FEATURED

20 taon ng Musikang Bayan


“Wala kami ni katiting na pagdududa na ang buhay ng aming mga obra ay nasa malawak na kilusang masa.”

Hindi sila karaniwang maririnig sa radyo. Pero umaalingawngaw ang kanilang mga awit mula sa mga pabrika, eskuwelahan at komunidad ng maralitang tagalunsod, hanggang sa mga bukirin, karagatan at masusukal na kabundukan sa kanayunan.

Sa nakalipas na dalawang dekada, sinubaybayan at niyakap ng masang Pilipino sa loob at labas ng bansa ang mga titik at himig ng MusikangBayan. Tumatak sa puso’t isip ng mga manggagawa, magsasaka, maralita at iba pang aping sektor ang mga obra gaya ng “Rosas ng Digma”, “Anak ng Bayan”, “Di Pangkaraniwan” at “Baliktad na ang Mundo”.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Danny Fabella ng MusikangBayan (MB) para magbalik-tanaw sa nakalipas na 20 taon ng paglikha at pag-awit para sa bayan, at para alamin ang mga susunod na hakbang pasulong ng isa sa maituturing na haligi ng progresibo at makabayang musika sa bansa.

Pinoy Weekly: Paano nabuo ang MusikangBayan? 

Danny Fabella: MusikangBayan Productions ang tawag sa grupo namin noon. Nagkasundo kaming magrekord ng isang compilation album ng mga awit ng pag-ibig para sa bayan, sa masa at mga kasama sa pakikibaka. “Rosas ng Digma” ang naging carrier song at title ng album na ito na nilikha noong 2001. Right after ng launching ng unang album, binuo ang MusikangBayan bilang isang acoustic band noong 2002.

Kasama ko sa MB si Levy Abad at Empiel Palma, at kinalaunan ay nakasama na rin namin si Ava Danlog at Lou Mendez. Marami pang naging bahagi ng MB hanggang sa kasalukuyan. 

PW: Rosas ng Digma Vol. 1 na siguro ang pinakamatagumpay at pinakasikat niyong album. Ano ang kuwento at inspirasyon sa pagkabuo nito? 

Danny: Ang carrier song nito na Rosas ng Digma ang naging tungtungan para likhain ang album ng mga awitin ng pag-ibig at pakikibaka. Hindi pa man sapat noon ang bilang ng mga awit para magrekord ng isang album, naging malakas na tulak ang suportang moral at pinansyal ng maraming kasama’t kaibigan, na nakarinig at nagkagusto sa Rosas ng Digma, para buuin namin ang album. 

PW: Mabilis kayong gumawa ng kanta. Kapag may mainit na isyu, meron agad kayo. Paano ba ang proseso niyo sa paggawa ng kanta? 

Danny: Lahat naman tayo may kanya-kanyang proseso ng paglikha at paggawa nang mabilis. Pero para sa amin siguro, dahil unang-una, lagi kaming bukas sa mga diskusyon ng mga isyu at pagpapalalim sa mga mga detalye ng mga pangyayari. Pangalawa, binibigyang tuon at pansin namin ang patuloy at masigasig na pag-aaral sa mga usaping may kaugnayan sa musika. Pangatlo, ang pag-unawa sa mga kontradiksyong umiiral sa mga bagay, uri’t kalagayan sa lipunan at daigdig, bilang mahalagang sangkap sa nilalaman ng mga awiting nililikha.

Ang pinakamahalaga ay paglubog sa masa, ang pag-alam at pagdama sa kanilang kalagayan. Ito ang hindi masasaid na inspirasyon sa paglikha.

PW: Marami ang hirap o hindi nabubuo bilang album ang kanta nila. MB na yata ang isa sa progresibong musikero na may pinakamaraming album, paano niyo ito nagawa? 

Danny: Magastos talagang magrecord ng album. Mabusisi at maaksaya sa oras. Siguro nagkataon lang na halos lahat sa amin ni Levy, Empiel at Lou ay mga lumilikha ng kanta, bagama’t ‘di pare-pareho ang bilis. Kaya ang isang 12-song album para sa amin ay madaling buuin. Ang pagrerekord naman, lalo na sa usaping pinansya, karaniwang inambag ng mga kasama’t kaibigan sa loob at labas ng bansa na sumusuporta sa MB. 

PW: Bakit pinili niyong gumawa ng musika para sa mamamayan, na maging progresibo at makabayang musikero? Inisip niyo bang pumasok sa “mainstream?” 

Danny: Unang-una, bawat isa sa amin ay nanggaling sa iba’t ibang progresibong organisasyon na nakikibaka at naghahangad ng pagbabago. Kaya’t masasabi naming mulat kaming pumalaot sa ganitong gawain para lumikha ng mga awiting nag-iinform at nag-eeducate sa masa.

