FEATURED

Distressed OFWs, walang maasahang tulong sa gobyerno


Sa bawat kaso ng pagpatay, deployment ban ang tugon ng gobyerno ng Pilipinas. Ngunit paglipas ng ilang buwan, binabawi muli ng Pilipinas ang ban at pumapasok sa Memorandum of Understanding sa mga host country at muling umiikot ang siklo ng pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa.

Enero 21 nang matagpuan sa disyerto sa Kuwait ang katawan ni Jullebee Ranara, isang Pilipinang domestic worker na pinatay ng anak ng kanyang employer.

Ginahasa, binugbog, sinagasaan at sinunog si Ranara ng isang 17 taong gulang na Kuwaiti. Napag-alaman din na limang buwang buntis si Ranara sa panahon ng kanyang pagkamatay.

Nagkumahog ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na iuwi ang mga labi ni Ranara at bigyan ng financial at burial assistance ang kanyang pamilya sa Pilipinas.

Sa bahay ng pamilya ni Ranara sa Las Piñas City, itinukod ng OWWA ang isang tent na de-aircon upang paglamayan. Inilagay sa harap ang dambuhalang mga bulaklak mula sa mga pulitiko,tulad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Bise Presidente Sara Duterte, Dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga Villar.

Hindi nagpapapasok ng midya sa loob at hindi nagsalita sa publiko ang pamilya Ranara, liban sa isang maikling Tiktok video ni OWWA Administrator Arnel Ignacio kasama si Norlinda Ranara, ina ng yumao.

Ilang araw matapos ang libing ni Ranara, isinalang sa Senado noong Pebrero 8 ang pag-iimbestiga sa pagpatay. Inakusahan nina Senador Raffy Tulfo at Senador Joel Villanueva ang lokal na recruitment agency ni Ranara, ang Catalist International Manpower Services, sa palyadong pagmonitor ng kanyang sitwasyon.

Kahit nag-ulat si Ranara sa kanyang pamilya ng pang-aabuso isang araw bago siya pinatay, ipinagpipilitan ng recruitment agency na hindi sila nakatanggap ng anumang ulat. Dahil sa pagkamatay ni Ranara, suspindido ang lisensya ng recruitment agency.

Protesta ng mga Migrante Philippines sa opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Larawan mula sa Migrante Philippines

Dismayado

Si Ranara ang unang overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Kasabay ng ulat na may mahigit 400 OFW na nagsisiksikan sa shelter sa Kuwait at daan-daang umuwing distressed OFW na hindi nakatanggap ng tulong mula sa OWWA, maraming organisasyon ang nagpahayag ng kanilang pagka-alarma.

“Napakabagal na ngang mag-rescue ng distressed OFWs mula sa abusadong employer, napakatagal pa magproseso ng gobyerno ng repatriation ng distressed OFWs. Kaya ang daming naiiwan na nakatengga sa mga shelter, lalo na ang mga hinuhuli sa Kuwait,” ayon kay Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan deputy spokesperson Rechilda Dioneda.

“Ang sinasabi pa ng gobyerno natin, nasa 400 lang ang nasa shelter. Hindi po totoo ‘yon. Hindi pa kabilang dito ang mga nasa shelter sa Sweik, Jeleb, Jeleb Talha at Amaia,” dagdag ni Dioneda.

“Karamihan, walang sapat na [espasyo na] matulugan. ‘Yong iba po, nakatayo dahil walang mahigaan. Napakarumi ng shelter. Walang sapat na pagkain at tubig. Umiinom kami sa loob ng CR, kung saan naliligo, naglalaba at dumudumi rin kami. Marami ang nagkakasakit, nagrereklamo sa kalagayan, pero walang embassy na tumutulong.”

Ganito rin ang karanasan ni Roselyn, isang distressed OFW mula sa Saudi Arabia. Ayon sa kanya, lagpas 4,000 naman ang nagsisisikang OFW sa mga shelter sa Saudi. Halos naikot na niya ang lahat ng shelter sa Saudi nang isang taon bago makauwi ng Pilipinas.

Pagkatapos ng mabagal na proseso ng repatriation, hamon naman sa mga OFW ang pagkuha ng financial assistance mula sa OWWA.

“Hindi po ako nakatanggap ng financial assistance mula sa OWWA. Ni piso ay walang binigay sa akin,” ayon kay Sally, isang distressed OFW mula sa Kuwait na umuwi ngayong taon. “Ako ay binugbog ng aking amo, hindi pinasahuran at umuwi nang walang-wala.”

“Kapag may camera at andiyan ang mga opisyales ng DMW at OWWA, tila mabilis ang serbisyo at nabibigay ang ayuda. Pero kapag wala sa harap ng camera at sila ay naiwan nang nag-iisa sa repatriation center, tila napakahirap maabutan ng tulong,” ayon kay Migrante Philippines chairperson Arman Hernando.

Kafala system

Isa lamang si Ranara sa dumaraming bilang ng mga OFW sa Kuwait na naging biktima ng pang-aabuso, panggagahasa at pagpaslang.

Noong 2018, natagpuang halos dalawang taon nang nakatago ang mga labi ni Joanna Demafelis sa isang freezer. Dagdag din ang kaso ni Constancia Dayag noong 2019 na biktima ng pambubugbog, sekswal na abuso at pagpatay.

“Bakit ba may matinding pang-aabuso sa mga kababayan natin sa Gitnang Silangan? Isa ang umiiral na Kafala system o ang modern-day slavery,” wika ni Migrante International chairperson Joanna Concepcion.

Sa ilalim ng Kafala system, tali ang work visa at immigration status ng isang migranteng manggagawa sa kanyang employer. Hindi nito kinikilala bilang manggagawa ang mga domestic workers—kaya’t tinatrato sila bilang mga katulong na walang karapatang magsampa ng labor dispute o sumali sa unyon.

Dahil walang boses ang mga domestic worker sa Gitnang Silangan, napipilitan silang gumampan ng trabaho na umaabot ng 14 oras kada araw, hindi nakatatamasa ng rest day o sick leave at lubhang bulnerable sa pisikal, mental at sekswal na pang-aabuso.

“Sinasabi ng Philippine government na Kafala system lang ang dahilan kung bakit inaabuso ang mga OFW, ngunit hindi ito ang ugat. Lagpas pa dito, ang mekanismo at patakaran ng Pilipinas na tiyakin ang kapakanan ng OFW ay lubhang kulang,” ani Concepcion.

Si Arman Hernando ng Migrante Philippines kausap si OWWA Administrator Arnel Ignacio. Larawan mula sa Migrante Philippines.

Deployment ban

Sa bawat kaso ng pagpatay, deployment ban ang tugon ng gobyerno ng Pilipinas. Ngunit paglipas ng ilang buwan, binabawi muli ng Pilipinas ang ban at pumapasok sa Memorandum of Understanding sa mga host country at muling umiikot ang siklo ng pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa.

“Dapat bang magpatawag ng deployment ban sa Kuwait? Sa karanasan, hindi ito ang sagot. Ilalagay nito sa panganib ang kabuhayan ng milyong OFW na nasa labas ng bansa at may panganib din sa mga lalabas ng bansa. Ang sagot dito—seryosohin ang paglikha ng trabaho sa Pilipinas para wala nang mag-OFW,” wika ni Concepcion.