FEATURED Panayam

Sahod at presyo, ayon sa mga eksperto


Hiningi ng Pinoy Weekly ang pagtingin ng mga eksperto sa dalawang pinakamahalagang usapin na kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayan.

Hiningi ng Pinoy Weekly ang pagtingin ng mga eksperto sa dalawang pinakamahalagang usapin na kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayan nitong nagdaang mga linggo, nagtataasang presyo at mababang sahod.

Litrato ni Neil Ambion

Presyo

Ano ang inflation? Ano ang ibig sabihin nito para sa ordinaryong Pilipino?

Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation: Sinusukat ng inflation ang bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin. Sinisikap na masuma sa isang numero ang bilis ng pagtaas ng iba’t ibang pangunahing bilihin pagkain, inumin, damit, pabahay, tubig, kuryente, pamasahe, krudo, atbp.

Kung mataas ang inflation rate, ibig sabihin mabilis ang pagtaas ng presyo ng biliin at kung maliit ay mabagal naman ang pagtaas.

 

Ano-ano ang pangunahing salik sa pagsirit ng presyo ngayong unang quarter ng 2022?

SA: Tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa epekto ng lockdown at di pa pagbalik sa normal ng produksyon, at sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan mula katapusan ng 2020. Lalong nagtaas ang presyo ng langis sa paglusob ng Russia sa Ukraine pero sa Marso o Abril pa ito ganap na mararamdaman sa presyo.

 

May magagawa pa ba ang gobyerno para pigilan o kontrolin ang pagtaas ng presyo?

SA: Bagaman price-taker ang Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan, maraming magagawa sa loob ng bansa para rendahan ang pagtaas dahil sa monopolyo at ispekulasyon.

Sa kagyat ay puwedeng tanggalin ang excise tax at VAT sa langis lalo na dahil sa TRAIN law. Pero baka kalahati lang ang mabawas nito sa pagtaas, halimbawa, ng presyo ng diesel mula umpisa ng taon. Kaya para sa kagyat na ginhawa ay kailangan ng makabuluhang subsidyo sa transport sector at ayuda para sa mga mahihirap na pamilya.

Panahon na ring ipihit ang direksyon ng industriya ng langis patungong nasyunalisasyon — transparency sa pagpepresyo ng produktong petrolyo (unbundling), ibalik sa gobyerno ang pag-regulate ng presyo ng langis, centralized procurement ng inaangkat na langis, at pagbalik sa gobyerno ng Petron para mas epektibo ang regulasyon sa industriya.

 

Sa huling inilabas na datos ng Ibon, tumaas na sa P1,072 ang Family Living Wage (FLW). Ano ba ang FLW, paano ito sinusukat at bakit hindi ito ginagamit ng gobyerno?

SA: Ang FLW ay ang tantiyang arawang sahod para mabuhay ng disente ang pamilya ng lima. Hindi pa ito maluhong pamumuhay kundi minimum na antas ng disenteng pamumuhay. Hininto ng gobyerno ang paglabas ng FLW noong 2008 kasi mas umiral ang kaniyang kagustuhan na baratin ang sahod ng manggagawa. Takot siya na masingil kung bakit ang layo ng minimum wage sa FLW — ang minimum wage ay kalahati nga lang ngayon ng FLW.

Litrato ni Neil Ambion

Sahod

Magkano ang kailangang dagdag para maihabol ang minimum wagesa nagtataasang presyo?

 Rochelle Porras, Executive Director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler): Kailangang nakabubuhay ang sahod, na dapat ay P1,205 (Ibon, 2019). Sa kagyat, dapat nang ibigay ang kulang sa minimum wages at itaas ito sa P750 para sa immediate relief sa hirap ng buhay ngayon.

 

Kaya ba ng mga employer at ng ekonomiya na magtaas ng sahod gayong sinasabi ng NEDA na magdudulot ito ng pagtaas sa inflation?

RP: Ang pagtaas ng sahod ng manggagawa ay hindi nagpapataas ng presyo ng bilihin. Ipinagmamalaki ng gobyerno ang 3% na inflation rate para sa 2021, ngunit resulta ito ng pagbagal ng paggastos ng mga tao dulot ng kawalan ng trabaho.

Napakababa ng halaga ng sahod sa kasalukuyan, P433.76 lamang sa NCR at masahol, P231 lamang ang tunay na halaga ng sahod sa Bicol Region.

