Disenteng trabaho? Laban para sahod, trabaho at karapatan ng manggagawang Pilipino

Disenteng trabaho?
Laban para sahod, trabaho at karapatan ng manggagawang Pilipino

September 11, 2022

Tuwing Oktubre 7, ginugunita ang World Day for Decent Work. Noong nakaraang taon, nanawagan ang International Trade Union Center (ITUC) sa mga gobyerno na tiyakin ang makatarungang trabaho. May 255 milyon ang nawalan ng trabaho noong 2020 dahil sa pandemya at nanganib pa na mawalan ng trabaho ang dagdag na 130 milyon. Pinagtibay ng International […]

Tuwing Oktubre 7, ginugunita ang World Day for Decent Work. Noong nakaraang taon, nanawagan ang International Trade Union Center (ITUC) sa mga gobyerno na tiyakin ang makatarungang trabaho. May 255 milyon ang nawalan ng trabaho noong 2020 dahil sa pandemya at nanganib pa na mawalan ng trabaho ang dagdag na 130 milyon.

Pinagtibay ng International Labor Organization (ILO) at Pilipinas ang Decent Work Country Programme Philippines 2020-24 noong 2020. Sumang-ayon dito ang Department of Labor and Employment (DOLE), mga manggagawa at maging mga employer.

May tatlong prayoridad o uunahin umano ang programa:

Natupad ba ng gobyerno ang disenteng trabaho?

Sasukatang kung ang trabaho ay nababayaran at sustenable, may respeto sa karapatan at may proteksyong panlipunan, bigo ang pamahalaan.

Ayon sa Labor Force Survey (LFS) noong Hunyo 2022, halos 50 milyon ang bilang ng lakas-paggawa sa Pilipinas. Hindi pa bilang dito ang lahat ng pwedeng magtrabaho edad na 15-64, na 68.6 milyon ng populasyon. Mahigit 18 milyon na agad ang hindi binilang. 

May 75% ng Senior High School ang gustong magkolehiyo at nasa 10% lamang ang handa nang magtrabaho. Ngayong taon, may 1.6 milyon ang magtatapos sa kolehiyo. Mahigit 10 milyon kabataan naman ang wala sa paaralan.

Halos siyam na milyon ang wala (2.99 milyon) at kulang (5.89 milyon) ng trabaho ayon sa gobyerno. Ayon naman sa sarbey ng Social Weather Station noong Hunyo 2021, umabot sa 13.5 milyon ang walang trabaho.

Sa pagpapanatili pa lamang ng trabaho, bigo na ang gobyerno, lalo namang bigo ito sa paglikha ng bagong empleyo. Pamalagian at lumalaki ang bilang ng wala at kulang ng trabaho sa bansa. Malaking bilang tuloy ang naghahanap ng trabaho sa ibayong-dagat bilang OFW (tinatayang mahigit dalawang milyon). Nasa $34.88 bilyon ang remitans nila noong 2021. Kung ikukumpara, negatibong $47.36 bilyon ang pagkalugi ng bansa sa kalakalan noong 2021 (mas malaki ang importasyon kaysa kinita sa export).

Malaking epekto ito ng pagiging atrasado ng Pilipinas sa pagsakal ng dayuhang mga korporasyon at bangko. Baon sa pautang ang bansa. Umaasa sa dayuhang pamumuhunan, gayong matumal ang negosyo sa buong mundo. Nakatali ang produksyon sa dayuhang pamilihan. Pinapatay ang trabaho sa agrikultura sa pagpasok ng mga imported na bilihin.  Naghihingalo rin ang mga lokal na industriya at serbisyo. Ang resulta: walang disenteng trabaho.

Anong klaseng trabaho mayroon?

Halos 29 milyon ang sahuran at suwelduhang manggagawa batay sa LFS. Kabilang dito ang 22.5 milyong manggagawa sa pribadong sektor. Nasa 1.6 milyon naman ang nagtatrabaho sa gobyerno, ayon sa pagtaya ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang pasahod sa pribadong sektor, pinira-piraso sa mga rehiyon.  Mula 1989, wala nang nakatakdang iisang sahod para sa buong bansa. Pinakamataas ang P570 na arawan sa NCR samantalang nasa P1,087 ang family living wage (FLW) o arawang sahod na kailangan para sa pamilya na may limang katao ayon sa pagkuwenta ng Ibon Foundation. Hinahabol ng mga manggagawa na ibalik ang pagtatakda ng National Minimum Wage at ibatay ito sa FLW.

