Balitang Global

50,000 marino, mawawalan ng trabaho


Mahigit 50,000 marinong Pilipino ang maaring hindi na makakasampa sa mga barko ng Europa kung hindi matutugunan ng Pilipinas ang mga istandard ng International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for the Seafarers (STCW).

Mahigit 50,000 marinong Pilipino ang maaring hindi na makakasampa sa mga barko ng Europa kung hindi matutugunan ng Pilipinas ang mga istandard ng International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for the Seafarers (STCW).

Nanganganib kasing pumalya ang Pilipinas sa ebalwasyon ng European Maritime Safety Agency (EMSA) hinggil sa pamantayan ng training ng mga marinong Pilipino ngayong taon. 

Ilan sa pinuna ng EMSA noong 2020 audit ang kakulangan ng training equipment, hindi angkop na patakaran sa pagtuturo at pagtatasa, at 46 pang areas of concern. Makailang ulit nang bumagsak ang Pilipinas sa pamantayan ng EMSA mula pa 2006, ngunit walang signipikanteng pagbabago sa kurikulum ng mga paaralang pangmarino sa bansa.

“Mahalagang hindi tayo ma-alarma dito dahil hindi tayo bumagsak sa audit,” katuwiran ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista. Aniya, nasa ilalim daw ng partial compliance ang Pilipinas sa SCTW. Sa kabila nito, nananatili ang pagkaalarma ng ibang grupo ng mga marino at Overseas Filipino Workers.

“‘Wag niyong paikutin ang mga marino! Kahit anong pagpapaikot ang gawin ng DOTr at Maritime Industry Authority (Marina), isang bagay lang ang malinaw, nanganganib ang kabuhayan ng mga marinong Pilipino bunsod ng kapalpakan, kapabayaan, at pag-abandona ng estado sa kanilang kapakanan,” sagot naman ni Engr. Xavier Bayoneta, tagapangulo ng Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), sa pahayag ni Bautista.

Dagdag pa ni Bayoneta, pangunhing dahilan ng pagpalya sa EMSA ng Pilipinas ang pagsasapribado ng maritime education. Sa 76 kasi na unibersidad na mayroong maritime program sa bansa, 58 ang pribado. Ayon pa sa datos ng CSP, nagkakahalaga ng P83,395 ang singilin para sa mandatory trainings ng Commission on Higher Education (CHED), ngunit ang lahat ng ito ay hindi pumasa sa pamantayan ng EMSA. 

“Hanapbuhay ng 20% ng kabuuang bilang ng seafarers ang nakataya dito kaya’t bigyan niyo kami ng konkretong solusyon! Ano ang plano niyo para ayusin ang kurikulum ng mga maritime schools? Para saan ang binabayaran ng mga marino sa mga mandatory trainings kung hindi naman pala ito pasado sa pandaigdigang pamantayan?” sabi ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Philippines.

Ayon naman kay Bayoneta, matutugunan lamang ang mga problemang kinakaharap ng mga marinong Pilipino kung seryosong haharapin ng administrasyon ang pagbuhay sa industriya ng pagdaragat sa bansa. 

“Kailangang mag-comply ang gobyerno ng Pilipinas sa mga requirements ng EMSA sa pinakamadaling panahon. Dapat gawing libre, abot-kamay at de-kalidad ang edukasyon ng mga seafarers. Sa pinakakagyat, ipatupad ang Magna Carta ng mga seafarers na magtitiyak ng karapatan, proteksiyon, at kaligtasan natin,” aniya.

Hanggang ngayon ay walang sagot ang Marina sa mga pahayag. Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. naman ay nag-utos sa mga apektadong ahensiya na lumikha ng isang joint implementation plan bilang tugon, ngunit wala pa ring konkretong aksyon ang nakikita sa nalalapit na taning ng EMSA.