Noong 2019, may kabuuang yaman na ang lahat ng bilyonaryo sa Pilipinas na $78B. Bagamat bahagya itong bumaba sa pagpasok ng taong2020 ($60.6B), makikita pa rin ang paglaki ng yaman ng pinaka-mayayamang kapitalista sa bansa. Kaya ng malalaking kapitalista na itaas ang sahod, at bahagi dapat ng buwis na ibabayad naman nila ay mailaan sa mga subsidies at suporta sa MSMEs para makaagapay ang mga maliliit na negosyante sa napakataas na presyo ng utilities at renta, at mga bayarin sa LGUs.

 

Ano ang magiging epekto ng panukalang 4-day work week sa sahod ng mga manggagawa?

RP: Napakalaking kabawasan ito sa sahod ng mga manggagawa. Ito ay iskema ng pleksibleng paggawa na magsisiksik sa 48 o higit pang oras ng trabaho sa apat na araw. Pahahabain lampas sa 8 oras ang trabaho sa isang araw na walang katumbas na overtime pay at rest day pay. Ito ay pag-ligalisa sa “forced overtime” dahil ang apat na oras na overtime ay magiging bahagi na lamang ng regular work hours.

Daan din ito sa malawakang pag-empleyo ng mga part-timer para bawasan ang mga full-time, regular, at permanenteng manggagawa. Ibig sabihin, mukhang mas maikling oras sa trabaho dahil part-time, pero pababain lamang ang sahod ng manggagawa at tanggalan ng mandatory na benepisyo at incentives, katulad ng food allowance, transportation allowance, at iba pang nakukuha ng isang regular na manggagawa. Katumbas ito ng hanggang Php 4,500 na kabawasang kita ng manggagawa sa isang buwan at mapupunta lamang sa kapitalista.

Hindi dapat ipatupad ang compressed workweek, lalo na’t buong-laya na itong naipapatupad ng kapitalista sa anyo ng voluntary compliance o management’s prerogative. Ang labis-labis na oras ng trabaho ay nagdudulot ng aksidente, panghabang-buhay na sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso, kanser at maging kamatayan.

 

 

Magbibigay na ng P500/monthly unconditional cash transfer at fuel subsidy. Kailangan pa ba ng dagdag sahod?

RP: Dapat ibigay ang unconditional cash transfer at fuel subsidy sa lalong madaling panahon. Ngunit panandalian lamang ito. Kaya makatarungan at makatwiran pa rin na itaas ang sahod saan mang rehiyon sa Pilipinas.

Makatuwiran ito. Matagal nang nakapako ang sahod sa napakababang halaga sa kabila ng mataas na produktibidad ng mga manggagawa. Nararapat at napapanahon nang umangkop ang sahod sa produktibidad ng mga manggagawa na lumilikha ng yaman ng lipunan.

Makatarungan ito. Maliit na bagay ang dagdag sahod kung ikukumpara sa sakripisyo ng mga manggagawa na patuloy na lumikha ng ating mga pangangailangan sa gitna ng pandemya. Ang hanapbuhay ay dapat nakabubuhay, hindi nakamamatay. 

Walang dahilan upang hindi itaas ang sahod ng mga manggagawa.

 

Bukod sa pagfile ng mga petisyon para sa dagdag sahod ano pa ang mga maaring gawin ng mga manggagawa para ipaglaban ang dagdag sahod?

RP: Susi sa pagresolba ng krisis ang sama-samang pagkilos ng uring manggagawa sa pamamagitan ng ating mga unyon at samahan. Maliit na ang kasalukuyang organisadong hanay ng mga manggagawa kaya dapat sikaping matutunan ang iba’t ibang mapanlikhang pamamaraan para makapagtayo ng organisasyon at unyon upang mas epektibong maipaglalaban ang mga batayang karapatan.

Kailangang maksimisahin din ang eleksyon upang isulong ang kanilang mga panawagan at kahingian at ihalal ang mga lider na maka-manggagawa.

Kailangang igiit din ang pagtatatag ng nagsasarili at pambansang industriya sa halip na umasa sa mga dayuhang korporasyon na ang tanging interes ay pababain ang sahod para sa kanilang supertubo.

 


Mga litrato ni Neil Ambion.