Panagutin ang mga dumukot kina Armand at Dyan


Dalawang linggo matapos ang pagdukot kina Armand Dahoya at Dyan Gumanao, nanawagan ang mga human rights defender na panagutin ang mga dumukot sa dalawa.

Sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha, mga organisador ng pampublikong sektor mula sa Region VII sa solidarity night para sa kanila. Larawan mula sa Mayday Multimedia.

Dalawang linggo matapos ang pagdukot kina Armand Dahoya at Dyan Gumanao, nanawagan ang mga human rights defender na panagutin ang mga dumukot sa dalawa.

Dinampot ng mga nagpakilalang pulis ang sina Dayoha at Gumanao sa Pier 6 ng Port of Cebu noong Enero 10. Piniringan, ginapos ang mga kamay ng zip tie at pilit na isinasakay sa isang sasakyan ang dalawa.

Nailantad ito nang i-post ang isang video sa social media ng isang saksi at umani ng simpatiya at suporta para sa mga dinukot mula sa mamamayan.

“Ang takot, pangamba at ang pag-aakalang katapusan na namin ay naibsan ng dahil sa labis na suportang aming natamo mula sa mga ordinaryong mamamayan, netizens, mga kasamahan sa organisasyon at pamilya. Kung hindi dahil sa kanila wala sana kami ngayon,” wika ni Dayoha.

Bago ang pagdukot, abala sina Dayoha at Gumanao sa planong pagpapakasal at pagaasikaso ng mga papeles.

“Naisip namin maaaring hanggang dito na lang ang aming relasyon kung kaya madalas dinadaan namin sa pagkanta bilang pag-angkop sa kalagayan at upang namnamin ang mga panahong kami ay magkapiling,” paliwanag ni Gumanao.

Nagpasalamat ang dalawa sa publiko, kapamilya at mga kasamahan na maagap at buong tapang na tumindig para sa kanilang kaligtasan. Ito rin ang nagudyok sa kanila na lumantad at ipagpatuloy ang laban para sa hustisya at panagutin ang mga dumukot sa kanila.

“Marami na ang naging biktima ng extra-judicial killings, pagaresto at pagkawala kung kaya’t kami na nagkaroon ng pagkakataong makaligtas ay patuloy na lalantad, magsasalita upang matigil na ang ganitong kalakaran,” sabi ni Gumanao.

Nagpahayag din ang kanilang mga magulang na ipagpapatuloy nila ang laban upang makamit ang hustisya sa paglabag sa karapatan ng kanilang mga anak.

“Sa katunayan, hinahangaan namin sila dahil walang masamang ipaglaban ang sahod ng mga manggagawa at organisahin sila at pumanig sa mga mahihirap at inaapi sa ating bayan at kami man bilang mga magulang ay natututo din sa kanilang ginagawa,” ani Sarah Dayoha.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang ama ni Gumanao na ligtas ang dalawa matapos ang insidente.

“Nagpapasalamat kami na buhay sila Dyan at Armand ngunit kabado man kami at galit sa sinapit nila hindi kami titigil hangga’t walang mananagot at mapaparusahan,” dagdag ni Danilo Gumanao.

Kinondena naman ng Alliance of Concerned Teachers at Alliance of Health Workers, kung saan kabilang sina Gumanao at Dayoha, sa nangyaring pagdukot sa dalawa.

Binigyang pugay naman ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang dalawa sa kanilang katapangang pinamalas at nagpaabot ng buong suporta sa pagpapatuloy ng pagigiit na panagutin ang mga may sala sa pagdukot.

Nagsampa na noong 2021 at 2022 ng mga reklamo si Gumanao sa Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng mga naranasang panghaharas at surbeylans. Nakapagsampa na rin ng bagong reklamo sa CHR hinggil sa nangyaring pagdukot.

Nagpaabot na din sa International Labour Organization na nagsasagawa ngayon ng high-level tripartite mission sa bansa na imbestigahan ang nangyari sa dalawa.

“Gagawin natin ang lahat upang makapagsagawa ng international at independent investigation matiyak lamang na makamit ang nararapat na hustisya at pagpapataw ng nararapat na kaparusahan sa mga may sala,” wika ni Karapatan secretary general Crisitina Palabay.