Aerial bombing laban sa landmine at terorista?

March 12, 2022

Naranasan ng mga mamamayan ng komunidad na sakop ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur ang pagbagsak ng aabot sa 12 bomba alas-dos ng madaling araw. May limang nasawi at may mga nasirang gusali tulad ng mosque sa lokal.

Nitong pagbubukas ng Marso, nagsagawa ng aerial bombing ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Naranasan ng mga mamamayan ng komunidad na sakop ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur ang pagbagsak ng aabot sa 12 bomba alas-dos ng madaling araw. May limang nasawi at may mga nasirang gusali tulad ng mosque sa lokal.

Kasunod ang atake na ito sa katulad na pagbomba sa mga komunidad ng mga Mangyan sa Bongabong, Mindoro Oriental at San Jose, Mindoro Occidental noong Pebrero 26. Mga ilang araw pa lang ang nakalipas, naglaglag ng aabot sa anim na bomba sa Barangay Idang, Masbate.  Ilang linggo pa ang nakalipas, binomba rin ng AFP ang mga komunidad ng Agta sa Barangay Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan Valley.

Napilitang lisanin ng daan-daang mga mamamayan ang kanilang mga tahanan dahil sa mga pagbomba na ito.

Dahilan ng AFP, isinagawa nila ang mga pagbobomba upang alisin ang mga landmine. Sa pagbomba sa Maguing, Lanao naman, puntirya raw nila ang aabot sa 40 miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group na pinamumunuan ng isang Abu Zacaria at naiimpluwensiyahan ng kaisipan ng Islamic State for Iraq and Syria (ISIS), ayon sa ulat ng 103rd Infantry Brigade.

Mariin naman itong kinondena ng Communist Party of the Philippines (CPP). Sabi ni Marco Valbuena, tagapagsalita ng CPP, ang mga dahilan na ito ng militar ay para linlangin ang mga tao at pagtakpan ang mga krimen ng institusyon.

Aniya, “false pretext” ang mine-clearing upang bigyang katuwiran ang pagbomba, dahil nakatutok ang mga ito sa mga komunidad kung saan may mga sibilyan. 

“Bakit hindi alam ng mismo mga komunidad? ‘Yan ba ang new normal bomba muna bago confirm?” sabi ni Drieza Lininding ng Moro Consensus Group. Dugtong niya na dinig ang pagbomba hanggang  Marawi, isang oras na layo mula sa Maguing.

Binanggit ni Valbuena na indiscriminate ang isinasagawang pagbobomba na ito ng militar, dahil nakatuon ang mga atake sa mga komunidad ng pambansang minorya o katutubo, sa kanilang sakahang lupa. Labag ito aniya sa international humanitarian law.

Karaniwan na ang news blackout sa mga lugar na nangyari ang mga pagbomba, ayon pa kay Valbuena. Binanggit niya ang isang grupo na magsasagawa sana ng isang fact-finding mission sa Gonzaga, Cagayan Valley ay hinaras at hindi pinayagang makapasok sa lugar, at inaresto pa ang isang miyembro ng pangkat.

Dugtong pa ni Valbuena, pinakakalat ng militar ang Islamphobia sa pagdawit sa ISIS sa kanilang operasyon lalo na sa Runggayan. Kumpirmadong sakop ng MILF ang lugar, ayon sa mga lokal na opisyal sa lugar.

Nakaangkop na ang mga miyembro ng New People’s Army sa paggamit ng militar ng bomba, sabi ni Valbuena. Handa aniya ang mga ito na ipagtanggol ang mga mamamayan laban sa mga atake ng militar. Matatandaang nakaranas rin ang hanay ng NPA ng operasyong pagbomba ng AFP.

Sa huli, magagastos na pamamaraan ng atake ito sa tinitignang kaaway ng estado, na mailalaan na lang sana ang pondo sa ibang pangangailangan ng bansa laluna at nasa gitna pa rin ng pandemyang covid-19. Panawagan ni Valbuena sa mga mamamayan na kundenahin ang paggamit ng bomba laluna sa mga komunidad ng sibilyan. Patuloy na dadanak ng dugo hindi lang sa tinitignang kaaway ng estado kundi sa karaniwang mamamayan. Kailangan na aniyang matigil ang mga pagbobomba na ito.

 

With reports from Darius Galang and Gia Boragay

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.