Diskarteng Pinoy – Diskarte sa mantika


Puwedeng gamitin ulit ang mantika gamit ang gawgaw (cornstarch) at pangsala. Alamin din ang wastong paraan ng pagtatatapon ng lumang mantika.

Pag-ulit ng gamit

Puwedeng gamitin ulit ang mantika gamit ang gawgaw (cornstarch) at pangsala.  Narito ang mga hakbang:

  1. Salain ang gamit na mantika.
  2. Para sa 1 tasa ng mantika, magkanaw ng 1 kutsarang gawgaw sa ¼ kutsarang tubig. 
  3. Initin ang mantika.
  4. Ibuhos ang kinanaw na gawgaw. 
  5. Hayaang sipsipin ng gawgaw ang mga dumi sa mantika. Panapanahong haluin hanggang sa mabuo ang cornstarch. 

Matapos nito, lilinaw ang dating maitim na mantika. Puwede pa itong gamitin nang makailang ulit depende sa pagkakagamit.  Maaring may maiwang konting amoy sa mantika kaya tiyakin na ibukod ang pinagprituhan ng isda, manok at karne.  

Pagtatapon

Huwag nang ipangluto ang mantikang may masama nang amoy, malagkit at mabilis nang masunog. Delikado ito sa kalusugan. Pero huwag ding basta-basta itapon.  Maaari itong makabara sa lababo at mga tubo, maka-akit ng mga peste gaya ng ipis at daga, at dagdag polusyon. 

Narito ang ilang puwedeng paggamitan ng lumang mantika:

  • Pampadulas sa matitigas nang bisagra, lock, at iba pa.
  • Proteksyon ng bakal sa kalawang
  • Pampaningas sa lampara
  • Pampakintab sa kahoy.  Haluan lang ng suka. 
  • Pampreserba sa leather at rattan
  • Proteksyon sa kawali para hindi mangitim
  • Pang-alis sa dumikit na pintura sa kamay
  • Paggawa ng sabon
  • Pamatay sa ipis at daga.  Haluan ng kanin at lason at ilagay sa sulok. (delikado kung may aso o pusa sa bahay).

May mga bansa na nangongolekta ng gamit na mantika para gawing biofuel.  Kung susundin ito ng gobyerno ng Pilipinas, malaki ang maitutulong nito sa kalikasan at para makatipid sa paggamit ng produktong petrolyo. 

Kung itatapon ang mantika, dapat maging maingat para hindi makapinsala sa kalikasan.  Ilagay sa garapon o plastik na bote bago ilagay sa basurahan.  Huwag gumamit ng plastic bag, maari itong mabutas at kumalat. 

Kung meron kayong mga diskarte na nais ibahagi, magpadala lamang ng mensahe sa pinoyweekly@gmail.com o sa aming Facebook page.