Bulatlat, pinaboran ng Korte vs NTC


Para kay Arao, nagkaroon ng kawalan ng impormasyon ang mga mamamayan nang pahintuin ang operasyon ng websites ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Bagamat may ibang plataporma para sa pagbabalita, may bahagi pa rin sa sektor ng mamamayan ang lubhang naapektuhan at nawalan ng pangunahing pinagkukunan ng impormasyon.

Pinatitigil ng korte ang pagpapatupad ng utos ng National Telecommunications Commission (NTC) na i-block ang akses sa website ng alternatibong midyang Bulatlat sa pamamagitan ng inilabas na writ of preliminary injunction ni Quezon City RTC Branch 306 Judge Dolly Rose Bolante-Prado noong Agosto 11.

Sa inilabas na resolusyon ng korte, sinabing matibay ang mga iprinisentang ebidensya ng Bulatlat at malinaw na may pagtapak sa karapatan ang memorandum ng NTC. 

“Masasabi nating maganda yung kinalabasan ng preliminary injunction. Nakita yung lohika ng blocking saka yung irreperable damage bunga ng testimonya ng [witnesses],” sabi ni Danilo Arao, propesor ng pamamahayag at Associate Editor ng Bulatlat.

Noong Hunyo 8, naglabas ng memorandum ang NTC para pigilan ang akses sa 27 websites na pinagbibintangang sumusuporta daw sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Bukod sa Bulatlat, kabilang sa mga hinarangan ng akses sa website ang Pinoy Weekly at iba pang mga ligal at progresibong organisasyon.

Inilabas ng NTC ang naturang utos sang-ayon sa naunang liham ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na malisyosong nag-uugany sa mga lehitimong midya sa umano’y mga terorista.

Mahigit dalawang buwan nang hindi mabuksan ng mga mambabasa ang website ng Pinoy Weekly at Bulatlat. Kinakailangan pang gumamit ng mga mekanismo sa internet tulad ng Virtual Private Network (VPN) at mirror site upang mabasa ang mga artikulo nito. 

Pero pansamantala lang ang pagpapatigil sa implementasyon ng utos ng NTC hangga’t hindi pa naglalabas ng pinal na desisyon ang korte kaugnay ng kasong isinampa ng Bulatlat. 

Inutos rin ng korte na magbigay ng halagang P100,000 ang Bulatlat bilang bond o piyansa sakaling ang ilabas na pinal na desisyon ay kontra sa naunang iginawad na preliminary injunction.

Napakalaking halaga ito para sa isang independyenteng media gaya ng Bulatlat. Pero sa pagtutulungan at donasyon ng mga mambabasa, kapwa mamamahayag at tagasuporta, nagawang makalikom ng  kinakailangang halaga para maipatupad ang utos ng korte.

“Isa ‘tong indikasyon na yung ordinaryong mamamayan ay handang tumulong at ipaglaban yung karapatan sa pamamahayag kasi yung donation drive, nilinaw namin na hindi ito para sa Bulatlat, kun’di ito ay pakikibaka sa panunumbalik ng anumang natitira sa kalayaan sa pamamahayag,” ani Arao. 

Nawalang akses sa impormasyon 

Para kay Arao, nagkaroon ng kawalan ng impormasyon ang mga mamamayan nang pahintuin ang operasyon ng websites ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Bagamat may ibang plataporma para sa pagbabalita, may bahagi pa rin sa sektor ng mamamayan ang lubhang naapektuhan at nawalan ng pangunahing pinagkukunan ng impormasyon.

Nakasentro sa kuwento ng kalagayan ng mga mamamayan ang pagbabalita ng mga alternatibong media gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Kaya ramdam na ramdam ng mga mamamayan ang epekto ng kawalan ng akses sa mga publikasyong ito.

Para kay Lita Malundras, guro sa Batibot Early Learning Center, “Mabigat ang mawala ang ganitong babasahin. Paano na ang mga taong hindi naaabutan ng totoong suri sa mga nagaganap sa ating bayan? Paano na maipapaabot sa mga namumuno ang totoong nagaganap sa mga masang lubos na naapektuhan ng mga maling pamamalakad?”

Hindi lang basta pagbabahagi ng impormasyon ang kinitil sa hakbang ng gobyerno kontra sa mga alternatibong media. Nawalan din ng entablado ang mga ordinaryong mamamayan upang maihayag ang kanilang saloobin.

Para kay Debie Faigmani, manggagawa ng Wyeth-Philippines, tanging sa Pinoy Weekly at Bulatlat lamang niya nababasa ang mga balita tungkol sa kanilang karanasan sa loob ng pagawaan.

“Halimbawa noong panahon na kumilos kami dahil sa pambabarat sa aming CBA [collective bargaining agreement] at mga isyu pagdating sa [kasiguraduhan] sa trabaho, napakalaking tulong  sa amin na nababalita  ito para naman mapansin ng mga kinauukulan na maaring tumulong para sa aming mga demands bilang manggagawa,” sabi niya.

Dagdag niya na kasangkapan din ang mga artikulo at kolum sa Bulatlat at Pinoy Weekly para mapaunlad ang mga kaalamang maaaring magamit sa paglaban para sa kanilang karapatan.

Laban para sa kalayaan ng lahat

Ayon kay Arao, malala at hindi makatao na nga ang mga nakasaad sa Anti-Terrorism Law, mas pinalawig at pinabangis pa ito nang pigilin ang akses sa website na hindi naman parte ng anumang probisyon ng batas.

Hindi rin makatarungan, aniya, ang mga paunang pagsasawalang-kibo ng mismong NSC at NTC sa mga atake nito.

Dagdag ni Arao, ni hindi sila inabisuhan sa pagpapatupad ng utos ng NTC. Nalaman lang nila sa mga mambabasang hindi na mabuksan ang website. Kumibo lamang ang gobyerno at kinumpirma ang  opisyal na utos dalawang linggo mula nang lumabas ito sa mga pahayagan.

Nauna nang dinepensahan ni Esperon ang pagharang s amga website sa pagbanggit ng dalawang artikulong lumabas sa Pinoy Weekly. Aniya, ang “Limang katwiran ng armadong pakikibaka” at “NPA, hindi patitinag” ay pumapasok sa seksiyon ng depinisyon ng terorismo at recruitment sa mga teroristang organisasyon.

“Hindi dapat tingnan ang mga artikulo na fair commentary na talagang lalason sa isip ng mamamayan,” sabi ni Arao. Dagdag niya na mahalagang maipunto o mabigyan ng konteksto ng mga pahayagan ang sanhi ng pag-aarmas ng mga mamamayan.

Sa kaso ng Bulatlat, patuloy lang ang paglalabas ng mga artikulong may malalalim na suri sa kalagayan ng lipunan kahit gumugulong pa ang kaso at naghihintay na pumabor sa interes ng mamamayan at mga mamamahayag ang desisyon ng korte.

Sa pangkalahatan, hindi lamang ito usapin ng laban para sa karapatan sa pamamahayag. Tumampok rin kamakailan ang pagharang at red-tagging sa mga ilang libro na nilimbag ng Komisyon ng Wikang FIlipino. Nararapat lamang, ayon kay Arao, na magbigkis ang lahat ng sektor ng lipunan upang makamtan ang kalayaang hindi lamang sa iilan o monopolyo ng mga maka-gobyernong sentimyento.

“Ayaw natin ng selectivity sa usapin ng freedom. Kasi yung freedom, just like democracy should be inclusive. Hindi siya exclusive sa isang grupo lamang,” sabi Arao.