Patapos na sa 2023 ang Salary Standardization Law (SSL) sa mga empleyado ng gobyerno. Panibagong antas ng pasuweldo ang pinag-aaralan kabilang ang sa mga guro at nars. Hiwalay ang antas ng suweldo sa mga pulis at sundalo. Hiling ng mga kawani ng gobyerno ang di-bababa sa P25,000 na buwanang suweldo.

Sa mga sahuran at suwelduhan, lumaganap ang kontraktuwal na paggawa.  Lumiliit ang regular na trabaho at dumarami ang kontraktuwal, mga “endo” (end of contract) o “5-5-5” (paulit-ulit na kontratang limang buwan) na hindi nareregular. Sa mga kawani ng gobyerno, daang libo ang job order o contract of service lang. Nanganganib pa ang tanggalan sa itinakdang “rightsizing” na patakaran ng bagong administrasyon.

Kahit sa “gig economy”, walang kaseguruhan sa trabaho. May 1.3 milyong nagtatrabaho sa mga kumpanyang Business Processing and Outsourcing (BPO).  Mahigit kalahating milyon naman sa food delivery at courier service.

Ito ang nagtulak sa Makabayan Bloc sa Kongreso na ihain ang House Bill 2173 na layong magbawal sa lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon, empleyo na may pirmeng pagtatapos, job contracting at tuwirang pag-empleyo ng kontraktuwal. Itinuturing sa panukalang batas na unfair labor practice ang mga nabanggit. 

Ginagalang ang karapatan sa paggawa?

Ayon sa ILO, may limang pundamental na karapatan ang manggagawa:

Tinataya ng ILO na may 600 unyon sa bansa. Ayon naman sa Bureau of Labor Relations (BLR), mahigit 100,000 ang mga samahang manggagawa, na karamiha’y asosasyon na may 2.5 milyong kasapian. Wala pang 10% ng mga manggagawa ang may unyon.

Sa ulat ng BLR noong 2021 , may 807 collective bargaining agreement (CBA) na umiiral saklaw ang 185,539 na manggagawa.

Imbes na igalang ang karapatang mag-unyon at CBA, ginigipit pa ng estado at mga kapitalista ang mga unyon. Nariyan ang pananakot, tanggalan, hanggang tahasang pagpatay.  Ginagamit pa ngayon ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para paratangang terorista ang mga unyonista.

Sa mga export processing at special economic zone na dayuhan ang namumuhunan, ipinapatupad ng kapulisan at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang Joint Industrial Peace and Concern Office (JIPCO) at Alliance for Industrial Peace Program.

Ginagawa ito para supilin ang pagtaas ng sahod at katiyakan sa trabaho nang sa gayo’y mapalaki pa ang napipigang tubo mula sa paggawa.

Ano ang dapat gawin?

Ang karapatan, mananatiling nakalista sa papel kung hindi gagamitin.  Magkakaroon lamang ng karapatan na mag-unyon ang manggagawa kung gagamitin ang karapatang mag-unyon na hindi agad nabibisto ng kapitalista.  Kapag handa na, kailangang humarap ang unyon sa management para sa aktuwal na negosasyon at paglaban. Sa pamamagitan lang nito magkakaroon ng CBA at pagpapahusay ng kalagayan sa pabrika.

Nabubuo ang lakas ng manggagawa sa sama-samang pagkilos sa lokal, panrehiyon, pambansa at pandaigdigang antas.  Sa ngayon, magkatuwang ang iba’t ibang unyon, pederasyon at sentrong unyon para igiit ang batayang mga kahilingan sa sahod, trabaho at karapatan.

Pagkakataon ang High Level Tripartite Mission ng ILO sa Pilipinas para imbestigahan, ituwid ang mga paglabag, at magbuo ng totohanang plano para sa decent work. Hamon ito ngayon sa bagong administrasyon.

Sa pangmatagalang tanaw, kailangan ang reporma sa ekonomiya, agrikultura at industriya ng bansa na magbibigay ng empleyo at maunlad na kabuhayan sa lahat. Kailangan ang isang gobyernong gumagalang, hindi lumalabag, sa mga karapatan. Hangga’t wala nito, walang disenteng trabaho ang manggagawang Pilipino.

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.