FEATURED

Sa Pagkahalal na Pangulo ni Bongbong Marcos


Noong Mayo 25, 2022, ay inihayag na ng Batasang Pambansa si Ferdinand “ Bongbong “ Marcos Jr. bilang nanalong Pangulo ng Pilipinas nitong nakaraang halalan sa kabila ng napakaraming kaso at isyu sa kanyang kandidatura.

Collage of proclamation of Bongbong Marcos as President and protests

Noong Mayo 25, 2022, ay inihayag na ng Batasang Pambansa si Ferdinand “ Bongbong “ Marcos Jr. bilang nanalong Pangulo ng Pilipinas nitong nakaraang halalan. 

Nag-iisang anak na lalaki ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos, nagsimula si Bongbong bilang Bise- Gobernador sa Ilocos Norte noong 1980. Noong 1983, naglingkod siya bilang Gobernador ng nasabing probinsya.

Noong 1992, nanalo siyang Kongresman sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte. Noong 1995, bumalik siya sa pagka- Gobernador at hinawakan niya ito sa loob nang 9 na taon. Pagkatapos noon ay muli siyang naging Kongresman hanggang 2010 nang siya ay nanalong Senador. 

Noong 2016 ay tumakbo siya sa pagka Pangalawang Pangulo ngunit tinalo siya ni Leni Robredo sa posisyong ito. Nakarating pa sa Presidential Electoral Tribunal ( PET ) ang kanilang sagupaan at ang kinatigan ng PET na nanalo ay itong si Leni Robredo.

Nitong nakaraang eleksyon ay tumakbo sa pagka Pangulo si Bongbong Marcos kasama si Sara Duterte bilang Pangalawang Pangulo sa ilalim ng Partido Federal mg Pilipinas na itinatag ng mga taga-suporta ni Pang. Rodrigo Duterte. 

Sa naging resulta ng halalan, nakuha ni Bongbong ang pinakamataas na boto, 31 milyon, sa kabila ng maraming reklamo tungkol sa pagkasira ng mga vote-counting machines sa nasabing eleksyon. 

Kaya, ipinroklama siya ng Batasang Pambansa, kasama si Sara Duterte, noong Mayo 25, 2022.

Maala-ala natin na may mga petisyon tungkol sa diskwalipikasyon ni Bongbong sa pagka-Pangulo na isinampa sa Comelec bago pa man ang halalan.

Ang mga petisyong ito na isinampa nina Boni Ilagan, Akbayan Citizens Action Party, Abubakar Mangelen at iba pang petitioners.

Sa kasamaang palad, binasura ng Comelec ang nasabing mga kaso laban kay Bongbong sa dahilang wala sapat na batayan ang mga ito.

Ang mga kaso laban sa kandidatura ni Bongbong ay nakaugat dahil sa hindi niya pagbayad ng buwis at pagbigay ng kaukulang income tax return sa Bureau of Internal Revenue ( BIR ) nong taong 1982 hanggang 1985.

Dahil dito ay sinampaan siya ng eight counts na paglabag sa National Internal Revenue Code sa Regional Trial Court ng Quezon City.

Sa Desisyong nilabas ng RTC-Quezon City noong Hulyo 27, 1995, ay napatunayan nitong may kasalanan si Bongbong Marcos.

Agad namang inapila ni Bongbong sa Court of Appeals ang nasabing hatol ng Quezon City RTC.

Noong Oktobre 31, 1997 ay binago ng Court of Appeals ang Desisyon tungkol sa kaso ni Bongbong Marcos.

Inabswelto ng Court of Appeals si Bongbong sa salang hindi pagbabayad ng buwis mula 1982 hanggang 1985. 

Ganun pa man, napatunayan ng Court of Appeals na nilabag ni Bongbong ang Section 45 ng National Internal Revenue Code ( NIRC ) na nag-uutos sa mga taxpayers na magbigay ng kanilang income tax return bawat taon. Ayon sa Court of Appeals hindi sumunod sa patakarang ito si Bongbong Marcos simula 1982 hanggang 1985. 

Inutusan ng Court of Appeals itong si Bongbong na magbayad ng multa sa halagang P 2,000.00 bawat taon simula noong 1982 hanggang 1984 at magbayad ng multa sa halagang P 3,000.00 para sa taong 1985.

Inakyat sana ni Bongbong ang hatol na ito sa Korte Suprema pero kalaunan, inurong niya ang kanyang apila. Kaya, naging final na ang hatol ng Court of Appeals.

Noong 2001 ay binayaran ni Bongbong Marcos ang kanyang pagkakautang sa BIR alisunod sa naging hatol sa Court of Appeals.

Nitong 2022, pagkatapos niyang mahalal sa ibat-ibang posisyon sa pamahalaan, ay tumakbo sa pagka Pangulo itong si Bongbong Marcos.

