Editorial Cartoon

Editoryal

Parang magnanakaw sa gabi

June 19, 2022

Parang pagnanakaw sa gabi ang ginawa ng magkasanib na kamara ng Kongreso. Hindi na hinintay ang Korte Suprema na magdesisyon sa hinabol na kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos. Ipinasya na rin naman ng mga mahistrado na huwag maglabas ng temporary restraining order o TRO sa bilangan.

Mabilisang ipinroklama ng Kongreso nitong Mayo 25 si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. biläng Pangulong-Halal at Sara Duterte biläng halal na pangalawang pangulo. Pinakamabilis na proklamasyon ito sa buong kasaysayan ng bansa.

Parang pagnanakaw sa gabi ang ginawa ng magkasanib na kamara ng Kongreso. Hindi na hinintay ang Korte Suprema na magdesisyon sa hinabol na kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos. Ipinasya na rin naman ng mga mahistrado na huwag maglabas ng temporary restraining order o TRO sa bilangan.

Hindi na binigyang puwang sa mabilisang proklamasyon ang mga kilos-protesta ng mamamayan.  Inunahan na ng sangkaterbang pulis ang mga rali. Inipit ang mga nagtipon sa tanggapan ng Commission on Human Rights at binomba ng tubig.

Mabilisan ang proklamasyon. Daig pa nito ang salisi gang. Itinanggi na may dayaan sa eleksyon.  Binalewala ang mga karahasan. Ipinuslit na ligal ang boto na tahasang nakabatay sa nakaw na yaman, pambabaluktot sa kasaysayan at malawakang disimpormasyon.

Katanggap-tanggap sa mga balimbing na pulitiko at malalaking negosyo ang pagkapanalo ng tambalanag Marcos-Duterte.  Ikinadismaya naman ito ng taumbayan. Pareho pa rin ang sistema. Walang pagbabago.

Hindi pa man proklamado, bumati na kay Marcos ang mga gobyerno ng US, China, Russia, Europa at iba pang makapangyarihang bayan. Hindi pa man sumusumpa, umaayon na si Marcos sa pang-ekonomya at pampulitikang interes ng US at karibal na China.

Hindi magtatagal na matatauhan din kahit ang masang bumoto kay Marcos. Ang pangakong sama-samang pagbangon muli ay magiging pagbangon lamang ng dayuhang kapital at lokal na mga naghahari.  Hindi ng pinagnanakawan na bayan.

Avatar