FEATURED

Paano sukatin ang kahirapan?

,

Paano ba sinusukat ang kahirapan? Gaano ba dapat kahirap bago tawaging mahirap? Hindi ba’t kung ang isang pamilya ay hindi na nakakakain ng tama sa isang araw, sila ay masahol pa sa mahirap?

Sa P18, may mabibili nang pagkain ang isang tao ayon sa Philippine Statistics Authority. Para sa maghapon, P55.80 lang daw ang kailangan para sa pagkain.

Ito ang paunang resulta ng Family Income and Expenditure Survey 2021 ng PSA. Ginamit nitong batayan sa pagsukat ng kahirapan ng isang pamilya ang poverty threshold. 

Batay sa PSA, “food threshold” ang sapat na kitang kinakailangan sa panggastos ng makakain batay sa itinakdang nutritional requirements ng Food and Nutrition Research Institute para maging isang produktibong indibidwal. Samantala, ang kabuuang gastusing kailangan para tugunan ang iba pang pangangailangan (non-food needs tulad ng pananamit, kuryente, tubig at iba pa) ay ang poverty threshold. 

Sa ganitong batayan, tinataya ng gobyerno na ang pamilyang may kabuuang kita na P12,030 kada buwan ay hindi na maituturing na mahirap. Ang kailangan lang daw gastusin para sa lahat ng pangangailangan ay P80 bawat tao o P400 para sa buong pamilya.

Ayon kay Doods Gerodias, tagapangulo ng Association of Democratic Labor Organizations (ADLO), insulto ang ganitong tala ng gobyerno para sa mga minimum wage earner na sumasahod ng P570 sa Metro Manila, at mas mababa pa sa mga probinsiya.

“Ulcer at malnutrisyon ang aabutin ng mga pamilya ng manggagawang Pilipino! Para sabihin ng gobyerno na sapat ito, dapat subukan nilang kumain ng dise-otso pesos kada isang kain. Tingnan natin kung ni-tuyo ay may mabili pa sila,” aniya.

Halimbawa, ang pagkain sa mga karinderya na karaniwang nasa P40-P50 kada order ng ulam, at P10-P12 naman ang kanin. Dito pa lang, imposible nang mapagkasya ang kinuwenta ng PSA.

“Walang Pilipinong magsasabi na mayroon silang otsenta pesos at hindi na sila mahirap,” ayon kay Sonny Africa, ekonomista at executive-director ng Ibon Foundation, sa programang Facts First.

Batay sa naturang survey, nasa 18.1% o 19.9 milyong Pilipino ang naghihirap. Maliit kung tutuusin dahil napakababa ng batayan ng panukat, lalo na sa harap ng pagratsada ng taas-presyo ng bilihin, pang-ekonomikong krisis, at mga dagdag-buwis.

Ani Africa, kailangang iwasto ng pamahalaan ang pagtatakda nito ng poverty threshold upang magkaroon ng tamang pagbilang sa mga Pilipinong naghihikahos sa pang-araw-araw na gastusin

Epekto ng datos

Hindi lang ulat sa papel ang mga datos ng pamahalaan. Ginagamit din itong batayan sa pagdidisenyo ng aktuwal na programa tulad ng conditional cash transfer, pagtatakda ng mga benepisyaryo ng 4Ps, at mga pautang ng gobyerno ayon kay Africa.

Bagamat may ganitong mga programa kontra-kahirapan ang gobyerno, hindi naman aniya ito mga solusyon sa pagsugpo ng kahirapan.

“Hindi natutumbok ang problema sa kahirapan. Talagang kutkot lamang at napakaliit ng binibigay na solusyon. Kaya sa ilang dekadang nakalipas, nananatili talaga yung sobrang daming bilang ng mahihirap,” sabi niya.

Poverty threshold ang ginagamit na pamantayan sa pagtatakda ng minimum na sahod. 

Kaya naman matagal nang isinusulong ng mga manggagawa, mananaliksik at mga progresibong organisasyon, na gawing batayan sa pagtukoy ng antas ng kahirapan ang Family Living Wage (FLW) o halaga ng nakabubuhay na sahod.

