Atake sa midya, atake sa mamamayan
Paano makakarating ang tamang balita sa mamamayan, kung patuloy ang pagbabanta, panunupil at pagpatay sa mga tagapaghatid nito?
Dalawang taon nang nakakulong si Frenchie Mae Cumpio, mamamahayag pangkomunidad ng Eastern Vista. Inaresto siya sa ginawang reyd ng Armed Forces of the Philippines sa staff house ng kanilang alternatibong pahayagan sa Tacloban noong Pebrero 7, 2020.
Sinampahan si Cumpio ng gawa-gawang kasong illegal possesion of firearms and explosives, karaniwang ikinakaso sa mga hinuhuling aktibista at kritiko ng administrasyong Duterte. Pero di pa man tapos ang paglilitis, at habang nagpapatuloy ang kanyang di makatarungang pagkapiit, panibagong kaso na naman ang isinampa sa kanya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) para daw sa pagpopondo ng terorismo.
Walang matibay na ebidensya laban kay Cumpio at ang mga kaso ay batay lang sa testimonya ng dalawang kaduda-dudang “witness” ng militar. Ang tanging hawak niyang armas ay katotohanan at ang pasabog niya ang paglalantad ng mga pang-aabuso ng AFP sa mamamayan ng Eastern Visayas at nagpapatuloy na kapabayaan ng gobyerno sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ang pinopondohan niya ay hindi terorismo, kundi impormasyon sa publiko hinggil sa tunay na kaganapan sa mga komunidad.
Ngayong naglipana ang “trolls” at mga bayarang tagapagpakalat ng mali at pekeng balita, umaasa ang mamamayan sa mga mamamahayag para maghatid ng tama at wastong impormasyon.
Dito, lalong mahalaga ang papel ng alternatibong midya at mamamahayag, gaya ni Cumpio, na naghahatid ng mga istorya mula sa karanasan ng ordinaryong mamamayan na kadalasa’y hindi na naibabalita. Sila rin ang naghahatid ng mga pangunahing balita at impormasyon sa kasuluk-sulukang mga komunidad na hindi naabot ng dominanteng midya.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ilang beses nang kinundena ng mga miyembro ng alternatibong midya ang mga nararanasan nilang atake sa karapatan sa malayang pamamahayag.
Atake sa mamamahayag
Mula pa 1980, pinagkukunan na ang Northern Dispatch (NorDis) ng makabuluhan at mahalagang balita at impormasyon ng mamamayan sa pinakaliblib na mga komunidad ng Ilocos, Cordillera at Cagayan.
“Karamihan ng interyor na komunidad sa Northern Luzon ay umaasa sa radyo para sa balita. Hindi umaabot ang mga dyaryo, at lalong mahirap sa kanilang bumili ng telebisyon. Mahirap ang internet at karamihan ay wala talagang kuneksyon nito,” sabi ni Kimberlie Quitasol, punong patnugot ng NorDis.
Sa ilalim ni Duterte, isa ang NorDis sa naging target ng matinding red-tagging, harassment, pananakot at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso. Sa katunayan, dalawa sa mga staff nito, sina Quitasol at si Khim Russel Abalos, ay kinasuhan ng cyberlibel ng dating direktor ng Police Regional Office ng Cordillera na si Gen. R’Win Pagkalinawan.
Dahil sa kakulangan ng pondo, natigil ang pag imprenta ng NorDis at sinubukan nitong lumipat sa online na pamamahayag. Pero nitong 2020, halos kakasimula pa lamang ng kanilang website, ay naging biktima na ito ng cyberattacks.
Gaya ng NorDis, muli ring inatake kamakailan ng distributed denial-of-service (DDoS) ang mga website ng Bulatlat at Altermidya Network.
Kinumpirma ng Computer Emergency Response Team – Philippines (CERT-PH), isang sangay ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na may kinalaman ang Philippine Army sa likod ng mga naturang cyber-attacks.
Ito rin ang naunang lumabas sa ulat ng Qurium Media Foundation, isang non-profit na organisasyong nagsagawa ng digital forensic na imbestigasyon sa DDoS attacks sa mga kasapi ng alternatibong midya.
Ayon sa Bulatlat, hindi na nila ikinagulat ang lumabas sa imbestigasyon ng Qurium.
“Tuluy-tuloy ang pag-redtag sa amin ng mga ahente ng estado at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa pamamahayag namin para sa mamamayan,” sabi ng Bulatlat sa isang statement.
Iniulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na pang-pito ang Pilipinas pinaka-delikadong bansa para sa mga mamamahayag sa buong mundo. Mayroon pang 13 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag na hindi pa resolbado mula Setyembre 1, 2011 hanggang Agosto 31, 2021.
Sa datos naman ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), mayroong naiulat na 61 insidente ng pananakot at atake laban sa mga alagad ng midya. Nagpapatuloy pa ang pagpatay at intimidasyon sa mga mamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sa ngayon, patuloy ang pananawagan ng mga mamamahayag sa alternatibong midya para sa paglaya ni Cumpio, pagtigil sa mga atake sa kanilang mga karapatang pantao at sa panunupil sa malayang pamamahayag.
“Nakahanap kami ng suporta mula sa mga kapwa mamamahayag at mga organisasyong pangmidya.. Sama-sama kaming nanindigan at naggiit,” sabi ni Quitasol.
Para naman sa Altermidya, dapat magpatuloy ang paghahatid ng mga istorya ng ordinaryong mamamayan na hindi kadalasang naibabalita. Hindi ito dapat gawing dahilan para patahimikin ang mga mamamahayag gaya ni Cumpio.