ISCP

ISCP: Kuwelang eskuwela ‘to!

August 25, 2022

“Loud and proud” Aspin ka ba? Bakit nga ba patok sa mga kabataan ang kuwelang eskuwelang International State College of the Philippines (ISCP)?

Marami ang natuwa at namangha sa pagkalat sa social media ng satirikal na unibersidad na ISCP. Sa unang tingin, di hamak kasing mas magaling pa ito sa mga totoong kolehiyo’t unibersidad. Ang satire o katuwaan lang na produkto ng mayayamang imahinasyon ng mga kabataan, repleksiyon din ng kanilang mga totoong inaasam na edukasyon. 

Sinimulan ni Niño Ged, isang labing-walong (18) taong gulang na estudyante mula sa Cebu, ang ISCP Facebook page  Papasok pa lang siya sa buhay-kolehiyo sa kursong BS in Aeronautical Engineering. Pero di pa tumutuntong ng unibersidad, nailalarawan na niya ang isang ideyal na eskuwelahan sa nakakaaliw na paraan. 

Kalaunan, marami na rin ang nakisali. Organiko at aktibong nag-ambag ang mga netizens ng mga ideya at materyales gaya ng logo, ID cards, anunsyo ng entrance exam, mga kurso, ISCP hymn, konseho ng mag-aaral (Supreme E-Youth Government), at iba pa. 

Mahuhusay ang graphics at videos na aakalain mo pa ngang totoo ang ilan sa mga ito. Pati nga ang kilalang mapanuri, mapagmatiyag at mapangahas na si Kuya Kim Atienza, nag-akalang totoo ito noong una. 

May 3D na ilustrasyon ito ng kampus at mayroon pang website na mabilis at mas maganda pa kaysa sa mga website ng mga komersyal na paaralan o kahit ng mga ahensya ng gobyerno. 

Mapapahagalpak ka talaga sa tawa sa mga piksyunal na kampus nito gaya ng Sun, Moon, Atlantis at Biringan Campus. Ang alma mater hymn ay ang sikat na kantang “Sun and Moon” ng Amerikanong rapper na si Anees. Ang mga propesor, mga personalidad gaya nina Ella Cruz bilang tagapagturo ng kasaysayan, Robin Padilla na instruktor sa self-defense, at Rowena Guanzon sa Law, major in Bardagulan.

Kuwela rin ang mga kurso gaya ng Jedi Arnis, pagpipiloto sa DJ Loonyo International Airport Extension, BA Mass Communications Major in chismisan, BS Culinary Arts Major in Firebending, BA Psychology Major in Gaslighting, BS Criminology Major in How to kill Cardo Dalisay in Television, BS Gambling and Commercial Gaming Major in Cockfighting, at marami pang kalokohan.  

Nag-viral din ang meme na naglalaman ng litrato ni Nicki Minaj bilang ISCP alumni na kumukundena sa red-tagging. May hashtag itong #DefendISCP, #DefendAcadFreedom at #SatireButTrue na akma at napapanahon sa harap ng tumitinding pagpapakalat ng disimpormasyon sa mga kabataan. 

Sa diwa din ng ISCP, marami pang ibang content creators ang lumikha ng mga viral posts na pumatok sa social media. Nakita nyo na ba ang kumakalat na post hinggil sa diploma ni Pangulong Bongbong Marcos na umano’y nag-aral ito sa ISCP?  “BS Tax Evasion Double Major in Offshore Hidden Wealth Banking and Plundering”  ang kurso ni Marcos ayon dito. Lumaganap din ang video ng kantahan ng mga senador kasama ang pangulo. Galing ito sa satirikong “We Are Millenials” page at may caption na “ISCP graduation party ng mga major in graft and corruption.”  Ang orihinal na audio ay pinalitan ng kantang  “Marcos Magnanakaw.”

Pati mga kilalang celebrities, social media influencers at mga pulitiko, sumakay na rin sa ISCP trend. Patok na patok ito ngayon hindi lang sa mga kabataan kundi pati na rin sa iba’t ibang sektor ng mga lipunan dahil halos lahat naman ng Pilipino ay may mga karanasan kaugnay ng pag-aaral. 

Kung totoo lang ang ISCP, nakaka-enganyo talagang mag-aral dito.  Nag-aalok ito ng 100% scholarship, libreng sakay sa cable car at space shuttle service, madaming campuses at mga kurso, libreng pagkain sa kantina, at mga makabagong pasilidad — mga bagay na hindi natin natatamasa sa totoong mga paaralan. Viral din ang multi-purpose armchairs na natatransporma para sa left-handed at right-handed, at pwede pang maging pang-grupo! 

May mga netizens na nag-tag sa Department of Education (DepEd) para manawagan na tularan ito.  Tampok din sa mga talakayan sa comment section ang pagkadismaya ng mga kabataan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. 

Bagama’t produkto lamang ng mga malilikot na imahinasyon ang ISCP, maraming mga ideya dito ang puwede sanang makatulong sa aktuwal na pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon na nakasentro sa pangangailangan ng mga estudyante at guro. 

Malaking bagay ang pagkakaroon ng mga satire pages upang magsilbing daluyan ng mga hinaing at pangarap ng mga kabataan. Sa ganitong konteksto, nagiging instrumento ng popular na kultura ang satire para sa panlipunang kritisismo. 

Subalit hindi lang dapat magkasya dito ang mga kabataan. Upang makamit ng mamamayan ang kanilang mga lehitimong kahilingan, kinakailangang ipaglaban ito pareho sa online at sa totoong mundo, sa social media, parliyamento, kalsada, at sa iba’t ibang paraan at larangan para marinig ng mga nasa kapangyarihan.

Avatar