Ellala Love It!

Putaheng swak sa Valentine’s para sa mas mainit na pagsasama


Nais mo bang maging espesyal ang araw ng Valentine’s para sa iyong minamahal? Pero kulang naman ang badyet? Hindi kailangang bumili ng mamahaling regalo o kumain sa labas. Ang mahalaga ay galing sa puso. Maaari mo siyang ipagluto para mas nakakakilig.

oyster sisig
oyster sisig

Nais mo bang maging espesyal ang araw ng Valentine’s para sa iyong minamahal? Pero kulang naman ang badyet? Hindi kailangang bumili ng mamahaling regalo o kumain sa labas. Ang mahalaga ay galing sa puso. Maaari mo siyang ipagluto para mas nakakakilig.

Narito ang mga recipe na puwede ninyong pagsaluhan sa isang romantikong hapunan:

Spicy Oyster Sisig

Nagdudulot ng pagtaas ng endorphins—mga natural na kemikal na nagpapasaya at nagpapabuti sa pakiramdam—ang mga pagkaing maaanghang habang kilalang aphrodisiac (o pampagana) naman ang talaba. Maaari itong mabili nang mura sa palengke lalo na sa mga lugar na malapit sa dagat. Kung nasa Metro Manila ka, makakabili ka sa halagang P160 hanggang P180 kada kilo.

Simple at mabilis lang lutuin ito.

Mga sangkap:

  • Kalahating kilo ng talaba 
  • 2 cups ng harina
  • Asin at paminta ayon sa panlasa
  • Mantika
  • Isang malaking sibuyas
  • 2 pirasong siling labuyo (depende sa gusto mong anghang)
  • ¼ cup ng dahon ng sibuyas (hiniwa ng maliliit)
  • 1 cup all-purpose cream
  • 3 tbsp. mayonnaise
  • 1 tbsp. katas ng kalamansi 
  • Liquid seasoning o oyster sauce (opsyonal)
  • Paminta

Paraan ng pagluluto:

  1. Tanggalin sa shells ang talaba sa pamamagitan ng paglubog sa kumukulong tubig nang ilang segundo. Kapag bumuka na ito ay hanguin kaagad.
  2. Sa kalahating kilo ng talaba, kailangan ng 2 cups ng harina at mga pampalasa gaya ng asin at paminta. Balutin lamang ito sa mixture ng harina at iprito sa kumukulong mantika hanggang medyo matusta. Hanguin at patuluin ang sobrang mantika.
  3. Mula sa pinagprituhan ng talaba ay kumuha ng dalawang kutsarang mantika. Igisa rito ang sibuyas at siling labuyo. Idagdag ang dahon ng sibuyas, all-purpose cream at mayonnaise. Timplahan ng liquid seasoning o oyster sauce. Kung wala nito ay puwedeng asin na lang. Budburan ng paminta at ibuhos na ang katas ng kalamansi.
  4. Ihalo na ang pritong talaba sa sarsa at hanguin na sa apoy. Isalin sa plato o sizzling plate at lagyan ng hiniwang kalamansi at sili sa gilid. Budburan ng dahon ng sibuyas (opsyonal) bilang dekorasyon. Maari ring lagyan ng isang hilaw na itlog habang mainit pa ito.

Maganda sanang paresan ito ng red wine para maging mas romantiko. Pero dahil mahal ito, maaaring gumawa na lang tayo ng cocktail na mura na, masarap pa!

Love Potion Cocktail Recipe

Pangunahing sangkap dito ay lambanog. Dadagdagan natin ito ng basil na isa ring aphrodisiac. Ang taglay na bango nito ay nakakapagpataas ng mga hormones na pampasaya.

Paghaluhin lamang ang mga sangkap na ito:

  • 60 ml na lambanog
  • 10 ml na calamansi juice
  • Tatlo hanggang limang pirasong dinikdik na dahon ng basil
  • Pipino (apat na hiwa)
  • 10 ml na syrup o tinunaw na asukal
  • 50 ml na Sprite (opsyonal)
  • Yelo

Tandaan, ano man ang sarap ng pagkain, ang mas importante ay isang masayang kwentuhan sa hapag-kainan. Mahalaga ang pakikinig at pag-unawa sa isa’t isa. Nawa’y makatulong ang mga recipe na ito. 

Cheers para sa isang matagumpay na pagsasama!