
Sino ang hinuhusgahan?
March 16, 2022
Kung itutuon ang diskusyon sa panunuhol, mas maiging usisain ang pinansyal na relasyon ng mga trapo sa naglalakihang business owner o kaya mga maimpluwensyang institusyon.
Kaliwa’t kanan ang paratang ng panunuhol para dumalo sa mga campaign rally ng mga kandidato. Kasabay nito ang talakayan tungkol sa pagtanggap ng suhol o bayad mula sa mga kandidato, at ang pangmamaliit sa karaniwang mamamayan na natutukso.
Nang kumalat ang video ng mga tao na may bitbit na kahon ng mga tinapay sa proclamation rally ni Bongbong Marcos, agad pinansin (pinagtawanan) ang desperasyon ng mga kumukuha at nagpapasahan ng kahon. Nang akusahan ni Cavite 7th District Rep. Boying Remulla na bayaran ang mga dumalo sa campaign rally ni Leni Robredo, agad nainsulto ang mga dumalo. Marami sa kanila ay kusang pumunta para magpakita ng suporta at ipainig ang paninindigan laban sa mga Marcos at Duterte.
Tuwing halalan, higit kailan, nagpapamudmod ng grasya at pakialam ang mga trapo na hindi malapitan kapag nahalal na. Alam nilang epektibo ang ganitong pangangampanya dahil alam nila ang kalunos-lunos na sitwasyon ng karamihan ng mga Pilipino (na kagagawan rin ng mga walang ambag na polisiyang sila rin ang lumikha).
Kung itutuon ang diskusyon sa panunuhol, mas maiging usisain ang pinansyal na relasyon ng mga trapo sa naglalakihang business owner o kaya mga maimpluwensyang institusyon. Kaya tuwing halalan humahakot ang mga trapo ng utang (na loob), na kailangang bayaran oras na mailuklok sila sa puwesto. Sabi nga ni Pasig City Mayor Vico Sotto, “ang gagastos ng malaki sa kampanya, ay malaki rin ang babawiin.”
May napakaliit na butil ng ginto na makukuha mula doon sa mga nagsasabing “respect my opinion” ngayong halalan – iyon ay ang pagrespeto sa kalagayan ng kapwa-ordinaryong Pilipino. Kilalanin at tandaan muli kung sino-sino ang may agarang kakayahan na dumukot mula sa kaban ng bayan, at makapag-ayos ng mga batas at pagpapatupad ng polisiya.
Walang lugar ang pagiging matapobre sa kapwa na kasama rin natin sa pagdurusa bunga ng di epektibong pamamalakad sa bansa. Piliin natin ang mga punto na puwedeng pagtalunan, at alalahanin natin na laging may kanya-kanyang kaligiran na kinikilusan ang bawat tao.
Kaya sa bawat bagong litrato ng panunuhol (totoo man o hindi), makita sana natin lagi ang desperasyon ng mga tumatanggap bilang repleksyon ng mga pagkukulang ng gobyerno. At sa bawat trapo na magsasabing bayaran lang ang mga tao, makita dapat natin ang kawalan nila ng tiwala sa masang Pilipino, gayong ang kasaysayan ng Pilipinas ay pinanday ng masa na naging mapagpasya.
O baka naman kailangan ng bagong paalala ng mga trapong ito ng tunay na kakayahan ng nagkakaisang mga pangkaraniwan?