NCAP, pinasusupinde


Pinasusupinde ng Land Transportation Office (LTO) ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga lokal na pamahalaan ayon sa inilabas nitong memorandum noong Agosto 12. Pinapayagan na ring magparehistro ang mga pribado at pampublikong sasakyan na napatawan ng multa dahil sa violations NCAP.

Stop NCAP Coalition

Pinasusupinde ng Land Transportation Office (LTO) ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga lokal na pamahalaan ayon sa inilabas nitong memorandum noong Agosto 12. Pinapayagan na ring magparehistro ang mga pribado at pampublikong sasakyan na napatawan ng multa dahil sa violations NCAP.

Nagbunyi ang sektor ng transportasyon sa pagsususpindi sa polisiya na ayon sa Stop NCAP Coalition ay nagiging pamamaraan para lalong gipitin ang mga motorista at transport operator sa pamamagitan ng labis-labis na multa.

“Imbis na pagtuunan ng prayoridad at pondo ng lokal at ng pambansang pamahalaan ang pagsasaayos ng sistema ng trapiko sa bansa upang mas makaiwas sa mga paglabag ang mga motorista at maging mas ganap na ligtas ang mga pasahero at ang mamamayan sa kalsada, inuuna pa nilang maningil nang labis-labis at pagkakitaang parang negosyo ang pamamalakad sa transportasyon,” sabi ng Stop NCAP Coalition. 

Hindi din umano mareresolba ng labis-labis na mga multa ang sistematikong problema ng bansa sa trapiko at transportasyon.

“Tagumpay ito ng ating sama-samang pagkilos at pagtutol sa mga labis-labis na multa at pangmo-modus ng gobyerno sa ating mga kabuhayan! Patuloy pa nating palakasin ang ating panawagang itigil ang NCAP sa mga syudad at huwag patakbuhing parang negosyo ang pagpapatupad ng batas trapiko sa bansa!” pahayag naman ni Mody Floranda, pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Ang Stop NCAP Coalition ay binubuo ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela), Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Kongreso ng Mananakay, at iba pang grupo ng mga drayber, mananakay at manggagawa sa transportasyon.