Katips: Pagmamahal sa gitna ng gulo

Rebyu

Katips: Pagmamahal sa gitna ng gulo

August 9, 2022

Nagmulat, nagpasaya, nagpakilig. Ang pelikulang Katips ay kuwento ng pagmamahal, sa bayan.

Hindi lang ito kuwento ng kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadurang Marcos. Lalong hindi ito tungkol sa labanan ng “dilaw” at “pula” o hidwaan ng mga naghaharing-uri sa pulitika.  Ang Katips ay kuwento ng pagmamahal.

Nagpakilig sa mga manonood ang mga anggulong romantiko na uminog sa apat na pares ng mga kabataang aktibista. Pero ang mas pinatampok ng pelikula, ang nag-aapoy na pagmamahal ng mga kabataan sa bayan. Sa kabila ng mga panganib,  matapang silang nakibaka para ibagsak ang diktadura.

Kathang-isip o  fiction  man ang Katips, ang konteksto nito ay hinalaw sa mga totoong pangyayari gaya ng First Quarter Storm (FQS), welga ng mga manggagawa sa La Tondeña, pagpaslang kay Ninoy Aquino, pagdami ng mga kabataang sumapi noon sa kilusang underground, at ang nakakakilabot na bilang ng mga dinukot, tinortiyur at pinatay sa panahon ng diktadurang Marcos.  

Ayon sa manunulat, direktor at prodyuser ng pelikula na si Atty. Vince Tañada, humalaw din sya ng impormasyon mula sa mga biktima ng Martial Law na naging kliyente niya.  Itinaya daw niya ang sariling pera mula sa abogasiya upang ipakita ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino sa panahon ng diktadura.  

“Ito ay istoryang dapat ikuwento. Bilang artista, ang aming layunin ay hindi lamang magbigay-aliw.  Mas mahalaga diyan, nandito kami upang magbigay-aral sa mga tao,” ani Tañada.

Dagdag pa niya, ang kasaysayan ay isang bagay na nakakalimutan na.  “Ito ay binabaluktot at binabago, kaya kinakailangan nating ipaalala sa ating mga kabataan ang kahalagahan ng ating kasaysayan.

Naihatid ng pelikula ang mensaheng ito sa pormang musikal. Gumamit din ng mga mapanlikhang eksena at simbolismo na nag-iwan mga talinhaga.  Marahil sadya ito para mag-isip ang mga manonood.  Sa bawat tagpo, samu’t sari ang mararamdaman ng manonood. Mula sa aliw, tuwa, kilig, pagkainis, takot, awa at kalungkutan sa bawat trahedyang naganap.  

Mahusay na ginampanan nina Tañada, na gumanap bilang Panyong, at Johnrey Rivas, bilang Art, ang kanilang mga bahagi.  Natural at nakakakumbinsi ang kanilang pag-arte, gayundin ang ekspresyon sa kanilang mukha na walang pag-inda kahit pa tumulo ang pawis, sipon at laway.  Dapat kilalanin ang mga gumanap na kontrabida gaya nina Mon Confiado at Dindo Arroyo na naging mabisa sa pagpukaw ng galit ng manonood. Nakakatuwa rin ang paggampan ng beteranang aktres na si Dexter Doria bilang isang tigasing madre. 

May ilang kahinaan ang pelikula gaya ng minsang hindi pagtugma ng dubbing, kakulangan sa emosyon sa ilang karakter at mga butas sa ilang aspeto ng kuwento. Halimbawa,  kataka-taka na hindi alam ni Susie ang “habeas corpus” gayong siya ay lider-aktibista, taga-Unibersidad ng Pilipinas at manunulat ng Philippine Collegian. Nakatulong din kung napalalim ang istorya tungkol sa ama ni Art, isang Metro-Aide na loyalista ni Marcos. Ano ang kanyang sinapit nang dukutin ang anak? Mas nakita sana kung may pag-unlad sa karakter. 

Hindi rin masyadong napalalim ang mga isyung pampulitika at ekonomiya na nagtulak sa mga kabataan na lumaban.  Marahil hindi na ito bahagi ng layunin ng manunulat.  May ibang mga sining protesta, pelikula at mga lathalain na maaring pumuno sa kakulangang ito.

Maari namang palagpasin ang ilang teknikal na kahinaan sa pag-unawang maliit ang badyet ng produksyon.  Pero dapat punahin at bigyang linaw ang ilang tagpo na delikado at nagiging daan sa red-tagging.  Halimbawa ang tagpo na magkasama ang mga manunulat ng Philippine Collegian, at ng Ang Bayan, ang publikasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP), sa isang opisina, na nagpapahiwatig na iisa ang ligal at underground na publikasyon.  

Prominenteng sa UP si Propesor Jose Maria Sison noong FQS. Nagtatag ng Kabataang Makabayan (KM) noong 1964, at kinikilala ring tagapangulong tagapagtatag ng CPP noong 1968. Totoong maraming kabataang namulat sa mga ligal na organisasyon ang napilitang mag-underground dahil sa Martial Law.  Pero marami ring mga lumahok sa FQS na hindi kasapi ng CPP.  Magkakaiba ang dinamismo, paniniwala, at porma ng paglaban ang mga ligal at lihim na organisasyong noong FQS.  Maling ipagpalagay na lahat ng mga aktibista ay miyembro na ng CPP. 

Dulot marahil ang kalituhang ito ng talamak na red-tagging at pagpapakalat ng disimpormasyon ng gobyerno.  Kailangang itama ang bagay na ito na lubhang mapanganib, lalo na ngayong nanumbalik ang mga Marcos sa poder. 

Sa kabuuan, maganda ang intensiyon ng Katips at sining ang pag-uusapan, masasabing may laban ito.  Hindi nakakapagtaka na humakot ito ng karangalan sa nakaraang Famas Awards kabilang ang Best Picture, Best Director, Best Actor, Best Supporting Actor, Best Original Song, Best Musical Score, at Best Cinematography.  

Karapat-dapat bigyan ng pagkilala ang Katips dahil sa matapang na pagbangga nito sa interes ng mga Marcos at sa propagandang pelikulang Maid in Malacañang, na binuhusan ng malaking pondo at impluwensiya.  

Dapat hikayatin at tangkilikin ang mga pelikula at mga inisyatibang nagsisiswalat sa kasinungalingan ng naratibo ng mga Marcos. Nawa’y marami pang mga alagad ng sining ang tumindig. Napapanahon ito lalo ngayong ginugunita ang ika-50 anibersaryo ng Martial Law (ML50) nitong darating na Setyembre 21. 

Ani ni Tañada, hindi sila malaking produksiyon gaya ng Viva. Hindi rin daw siya mayamang senador.  Pero ikinagagalak niyang makita na tinangkilik ng napakaraming tao ang kanilang pelikula. Patunay ito na kapag ang sining ay naninindigan sa katotohanan at sumasalamin sa tunay na kalagayan at pakikibaka ng sambayanan, tatangkilin ito ng masa. 

Avatar