Pag-abot ng hustisya sa ‘Bloody Sunday’

December 9, 2021

Magpapataw ng reklamong murder sa 17 pulis na sangkot sa pagpaslang kay Manny Asuncion, dating tagapagsalita ng Bayan Cavite.

May pag-abante sa kaso ng pagpaslang sa mga lider-manggagawa noong nakaraang Marso 7 na tinaguriang Bloody Sunday massacre.

Magpapataw ng reklamong murder sa 17 pulis na sangkot sa pagpaslang kay Manny Asuncion, dating tagapagsalita ng Bayan Cavite. Ayon ito sa inilabas ng Department of Justice na atas ng Inter-Agency Committee On Extra-Legal Killings, Enforced Disappearances, Torture and Other Grave Violations of the Right to Life, Liberty and Security of Persons (IAC). Nabuo ang IAC dahil sa Administrative Order No. 35 (AO 35) kaya tinatawag ring AO 35 panel ang komite.

Kontribusyon

 

Sa darating na Enero, magkakaroon ng paunang imbestigasyon, halos isang taon matapos ang pamamaslang. Hindi pa kasama sa desisyon ng AO 35 panel ang walo pang ibang biktima.

Sa dapat na paghahain lang ng search warrant mula kina Judge Lorenzo Dela Rosa at Judge Jason Zapanta, pinaslang ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines – Calabarzon sina Asuncion, ang mag-asawang Chai at Ariel Evangelista, Greg Dasigao, Mark Bacasno, Abner Esto, Edward Esto, at mga Dumagat na kinilalang sina Puroy at Pulong Dela Cruz.

Ayon sa warrant, nagtatago umano ng baril at bala si Asuncion sa kanyang tirahan sa Rosario, Cavite. Nakuha umano ng pulisya ang isang baril at mga bala sa kanyang tahanan. Ngunit pinaslang siya sa opisina ng Workers’ Assistance Center sa Dasmariñas, may isang oras ang layo sa Rosario.

Dinepensahan noon ng Palasyo ang nangyaring pamamaslang. “Dahil may digmaang nangyayari with CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army), hindi po ipinagbabawal ang pagpatay. Under IHL (international humanitarian law), tama ang order ng presidente, kill, kill, kill. Alangan naman pong ikaw ang mamatay?” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ang karahasan.

Ayon kay Elmer ‘Ka Bong’ Labog ng Kilusang Mayo Uno, karahasan imbis na kapayapaan ang inabot “sa ilalim ng panunungkulan ni Sinas bilang PNP Chief at sa kautusan ni Duterte sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).”

Sabi ng Karapatan, organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao, kailangan ring maimbesitgahan ang mga opisyal ng NTF-Elcac, pati ang sistema ng mga husgado.

Nitong Disyembre 3, Pandaigdigang Araw ng Pakikiisa sa mga Bilanggong Politikal at mga Bihag sa Giyera nagtipon sa Quezon City Hall of Justice ang mga kaanak ng bilanggong politikal para panagutin si Quezon City Regional Trial Court Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert na pinagmulan ng 76 search warrant na dahilan sa sunod-sunod na panghuhuli sa mga aktibista sa nagdaang mga taon.

Kasama sa napadalhan ng warrant ni Burgos-Villvert noong 2019 sina Michael Bartolome at Cora Agovida, na pinawalang-sala ng korte nitong Nobyembre 24.

 

Avatar