Ibon na lang ang natitirang nagkukwenta ng FLW mula nang itigil ito ng gobyerno. Sa kanilang pagtaya, nasa P1,087 kada araw o o P25,500 kada buwan ang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay ng maayos at marangal. Wala pa sa kalahati nito ang itinakdang poverty threshold ng PSA.

Kabilang sa kinukwenta ng Ibon sa FLW ang sapat na gastusin para sa pagkain, transportasyon, kuryente, tubig, at iba pa.

FLW ang batayan ng mga manggagawa sa paghingi ng dagdag-sahod at sa panawagan nilang pagtatakda ng National Minimum Wage. 

Sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, tatlong barya-baryang dagdag sahod lang ang naipatupad. Ayon sa Ibon, mula 2016 hanggang 2018, P46 ang kabuuang dalawang yugtong dagdag-sahod. Nasundan ito ng karagdagang P33, sa total na P570 sahod sa NCR. Ito ang pinakamabang pagtaas ng sahod sa lahat ng naupong administrasyon mula nang mapatalsik si Ferdinand Marcos Sr.

Samantala, wala pang pahiwatig ng dagdag-sahod ang bagong administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain, produktong langis at iba pang batayang pangangailangan ng mga pamilya ng manggagawa habang ang sahod ay kakarampot. Imbis na maglikha ng mga patakaran at programa upang masolusyunan ito, mas pinipili ng gobyerno na linlangin ang mamamayan sa pagsasabing kakaonti na lang ang naghihirap sa bansa at nakakasapat na ang P12,030 na kita,” sabi ni Gerodias.

Hamon sa pamahalaan

Hindi rin kapani-paniwala para kay Africa na ang natitirang bahagi ng P80, matapos ibawas ang pangkain, ay sasapat sa iba pang pangangailangan.

“Yung balanse [sa P80], ina-assume [ng pamahalaan] na okay na yun sa ibang pangangailangan na walang pagbaybay kung magkano na ba ang upa ngayon, yung tubig, kuryente, pamasahe,” aniya.

Nakabatay sa 4.4% na inflation rate noong Abril ang huling FLW ng Ibon. Ngayong buwan, nasa 6.4% na ito at tiyak may malaking epekto sa bulsa ng mamamayan lalo’t nagbabalik na ang face-to-face na klase na nangangailangang gastusan ng pamasahe, pagkain, at kagamitan sa eskuwela.

“Habang pinapanatili ang ganyang klaseng sistema ng napakababang bilang ng kahirapan, talagang masyadong maliit yung tingin sa problema,” ayon kay Africa.

Hamon niya sa gobyerno ni Marcos, maging makatotohanan sa tunay na kalagayan ng kahirapan sa bansa lalo na kung ambisyo nitong pababain sa 9% ang poverty rate ng bansa. 

Kung gagamitin ng gobyerno na sukatan ng kahirapan ang FLW, lumalabas na nasa 50% hanggang 70% talaga ng mga Pilipino ang naghihirap ayon sa Anakpawis Partylist. Sa datos kasi ng gobyerno, hindi maikokonsiderang mahirap ang minimum wage earners kahit ang totoo’y kapos nakapos ang sahod sa pangangailangan. Epektibo umano ang paggamit ng FLW sa ibang bansa sa pagpapababa ng kahirapan.

“Sa ganitong sistema pa lang ng identification ng problema ay may problema na mismo, kaya doomed na walang akmang solusyon para sa poverty. Kaya huwag magtaka ang mamamayan kung bakit ang mga patakaran at programa ay hindi tumutugon sa mga kagyat na isyu tulad ng inflation, mataas na presyo ng pagkain at produktong langis, mataas na gastos sa pagsasaka at pangingisda,” sabi ni Ariel Casilao, tagapangulo ng Anakpawis.

Ipinanawagan naman ng ADLO-KMU na ipasa na ang P750 National Minimum Wage Bill at gamitin ng gobyerno ang pagkuwenta sa FLW para sukatin ang tunay na bilang ng naghihirap sa bansa.

Para sa Bagong Alyansang Makabayan, malabong makamit ng kasalukuyang administrasyon ang ambisyon nito kung may karagdagang singil sa buwis, mataas ang inflation rate at presyo ng langis, at lumolobo ang bilang ng walang trabaho.

“Tila mananatiling pangarap ang pagpawi ng kahirapan sa ganitong umiiral na kalakaran,” ayon sa grupo.