Usapang Kawani

Pakikibaka ng mga kawani at ang pambansang badyet


Mahalagang mas pag-ibayuhin ang paglaban nating mamamayan para sa sahod, trabaho at karapatan. Puspusan tayong magmulat, magorganisa at makibaka. Sabi pa nga, kung hindi tayo kikilos ay sino ang kikilos para sa atin?

Pakikibaka ng mga kawani at ang pambansang badyet

Sahod, trabaho at karapatan, ipaglaban!  Ito ang panawagan ng mga kawani at manggagawa. 

May batayan sa Saligang Batas ng Pilipinas ang mga panawagang ito: “Dapat garantiyahan [ng Estado] ang mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang naaalinsunod sa batas. Dapat na may karapatan sila sa katatagan sa trabaho, sa makataong mga kalagayan sa trabaho, at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.” (Art. XIII, Sek. 3 – Katarungang Panlipunan at mga Karapatang Pantao)

Obligasyon ng estado ang seguruhing matamasa ng mga kawani at manggagawa ang mga karapatang ito. Ngunit malinaw na hindi natutugunan ng pamahalaan ang paggarantiya sa mga ito.

Sa pampublikong sektor, ang minimum na buwanang suweldo na P12,000 hanggang P13,000 ay napakalayo sa nakabubuhay na sahod ayon sa Ibon Foundation ay P32,000 kada buwan.

Ayon sa Inventory of Government Human Resource ng Civil Service Commission noong June 2022, may 769,398 kawaning walang kaseguruhan sa trabaho at 642,077 dito ay mga kontraktuwal na job order at contract of service (JOCOS) workers. Wala silang employer-employee relationship sa pamahalaan, no work-no pay at walang benepisyo.

Imbes na protektahan ang kanilang karapatan, isinusukli ng pamahalaan sa mga kawani ay panunupil tulad ng terrorist-tagging, pakikialam sa unyon sa pamamagitan ng disaffiliation, pagtanggal sa trabaho, pag-aresto at pagkulong batay sa mga gawa-gawang kaso at pamamaslang sa mga unyonista.

Neoliberal na batas at patakaran ang tugon ng pamahalaan tulad ng Salary Standardization Law 5 o Republic Act No. 11466 at Compensation and Position Classification System o Executive Order No. 150, Series of 2021 ni Duterte na barat at ‘di makatarungang patakaran sa pasahod; Joint Circular No. 2 ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) na imbes na gawing regular ang mga kontraktuwal ay gagawing sub-kontraktuwal; devolution, pribatisasyon, streamlining, merger, abolition, rightsizing at budget cut  na magreresulta sa malawakang tanggalan, lalo na ng mga kontraktuwal at kawalan ng serbisyo para sa mamamayan.  Ipinagbawal din ang karapatang magwelga sa mga kawani ng pamahalaan ng Memorandum Circular No. 6 ng Civil Service Commission (CSC).  

Dahil mga batas at patakaran ukol sa sahod, trabaho at karapatan ang dapat baguhin, isinusulong ng mga unyon ng mga kawani ang pagpasa ng mga panukalang batas na magtatakda ng pambansang minimum na sahod na P25,000 kada buwan, ang regularisasyon ng mga kontraktuwal at pagkilala sa karapatang magorganisa, makipagtawaran at magwelga.   

Pambansang badyet

Walang saysay ang mga batas at patakaran kung walang kaakibat na pondo. Mahalaga kung gayon ang makialam sa paghahanda ng mga ahensya sa kani-kanilang badyet at sa pagsasabatas ng pambansang badyet kada taon.

May apat na yugtong dinaraanan ang badyet ng pamahalaan: preparation, legislation, execution at accounting.   Sa unang yugto pa lamang ay ipinagkakait na sa mga unyon ang karapatang makialam sa pagbubuo ng badyet ng kanilang ahensya upang masegurong may badyet para sa kahingian ng mga kawani. 

Nasumite na ng Kongreso sa pangulo ang National Expenditure Program (NEP) ng administrasyon para sa taong 2023. Ito ang konsolidadong panukalang badyet ng mga ahensya ng pamahalaan na maaring lumaki o lumiit batay sa approval ng DBM at ng pangulo.

Dinidinig sa Kongreso ang badyet ng mga ahensya hanggang sa mabuo at maging batas o General Appropriations Act (GAA) sa pagpirma ng pangulo.

Sa P5.268 trilyong panukalang badyet sa NEP, makikitang prayoridad ng Marcos administration ang pagbabayad sa utang, para lang makapangutang muli, mga proyektong imprastraktura na mas pakikinabangan ng malalaking mamumuhunan at mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, badyet ng Tanggapan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo at ang pondo para sa militarisasyon at panunupil. 

Samantala, binawasan ang mga badyet para sa ayuda at serbisyong panlipunan.

Nagpoprotesta sa Kongreso ang iba’t ibang sektor dahil dito.  Ang pambansang badyet ay nagmula sa buwis ng taong bayan. Nararapat  lamang na makialam tayo upang ipaglaban ang ating interes.

Imbes na kilalanin ng pamahalaan, sinusupil pa ito sa pagtataboy ng kapulisan sa mga nagpapahayag at nagpoprotesta sa Kongreso.

Mahalagang mas pag-ibayuhin ang paglaban nating mamamayan para sa sahod, trabaho at karapatan. Puspusan tayong magmulat, magorganisa at makibaka. Sabi pa nga, kung hindi tayo kikilos ay sino ang kikilos para sa atin?