Pangalawa, naniniwala kaming kailangan at dapat maidokumento ang mga pangyayari sa ating lipunan, sa porma ng mga awiting tumatalakay sa kalagayan ng iba’t ibang aping sektor.

Pangatlo, dahil nagkakaisa kami sa pagtingin na ang awit ay isa sa pinakamabilis at mabisang paraan para magpaabot ng mensahe sa masa. Ayaw naming makompromiso ang mensahe ng aming mga awitin sa pagpasok sa commercial music industry. Naniniwala kami na sapat at dapat bigyang tuon ang paglilingkod namin bilang mga kompositor at mang-aawit sa hanay ng malawak na kilusang masa. Wala kami ni katiting na pagdududa na ang buhay ng aming mga obra ay nasa malawak na kilusang masa.

PW: Ano ang hindi ninyo makakalimutan na pagtatanghal? 

Danny: Hindi ko na maaalala kung alin sa lahat ng mga pagtatanghal namin sa nakalipas na 20 taon ang pinakamemorable. Ang masasabi ko lang, kung saan ang entablado ng mga manggagawa, magsasaka, katutubo at maralitang lungsod, yun lagi ang pinakamemorableng pagtatanghal para sa MB. 

PW: Ano ang pinakamalaking pagsubok na pinagdaanan ng MB? 

Danny: Sa tingin ko, ito yung mga panahong unti-unti nang kumakaunti ang panahon ng mga kasama ko para sa MB, dahil sila’y nagkapamilya na at kailangang maghanap ng regular na trabaho. Umabot pa nga sa yugto na halos dalawa, o ako nalang, ang laging nakakatugon sa mga pagtatanghal. Para muling pasiglahin ang MB, kinailangang magrekrut ng mga bagong miyembro. 

PW: Bihira na ang mga grupo o banda na tumatagal ng 20 taon. Ano ang susi dito? 

Danny: Ang aming pagyakap sa adhikain ng uring manggagawa, ang suporta at pagtangkilik ng malawak na kilusang masa sa aming mga likha, at ang lalong lumalalang krisis at pagsasamantalang dinaranas ng mga api nating mamamayan. Sa tingin ko, ang mga ito ang mayor na dahilan kung bakit kami narito pa rin hanggang ngayon. 

PW: Ano-ano pa ang aasahan ng inyong mga tagasubaybay at ng sambayanan mula sa MB? 

Danny: Sa lalong lumalalang krisis sa ekonomiya, pulitika at kultura sa ating bayan, sa muling panunumbalik ng lagim ng nakaraan at ang lalong paghihirap ng malawak na masa, ang MusikangBayan ay laging aawit para sa kanila saanman, kailanman, mas masigla’t matatag, mas matalas.

PW: Ano ang mensahe niyo sa bagong henerasyon ng mga progresibong musikero?

Danny: Katulad din ng sagot ko kay Kasamang Chad Booc, noong nagkaroon kami ng pagkakataong magkuwentuhan at tinanong din niya ako ng kahalintulad nito. Sa pag-akyat pa lang ng mga musikero’t artista sa entablado, hindi na nila ka-lebel ang audience. Dagdag mo pa yung spotlight. Masisilaw na sila. Di na nila makikita yung mga tao. Sa mga malalakas na palakpak, sarili na lang ang naririnig nila.

Dahil dito, marami ang minsa’y naliligaw. Kaya nararapat na ang mga musikero’t artista ay mapagpakumbabang lumulubog sa masa, sumasama at natututo sa pakikibaka. Sapagkat dito, dito isinisilang ang pinakamagaganda’t makabuluhang obra, ang sining na kailangan ng masa, ang balon ng inspirasyong hindi masasaid.

 

Gaganapin ngayong Marso 31 ang 20th Anniversary Concert ng MusikangBayan sa University of the Philippines Hotel sa Quezon City na pinamagatang “Pagbabalik-tanaw at Pagsulong: 20 Taong Paglikha at Pag-awit para sa Bayan!”. Magtatanghal din dito ang iba pang mga progresibo at makabayang musikero gaya nila Jess Santiago, Chickoy Pura, Bobby Balingit, Datu’s Tribe, One Take, BoyD, Village Idiots, at marami pang iba.

 

Kasalukuyang binubuo ang MusikangBayan nila Danny Fabella, Lou Mendez, Julz Gandeza, Chris Ablon at Aila Bathan. Naging bahagi rin ng grupo sina Levy Abad, Empiel Palma, Ava Danlog, Jonathan Urbano, Fernan Natividad, Addie Saliva, Joven Aguilar at Abi Agunod.