Unang linggo ni junior bilang presidente

Unang linggo ni junior bilang presidente

July 13, 2022

Sa hinaba-haba ng unang linggo ng bagong pangulo, pinag-usapan pa rin ang relasyon ng bansa sa US at China, ang mga  kagamitang pandigma, mga plano ng malalaking negosyo, plano sa agrikultura at paglilinis sa mga ahensya. Sneak preview o paunang silip pa lamang ito kumbaga sa pelikula.  Hindi pa buo ang kuwento sa magiging pagpapatakbo ng isang junior sa Palasyo.

SUMUMPA si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas noong Hunyo 30, 2022 sa Pambansang Museo. Pagbabalik ito ng pamilyang Marcos sa Palasyo ng Malakanyang, sa dati nilang tahanan mula 1965 hanggang 1986.

“Ang pangarap n’yo ay pangarap ko,” sabi ni Marcos Jr. sa kanyang unang talumpati bilang pangulo. Samantala, nagdaos ng kilos-protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Plaza Miranda gayundin sa iba pang mga lunsod. Nagtalaga ang pulisya ng di-bababa sa 18,000 tauhan sa palibot ng Kamaynilaan.

Makaraan ang inagurasyon, naghanda si Marcos Jr. ng vin d’honneur, isang pormal na tagay ng alak bilang parangal, sa mga dayuhang kinatawan ng iba’t ibang bansa, tampok sina Chinese Vice President Wang Qishan and US Second Gentleman Douglas Emhoff. Ang vin d’honneur sa Pilipinas ay ginagawa lang sa New Year’s Day at Independence Day.

Kinabukasan, Hulyo 1, ginanap ang kauna-unahang aktibidad ng bagong pangulo sa labas ng Malakanyang. Ipinagdiwang ang ika-75 anibersaryo ng Philippine Air Force sa Clark Air Base sa Mabalacat, Pampanga. Ibinida ang mga bagong eroplanong pandigma na FA-50PH ng Air Force at iba pang kagamitang militar na panghimpapawid. Ang 12 FA-50 ay nagkakahalaga ng Php 18.9 bilyon (USD 421.12 milyon) nang bilhin noong 2014 at na-deliver noong 2017. Marami pang bibilhin sa PAF Flight Plan 2040 bilang bahagi ng “modernisasyon” ng Armed Forces of the Philippines.

Hulyo 2, ipinagdiwang naman ang ika-93 kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos sa Palasyo. “Pinakamasayang birthday,” pagbati ni Marcos Jr. sa ina niya.

Hulyo 3, ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, pinsang makalawa ni Marcos Jr., iniimbitahan ni US President Joe Biden ang pangulo sa Washington. Walang komento ang Malakanyang. Pero makaraan ang tatlong araw, sinalubong ni Marcos Jr. si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa loob ng Palasyo.

Hulyo 4, ikinagulat ng marami ang pag-veto o pagtanggi ni Marcos Jr. sa panukalang batas na gawing economic zone at free port ang Bulacan Airport City dahil liliit umano ang pinagkukunan ng buwis ng gobyerno. Malapit din ito sa Clark Freeport and Special Economic Zone sa Tarlac at Pampanga. Gumagastos ng Php 740 bilyon ang San Miguel Corporation sa pamumuno ni Ramon Ang (mula kay Eduardo “Danding” Cojuangco) para gawing Aerotropolis ang may 2,500 ektaryang lupain sa Bulakan, Bulacan.

Mababalikan na naglabas ng memorandum si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III kay dating Pangulong Duterte noong Hunyo 2 na tanggihan ang panukalang batas. May Php 60 bilyon umano ang mawawalang buwis. Sabi naman ni Ramon Ang, may Php 11 trilyon (USD 200 billion) ang mawawalang kita sa planong economic zone.

Tuloy pa rin naman daw ang paggawa ng airport na nagpalayas sa may 700 mangingisda at pamilyang nakatira sa baybaying-dagat at sumisira sa kalikasan ng lugar. Una nang ibinasura ng Korte Suprema noong 2021 ang Writ of Kalikasan na petisyon laban sa proyekto.

Pinuntahan naman ni Marcos Jr. ang Department of Agriculture bilang tumatayong kalihim ng kagawaran. Iniharap sa kanya ang mga planong Masagana 150 at 200 (para sa inbred at hybrid na palay) na umano’y dodoblehin ang ani sa bawat ektarya. Matatandaang ang dating pangulong Marcos Sr. ang nagpasimuno ng Masagana 99 para sa higher-yielding rice variety na dodoblehin umano ang ani pero nabaon sa utang ang mga magsasaka.

Binukas din kay Marcos Jr. ang posibleng pagratipika sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), isang free trade agreement sa Asya sa pamumuno ng China.

Hulyo 5, ika-limang araw bilang pangulo, pinulong ni Marcos Jr. ang kanyang Gabinete. Gusto na agad niyang matalakay ang kalagayan ng ekonomiya. Napaulat na walang kagyat na makapagbigay ng briefing mula sa kanyang economic team na binubuo nina Finance Sec. Benjamin Diokno, Socio-economic Planning Sec. Arsenio M. Balisacan, DTI Sec. Alfredo E. Pascual, at Transport Sec. Jaime J. Bautista. Tinawag na lang niya si Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio para magbigay ng opening prayer.

Samantala, sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ipinanukala ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawing Ferdinand E. Marcos International Airport dahil gawa raw ito ni Marcos. Pero sa totoo lang, panahon pa ni Manuel Roxas noong 1947 naging airport ang dating airbase ng US at unang naging international noong 1953 kay Elpidio Quirino o may 12 taon bago pa si Marcos.

Hulyo 6, nagtuon naman si Marcos Jr. sa pagpupulong sa DOH, IATF, at Philhealth. Habang sinusulat ito, wala pang naitatalagang kalihim sa Health, Energy, Environment and Natural Resources, Science and Technology at Human Settlements and Urban Development.

Hulyo 7, nilagdaan ni Marcos Jr. ang kauna-unahang Executive Order. Binuwag ang Presidential Anti-Corruption Commission na binuo ni Duterte para mag-imbestiga sa katiwalian ng mga hinirang na opisyales ng gobyerno. Inilagay naman ang Office of Cabinet Secretary sa ilalim ng Presidential Management Staff.

Nagtalaga rin ng Presidential Adviser on Military and Police Affairs sa ilalim ng opisina ng Special Assistant to the President (SAP). Una nang pinili ni Marcos Jr. si dating Davao del Norte 2nd district representative Antonio “Anton” Lagdameo Jr. bilang Special Assistant to the President (SAP). Apo siya ni Antonio Floirendo Sr., na kilalang “Banana King” at matalik na alyado ng yumaong Marcos Sr.

Ipinailalim naman ang Presidential Communications Operations Office (PCCO) sa Office of the Press Secretary. Kabilang na rito ang responsibilidad sa Freedom of Information na maging bukas sa publiko ang lahat ng ginagawa ng gobyerno.

Sa hinaba-haba ng unang linggo ng bagong pangulo, pinag-usapan pa rin ang relasyon ng bansa sa US at China, ang mga  kagamitang pandigma, mga plano ng malalaking negosyo, plano sa agrikultura at paglilinis sa mga ahensya. Sneak preview o paunang silip pa lamang ito kumbaga sa pelikula.  Hindi pa buo ang kuwento sa magiging pagpapatakbo ng isang junior sa Palasyo.

###

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.