Pag-veto sa Bulacan Economic Zone, dapat bang ikatuwa?


Matagal nang tinututulan ng mga residente ng Taliptip ang proyekto ng San Miguel Corporation na sumira sa kanilang kabuhayan, pamayanan at karapatan. Ikinatuwa kaya nila ang pagveto ng bagong pangulo sa proyektong special economic at freeport zone sa kanilang komunidad?

Pag-veto sa Bulacan Economic Zone, dapat bang ikatuwa?
Pag-veto sa Bulacan Economic Zone, dapat bang ikatuwa?

Tinanggihan ni bagong sumpang pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lagdaan ang House Bill 7575, panukalang batas na layong magtayo ng special economic and freeport zone sa bahagi ng tinatayong New Manila International Airport at aerocity ng San Miguel Corporation sa Brgy. Taliptip, Bulakan.

Sa kaniyang veto message, sinabi ni Marcos na hindi niya nilagdaan ang panukalang batas dahil sa mawawalang kita ng gobyerno. Marami kasi umano itong kaakibat na mga insentibong nagbibigay ng kaluwagan sa pagsingil ng buwis sa mga mamumuhunan sa nasabing economic zone alinsunod sa Executive Order 226.

Matagal nang tinututulan ng mga mangingisda at residente ng Taliptip ang proyekto ng SMC sa kanilang lugar. Pero para sa Pamalakaya-Bulacan, hindi dapat magbunyi sa pag-veto ni Marcos sa panukala. “Mabulaklak na mga salita, at hindi totoo sa loob ang  mga batayang binabanggit ni BBM sa kanyang hindi paglagda sa batas para matuloy ang Special Economic Zone.”

Ayon sa grupo, hindi naman naka-angkla sa kapakanan ng mamamayan, partikular ang mga mangingisda at residenteng apektado ng itinatayong paliparan, ang pagveto ni Marcos “kundi ang pagtitiyak na may makakabig ang kanyang gobyerno mula sa malalim na kabang-yaman ng SMC.”

Noong Enero 2020, ginawaran ng prangkisa ang SMC na magsagawa ng reklamasyon sa 2,500-ektaryang katubigan ng Manila Bay sa bayan ng Bulakan para sa 740-milyong pisong proyektong dambuhalang paliparan.

Mula 2020 hanggang sa kasalukuyan, ramdam ng mamamayan ang epekto ng malawakang dredging na ginagawa ng SMC na naging sanhi ng pagdausdos ng kita ng mga residenteng umaasa sa yamang hatid ng karagatan. Dagdag pa rito ang intimidasyon at militarisasyon sa lugar na kanilang naging tahanan sa loob ng ilang dekada.

“700 pamilya na rin ang sapilitang inalisan (ng) tirahan upang masimulan na ang konstruksyon sa paliparan, at maraming pamilya pa ang nakaambang mapalayas para sa iba pang proyektong pang-imprastruktura na susuhay sa grandyosong airport na tinatayo sa Bulakan. Nararanasan na rin ng mamamayan ng Bulacan ang matinding pagbaha sa lalawigan na pinalala pa nang simulan ang pagwasak sa karagatan,” ayon sa grupong Pagkakaisa ng Mangingisda at Mamamayan ng Bulacan (PMMB).

Panawagan ng PMMB sa kasalukuyang administrasyon na tugunan ang kanilang hinaing para sa karapatan sa kabuhayan, paninirahan, at pangangalaga sa kalikasan na naging tahanan nila sa loob ng ilang mga taon.

Ayon mismo kay Marcos, sinusuportahan niya pa rin ang panukalang ito at may mga ulat na ring aamyendahan ng mga may-akda ng HB 7575 ang mga probisyong ipinunto ng pangulo sa veto message. Lubos din niyang ipagpapatuloy ang pagtapik sa pribadong sektor o ang Public-Private Partnership ukol sa mga malalaking imprastraktura gaya na ng Airport City at Freeport Zone ng SMC sa Bulakan.

Ayon sa Pamalakaya-Bulacan, kung seryoso si Marcos batay sa kanyang veto message ay dapat hindi lamang ito nakakulong sa isyu ng Bulacan Economic Zone kundi maging sa lahat ng  mga negosyong sumasagasa sa kabuhayan ng mga mamamayan.

“Ang lahat ng tinuran niyang mga batayan diumano para isantabi ang panukalang proyekto ng Special Economic Zone na ito ay siyang malaganap na nagaganap, laluna sa mga proyekto ng [Build, build, build program], na inanunsiyo niya nang kanyang ipagpapatuloy at tatapusin,” ayon sa grupo.

Para sa grupo ng mga siyentista’t mananaliksik na AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People, nararapat na magsagawa ng review si Marcos sa prangkisa ng San Miguel Aerocity, Inc. dahil sa lawak ng pinsalang hatid nito sa kalikasan at kabuhayan ng mga residente.

“The destruction of mangrove forests, mudflats and benthic ecosystems brought by SMC’s reclamation and dredging activities will result in habitat destruction and subsequently decline in fisheries production,” sabi ng grupo.