FEATURED

‘#PolitiKpop’


Hindi dapat isiping nakakahon lang sa paghanga ang isang fan. May kakayanan rin silang mag-isip at makilahok sa mga usapin kasama ang pulitika.

Hindi tiyak kung paano nagkatagpo ang mundo ng K-Pop at pulitika dahil maaaring maging kontrobersiya ito sa loob ng mga nabuong iba’t ibang fandom sa industriya. 

Sa karanasan ni Angel, isang estudyante ng BA Psychology mula sa University of the Philippines Diliman, hindi pa bukas ang K-Pop sa mga progresibo at pulitikal na usapin noong magsimula siya sa “stan twitter” (paggamit ng Twitter para sa mga fan ng K-Pop) noong 2016. 

Aniya, sinasabihan siya ng “Pabibo” o “E di ikaw na may alam” sa tuwing hindi tungkol sa K-pop ang pinopost niya. Kung hindi naman ganito, marami ang nagkokomento na huwag gawing personal at pulitikal ang kaniyang K-Pop fan account. 

Kung noon, hindi naging madali at sarado pa ang K-Pop community sa usaping ito, sabi niya, ngayon mas madali na dahil na rin sa naging papel ng teknolohiya. Maaari na magkaroon ng mas aktibong impluwensya ang K-Pop sa mga botante tulad sa kung paano ginamit ni Angel ang kaniyang plataporma para sa pagbubuo ng #PolitiKpop Twitter Space na orihinal niyang inangkop sa isang #MarcosHindiBayani Twitter Space noong nakaraang taon. (Ang Twitter Space ay isang bagong feature ng social media app, kung saan puwedeng magtalakayan na parang nasa live radio ang mga kalahok.)

Litrato mula sa VP Leni Robredo Facebook page.

Sinisikap rin ni Angel bawasan ang takot ng mga tagapakinig sa “malalaki o masasalimuot [na] mga salita” sa pamamagitan ng pag-angkop ng diskusyon sa konteksto at wika na mas gagap ng mga nandoon sa K-Pop Twitter. “Bakit hindi natin i-adapt ang space na ito pero para sa K-Pop fans?” sabi ni Angel. 

Mga katangian

Sa kabilang banda, patuloy ang interes ng ilang akademiko at iskolar ng media at kultura dahil sa dinamikong katangian na ipinapakita ng mga K-Pop fan (o mga “stan”), sa kung paano gumagana ang power relations sa loob ng fandom. 

Mula sa kanilang hilig at dedikasyon sa mga grupong sinusuportahan, nakasanayan na ng mga stan na ito na gawing mabilis ang pagpapa-trend ng mga hashtag, halimbawa tuwing ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng kanilang idolo o kaya ay para i-promote ang bagong album ng isang grupo.

Matagumpay na rin silang nag-organisa ang mga aktibidad tulad ng mga pantry sa komunidad, pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo, at pangunguna sa mga feeding program at donation drive para sa frontliners. 

Ayon kay John Fiske sa kaniyang “The Cultural Economy of Fandom,” ang produksyon ng mga tagahanga ay madalas na nakikita bilang isang pampulitikang aksyon. Ngayong bahagi na ito ng usapang pampulitika sa Pilipinas, isa itong bagong daluyan ng partisipasyon para sa pagpapalawak ng iba’t ibang kritisismo ng mga fan, tulad na lang pakikitungo sa mismong industriya ng K-Pop.

Sa ganang ito, patuloy na itinatahi ang personal na interes at ang pagnanais na pagkaisahin ang kampanya para sa isyung panlipunan. Halimbawa na lang nito ang pagpili nilang makisangkot sa tuwing nakikita nila ang kakulangan ng suporta ng gobyerno para sa bansa at mamamayan.

Kolektibo ang paghanga

Ang fandom ay isang likas na kolektibong aktibidad. Ang isa ay hindi lamang nagiging tagahanga ng kanyang sarili. Tulad ng paglago ng mga K-Pop fandom sa Pilipinas, mula sa dating maliliit (at madalas pa ngang husgahan) na mga grupo ng iilang libong tagahanga, lumago na ito nang husto kaya mayroon nang hindi mabilang na fan organization sa buong bansa.  

Dahil dito, ang intensyon ay mas ipalaganap ang mga diskusyon sa paraang online, habang offline ang pagpapatawag para sa pagkilos bilang madali na rin para sa kanilang hanay ang pagpapakalat ng mga anunsyo sa social media. 

“Mayroon kasing network ang K-Pop community, kaya nagiging mas madali ang organisasyon ng mga inisyatibo. Mayroong mga fanbase o mga subgroup ang bawat fandom para sa pagboto ng kanilang mga idolo, para sa mga updates nila at iba pa. Ang maganda ngayon, hindi na lang limitado sa fandom-related na bagay ang fanbases o mga fan group,” ayon kay Angel. 

Malakas din ang paniniwala ni Angel na kahit hindi pa pormalisado tulad ng religious institutions at itinuturing lang na interest field ang K-Pop, mahalaga silang sangkap para sa darating na eleksyon. Mayroon itong tiyak na gampan para makatulong sa publicity ng isang kandidato lalo na kung mayorya sa kanila ay pumapabor sa pag-eendorso.  

Ngayong ang mga katangiang umaakit sa maraming K-Pop fan sa genre na kanilang pinapakinggan ay may posibilidad na umaayon sa mga mas progresibong dahilan. Ang pagmamahal sa sarili at kamalayan sa lipunan ay mga paksang madalas na inuulit sa ilang kanta sa K-Pop na siyang mas nagpapatibay sa pagkakahanay na ito.

Bilang may konsepto ng social pressure sa loob ng K-Pop community, nagagamit itong tuntungan upang mas mapalalim at mapalawak ang kanilang kaalaman sa isyung panlipunan, kung handa ang isang stan na makinig.

“Hindi ko man masasabi diretso na ang K-Pop fans ay mayroon agad na malalim na paninindigan, ngunit masasabi ko naman na may kakayahan ang K-Pop bilang isang komunidad na manindigan—given the resources, materials, and support from people around them (in other words, reinforcement),” dagdag ni Angel.

Sa huli, mayroong isang likas na puwersa sa mga tao upang tipunin at makihalubilo sa kapwa na kapareho ng interes. At bilang madla, hindi basta sila tumatanggap ng kung ano lang ang ibinibigay sa kanila ngunit ginagamit ito sa paraang nababagay sa kanilang mga pangangailangan. 

 


Featured image mula sa VP Leni Robredo Facebook page