Ngunit sa pagtakbo niyang ito ay marami ang nagsampa ng kaso sa Comelec para bale walain ang kanyang Certificate of Candidacy sa dahilang hindi sya naging totoo sa kanyang mga deklarasyon dito. 

Hindi kasi sinabi ni Bongbong sa kanyang Certificate of Candidacy na napatunayan siyang nagkasala ng Court of Appeals sa paglabag sa National Internal Revenue Code ( NIRC ) at nahatulang magbayad ng multa rito. Ang hatol na ito ay kinumpirma ng Korte Suprema at naging final na ang desisyon. 

Kaya, dahil sa kanyang hatol na kanyang tinanggap sa kasong ito, malinaw na hindi siya kwalipikadong tumakbo sa pagka Pangulo, sabi pa ng mga petitioners

Ngunit sinabi ng mga abogado ni Bongbong na wala siyang nilabag sa kanyang Certificate of Candidacy dahil ang nasabing 

kwalipikasyon na hinihingi ng NIRC ay nagkabisa lamang noong 1986.

Hindi ito maaring gamitin sa kaso ni Bongbong Marcos dahil ang hindi niya pag-submit ng income tax return ay naganap noong 1982, 1983, 1984 at 1985 o noong taong hindi pa sinasabi ng batas na ang paglabag dito ay may parusang perpetual disqualification from service. Nagkabisa lamang ang batas tungkol sa perpetual disqualification sa sinumang lumabag nito noong 1986.

Sinang-ayunan ito ng Comelec at pinawalang bisa ang Petisyon sa pagpawalang bisa sa Certificate of Candidacy nitong si Bongbong. 

Nagsampa sina Boni Ylagan at mga kasama ng Motion for Reconsideration pero ito ay binasura din ng Comelec.

Kaya wala silang magawa kungdi iakyat ito sa Korte Suprema kung saan ito nakabinbin sa ngayon. 

Ngunit kung sakaling magdesisyon ang Korte Suprema na pabor dito kay Bongbong at nakaupo na nga si Bongbong bilang Pangulo, ano kaya ang mangyayari dito sa ating mga kababayan ?

Una, maaring marami sa atin ang hindi na magbayad ng kanilang mga buwis. Ito ay dahil si Bongbong ay ilang taong hindi nagbayad ng buwis. Hindi ba siya ang dapat tularan ng mga mamamayan ? Kung ang Pangulo nga ay hindi nagbabayad ng buwis, ang mga ordinaryong mamamayan pa kaya ? 

Pangalawa ay tungkol sa kampanya kontra-droga ng pamahalaan. Nabalitaang gumagamit daw ng cocaine itong si Bongbong. Bagamat ito ay haka-haka lamang, makakaapekto din ito sa mga drug users na ipagpapatuloy ang kanilang gawain. 

Isa pa ay ang tungkol sa pagiging matapat. Lumalabas ngayon na hindi totoong gradweyt ng kolehiyo sa ibang bansa si Bongbong at wala siyang college degree. Ito ay sa kabila ng kanilang pinapangalandakan dati na graduate siya sa University of Oxford. Sa huli ay napilitan silang umamin na hindi siya nakatapos ng college degree sa unibersidad na ito.

Mapapansin din na hindi kailan man umamin si Bongbong Marcos sa naganap na pangungulimbat noong martial law ng pamilya Marcos sa pera ng taong-bayan. 

Matatandaan natin na noong 2003, 2012 at 2017 ay nagkaroon ng desisyon ang Korte Suprema kung saan napatunayang nagkasala ng plunder ang mga Marcoses laban sa mamamayang Pilipino. Noong mamatay si Pang. Marcos ay tumangging magbayad si Bongbong ng estate tax nito na nagkahalaga ng P 23.3 bilyon. Sa ngayon, ang estate tax na ito kasama ang interest at penalties ay tumatakbo na sa mga P 203.8 bilyon. Hindi man lang ito inasikaso ni Bongbong.

Sa kabila ng lahat, patuloy niyang ginigiit na kahit peso ay walang ninakaw ang kanyang pamilya sa kaban ng bayan.

Hindi rin siya umamin sa naganap na pang-abuso sa batayang karapatan ng mamamayan noong martial law. 

Ayon sa Amnesty International, mayroong mga 3,257 na kaso ng mga na salvage, 35,000 kaso ng mga na-torture at 70,000 na kaso ng ilegal na pag-aresto noong panahon ng martial law dito sa ating bansa. 

Wala ka man lang narinig kay Bongbong tungkol dito. Kahit humingi man lang ng paumanhin sa taong-bayan ay wala siyang ginawa.

Paano kaya, balak kaya niyang baguhin ang kasaysayan ng bansa kung siya na ang nanunungkulang Pangulo ?

Huwag nating payagan ito, mga kasama.