Sakit ng ulo ang mga Marcos sa komunidad
Sa bisa ng batas militar, naging pangkaraniwan ang pagsosona sa mga komunidad ng maralita. Saksi ako sa ginawang pagsona sa aming komunidad kung saan kami nangungupahan.
Magandang araw sa inyong lahat, ako po si Ka Bea Arellano, tagapangulo ng Kadamay, 72 years old at nanay ng tatlong anak. Dati akong tindera at organisador ng maralitang lungsod sa iba’t ibang komunidad.
Sa Kadamay, nabigyan ako ng pagkakataong magsulat ng aking mga kuro-kuro sa aming newsletter, at ngayo’y mapalad at nagpapasalamat sa Pinoy Weekly na makapagbahagi muli sa inyo tungkol sa aming buhay at pakikibaka, bilang ina, nalubog sa kahirapan ng bansa, at militanteng lider-maralita.
Nang ibinaba ang Martial Law noong 1972, nahinto na ang pagbisita sa akin ng mga kakilala kong aktibista — nakakakuwentuhan at nakakabalitaan. Sa bisa ng batas militar, naging pangkaraniwan ang pagsosona sa mga komunidad ng maralita. Saksi ako sa ginawang pagsona sa aming komunidad kung saan kami nangungupahan.
Ala-una ng madaling araw, may anim na trak ng sundalong pumarada sa tapat ng aming tirahan. Marami silang may mahahabang baril na akala mo’y giyera ang pupuntahan. Sinugod ang mga eskinita, pinalabas ang kalalakihan, pinatanggal ang pang-itaas na damit, tapos ang dalawang kamay ay ipinalagay sa batok. Pinahilera sa kalsada, isa-isang interogasyon na may kasabay na paghampas at tadyak.
Ang mga may tattoo sa katawan, agad patulak na isinakay sa trak. Alas-tres ng madaling araw nang matapos ang mga sundalo, at higit kumulang sa sandaang kalalakihan ang isinakay sa trak, hindi alam ng kanilang mga pamilya kung saan dadalhin.
Batay sa aking pagtatanong, makalipas ang isang buwan, marami ang hindi na nakauwi. Nabalitaan ko na lang, yung iba, tuluyan nang ikinulong o kaya’y pinatay. May iba rin, nakalaya at nagpasyang maging aktibista.
Ganyan ang buhay sa mga maralitang komunidad, madalas na danas ang dahas at pananakot. Bago kasi ang Martial Law, maraming mahihirap ang sumasama sa mga protesta’t rali. Kung sino ba naman ang gutom ang siya ring galit sa gobyernong Marcos. Kung kaya’t di nakakagulat na pinuruhan din sila ng Philippine Constabulary o PC.
Imbes na pakinggan ang tao, pinagdusa pang lalo. Ang buong bansa ay nagmistulang malaking kulungan, walang kalayaan. Pero para kay Bongbong Marcos o BBM at sa buong pamilyang Marcos, ang panahon na ito ang tinawag nilang “Golden Years” sa kasaysayan ng bansa.
Ngayon naman, talamak sa mga komunidad ang mga rekruter para maging coordinator sa kampanya ni Bongbong. Gamit ang perang ninakaw ng kanyang pamilya mula sa kaban ng bayan, at siguro’y nakaw rin ni Duterte, inaalok ang mga magiging coordinator ng P3,500 sa kada caravan o activity. Dahil sa kawalan ng trabaho, marami ang tumatanggap ng anumang pwedeng pagkakitaan. Marami sa napapasama, hindi naman tagasuporta talaga ng diktador o ng anak niya, kundi sadyang nagigipit lang talaga.
Pero usap-usapan din, kalaunan, marami sa mga recruiter, hindi rin pala nagbabayad sa mga coordinator nila! Mula taas hanggang baba, mukhang may epidemya ng pagnanakaw sa kampo ni BBM.
Hindi natin dapat husgahan ang kapwa-maralita na tumanggap ng bayad mula sa nakaw ng mga Marcos. Kung tutuusin, kanila nga ang perang iyun mula’t sapul! Kung kakayaning mangulimbat mula sa yaman ng mga Marcos habang napipigilan ang kanilang pangangampanya, mas mabuti pa!
Pero gayunpaman, tiyak na mas malaking peligro ang aabutin nating maralita at nating lahat kapag napalakas natin ang kampanya ni BBM at tuluyan siyang nakaupo para ulitin ang lagim ng Batas Militar.