
Maghanda!
May 15, 2022
Makasaysayang tungkulin ngayon ng lahat na patuloy na igiit ang kalayaan at demokrasya sa bansa. Palakasin ang mga boluntaryong grupo sa komunidad, lugar ng trabaho, paaralan, parokya, syudad at bayan sa buong bansa. Ihanda ang malakihang kilos-protesta sa mga susunod na araw at linggo.
Naganap ang Halalan 2022 sa gitna ng pahirap na krisis at pandemya. Sa linggo nga mismo ng eleksiyon, nagkaroon muli ng oil price hike. Naghahanap ang taumbayan ng mga solusyon at pag-asa.
Ang mga pulitiko naman ay nangako. Sama-samang pagbangon ang iniharap ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte. Angat buhay lahat ang kay Leni Robredo at Kiko Pangilinan. Sa huli, nilampasan ng Marcos-Duterte ang Leni-Kiko sa bilangan ng boto. (Apelyido para sa Uniteam tandem, na bahagi ng mga political dynasty, at palayaw para kay Leni at Kiko dahil hindi sila bahagi ng dinastiya.)
Mahigit doble ang lamang. Umabot sa 31 milyon ang kay Marcos Jr. at higit 14 milyon ang kay Robredo. Agad nagdiwang ang kampong Marcos-Duterte. Dagdag pa ang pagbasura ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kasong diskuwalipikasyon laban kay Marcos.Nagpauna naman si Leni na hindi pa tapos ang laban.
Mabilis ang transmission ng Comelec. Sa panig naman ng teknikal na takbo ng halalan, maraming grupo tulad ng Kontra Daya ang nagpahayag ng pagkadismaya at naninigil ngayon sa mga pagkukulang ng Comelec. Marami ang pumalyang vote-counting machine, SD card, may mga nawalang botante sa listahan, at may mga pinapirma na lang ng waiver. Samantala, tuluy-tuloy ang red-tagging, mga atake at pananakot ng estado.
Ngayon, makaraan ang 36 na taon, nanumbalik sa Malacañang ang isang Marcos. Mananatili sa poder si Duterte. Kuha nila ang mayorya sa Senado at Kongreso, na kontrolado rin ng mga pamilyang dinastiya. Kaalyado rin nila ang maraming gobernador at mayor. Mukhang ilalaban pa nilang palitan ang mismong Saligang Batas ng 1987, at palitan ang sistema ng pamamahala sa bansa — mula presidensyal tungong pederal.
Hindi na sila makapaghari sa dating paraan. Gusto pa nilang makapaghari nang habambuhay sa panibagong batas. At malaking bahagi nito ay dahil nagawang baluktutin ni Marcos ang kasaysayan, pero hindi niya ito ginawa nang mag-isa. Kakampi si Pangulong Duterte, ginawang bayani si Marcos at binura ang kasamaan ng martial law. Gamit ang nakaw na yaman, pinaandar ng pera ang social media at kampanya sa eleksyon. Gamit ang militar, pulis, mga korte at kulungan, ginipit ang oposisyon.
Ngayon, pumipihit ang kasaysayan. Ang dating pinatalsik, nanunumbalik. Ang dating kinamuhian, ngayon hinahangaan. Nagtulungan ang dalawang makapangyarihang pamilya dito. Tumulong sina Duterte para mabigyan ng boto si Marcos sa Mindanao at Visayas. Tumulong naman si Marcos para makuha ni Sara ang boto sa NCR at kalakhan ng Luzon. Nanalo ang Uniteam.
Mayorya ang nakuha nilang boto. Pero hindi ibig sabihin na titindig sila para sa mayorya ng naghihirap na mamamayan, tulad na rin ng mahihinuha sa mga sinasabi at kinikilos nila sa campaign rally. Paano, ni minsan hindi sumali sa debate ang dalawa.
Ang minoryang boto na nakuha ni Leni at iba pang ayaw kay Marcos tulad nina Pacquiao at Isko ay hindi maisasantabi. Ang 14 milyon na boto ni Leni ay hindi biro at malinaw na resulta ito ng isang kilusang bayan – kumikilos ito, nagmumulat, nag-oorganisa at lumalaban. Lalaki pa ito habang kumikilos.
Sa panahon ng di-malulutas na krisis ng nabubulok na sistema ng lipunan, ang mayorya ng mamamayan ay di-maiiwasang mahihimasmasan. Mamumulat pa rin sila na maliit na sahod, hindi sapat na trabaho, hindi makapagsarili ang agrikultura at industriya. At mananatili ang sigalot sa lipunan.
Makasaysayang tungkulin ngayon ng lahat na patuloy na igiit ang kalayaan at demokrasya sa bansa. Palakasin ang mga boluntaryong grupo sa komunidad, lugar ng trabaho, paaralan, parokya, syudad at bayan sa buong bansa. Ihanda ang malakihang kilos-protesta sa mga susunod na araw at linggo.