigat pa yung mga pinakamalalaking dayuhang korporasyon ang nakikinabang at hindi yung mamamayang Pilipino.

Ang tingin namin ang pinakaresponsable diyan yung mga kapitalista. Sila yung eager na eager na tumubo ng malaki, wala silang pakialam sa kalikasan.

Nanay Inday: Dapat maunawaan na ang mga urban poor ay pinakabulnerable sa climate change. Kailangang mabawasan ang bulnerabilidad sa mga komunidad. Imbes na gamitin siya para parusahan ang mga nasa urban poor communities gamit ‘yung environmental concerns, ay dapat i-uplift sila.

Dahil hindi naman ibig sabihin na kung bahain ang isang lugar ay imposible nang paunlarin iyon para hindi na bahain. Kung fire prone ang isang lugar, pwede namang i-fortify ‘yong building materials. Sa resettlement sites naman, pwede rin pag-inamin ang mga materyales tulad ng mga semento at iba pa. Dapat ayusin ‘yung standards kung magtatayo ng pabahay.

 

Climate Justice

Nanay Inday: Dapat talaga, ma-hold accountable ang estado sa long time neglect sa environmental concerns at sa vulnerabilities ng urban poor communities.

Ka Jerome: Ang tingin namin ang hustisyang pangklima, hustisyang panlipunan ay nakabatay dun sa, number one, dapat igalang yung karapatang pantao.

Kailangan natin mag-engage hanggang sa internasyonal na komunidad para i-pressure yung mga pinakamalalaking kapitalista na mainly nakikinabang sa pagwasak ng usaping pangklima ng ating bansa at ng buong mundo.