Ellala Love It! FEATURED

Ang ipinagbawal sa Dinagyang


Muling ipinagdiwang nitong Enero ang “face-to-face” na Dinagyang Festival sa Iloilo. Tatlong taon ding nahinto ang isa pinakamalaking pagtitipon sa Pilipinas.  Nagbalik ang makukulay na parada at pagtatanghal ng mga deboto ni Sto. Nino. Tampok. Nagkaroon muli ng “Kasadyahan sa Kabanwahanan” na paligsahan ng walong tribu sa Iloilo Freedom Grandstand.  Pero sa pagbabalik ng Dinagyang, […]

Muling ipinagdiwang nitong Enero ang “face-to-face” na Dinagyang Festival sa Iloilo. Tatlong taon ding nahinto ang isa pinakamalaking pagtitipon sa Pilipinas. 

Nagbalik ang makukulay na parada at pagtatanghal ng mga deboto ni Sto. Nino. Tampok. Nagkaroon muli ng “Kasadyahan sa Kabanwahanan” na paligsahan ng walong tribu sa Iloilo Freedom Grandstand. 

Pero sa pagbabalik ng Dinagyang, isang bagay ang wala, signal!

Nagpatupad ng malawakang signal shutdowns na kinainisan ng mga lokal na residente at mga turista.  Apektado ang mga bayan ng Leganes, Pavia, San Miguel, Santa Barbara, Tigbauan, at maging isla ng Guimaras.  Walang signal mula 6 ng umaga hanggang 2 ng hapon, at 6 hanggang 9 ng gabi. 

Hindi malinaw sa mga residente kung bakit ipinatupad ang signal shutdown, maging sa mga bayan na malayo sa pagtitipon.

Naapektuhan ang transaksyon at electronic payments ng mga negosyo. Naabala rin ang mga turistang nagkahiwa-hiwalay sa pagtitipon.  Disbentahe naman ito sa mga emergencies na di makakapaghintay sa window hours ng signal. 

Ang pagpatay ng signal ay bahagi ng kakaibang pagahihigpit para sa kapistahan. Ang pinaghihigpitan kasi, hindi naman ang hawahan ng Covid-19 o ang mga banta sa seguridad at kaligtasan ng mga nakipiyesta.

Inutos ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na ipinagbawal ang mga pulitikal na pamamahayag sa naturang kapistahan sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 009.

Dinarayo aniya ng mga turista ang Dinagyang dahil sa pagiging isang kultural at relihiyosong pagtitipon nito. Hindi daw akma ang pulitikal na propaganda at kritisismo laban sa gobyerno sa anumang porma. Bawal din ang mga “pulitikal na kulay” ayon sa EO.

Malinaw sa Konstitusyon ng Pilipinas na walang batas na dapat ipatupad na magbabawal sa malayang pamamahayag.

Karaniwan nang nagiging pagkakataon ang Dinagyang para sa mamamayan ng Iloilo na maglahad ng kanilang mga lehitimong panawagan sa  pamamagitan ng “Sadsad”  o parada. 

Karaniwan nang nagiging pagkakataon ang Dinagyang para sa mamamayan ng Iloilo na maglahad ng kanilang mga lehitimong panawagan sa  pamamagitan ng “Sadsad”  o parada. 

Pero ang kataka-taka, habang pinagbabawalan ang mga “propaganda” na pulitikal ng karaniwang mamamayan, pinahintulutan naman ng lokal na pamahalaan ang bulgar na red-tagging at black propaganda ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). May booth pa na tadtad ng mga karatulang “buwagin ang CPP-NPA-NDF.” Di ba’tpulitikal na slogan din ito? At lalo namang hindi naaakma sa okasyon. 

Pumarada rin ang sundalong naka-full battle gear, may tangke pa na tila lulusob sa giyera!  Pero ang “show of force” na ito ay may mistula namang pananakot sa sinumang magtatangkang magpahayag sa Dinagyang. 

Ipinagbawal sa Dinagyang ang malayang pamamahayag. Ipinagbawal ang mga pahayag laban sa korupsiyon, paglabag sa karapatang pantao, at pagsira sa kalikasan. 

Mas maganda sana kung tinutukan na lang ng lokal na pamahalaan ang mga lantad na kakulangan sa kapistahan gaya ng mga hakbang kontra-Covid at pagkontrol sa tambak ng basura at paggamit ng plastik.

Dapat mas hinikayat pa nga ang malayang pamamahayag na makakatulong na maibida ang mga lokal na produkto ng Iloilo, pangangalaga sa kalikasan at paggalang sa karapatan ng mga katutubo, gayundin ang pagkatuto mula sa kasaysayan.

Ang diwa ng Dinagyang ay hindi lamang kasiyahan para sa mga turista.  Kumikiling ito sa masiglang paglahok ng komunidad at pagpapatampok sa kultura at ekspresiyon ng mamamayan.