Sama-sama nating ipagpatuloy ang kuwento


Hindi na kailangan pang purihin si Ronaldo Vivo, Jr. para sa “Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa.” Kung nais magagap ang saklaw ng kanyang husay magkuwento—mula sa umaatikabong pacing at makatotohanang dialogue, hanggang sa malapot na paglalarawan ng lugar at sa maagap na paglalatag ng karakterisasiyon—higit na epektibong basahin ang mismong akda kaysa ang pasakalye ng iba tungkol dito.

Book cover of Ang Bangin sa Ilalim ng Atng mga paa

Hindi na kailangan pang purihin si Ronaldo Vivo, Jr. para sa “Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa.” Kung nais magagap ang saklaw ng kanyang husay magkuwento—mula sa umaatikabong pacing at makatotohanang dialogue, hanggang sa malapot na paglalarawan ng lugar at sa maagap na paglalatag ng karakterisasiyon—higit na epektibong basahin ang mismong akda kaysa ang pasakalye ng iba tungkol dito.

Ngunit may ginagawa ang awtor sa aklat na ito na sinimulan niyang gawin sa naunang nobelang “Ang Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat” na nararapat balingan ng kritikal na atensyon: ang pagnonormalisa ng poot sa pulis. Ibayong pagkahalimaw ang ipinamamalas ng pulisya sa Bangin. Halos kasinghalimaw ng mga parak na gawa-gawa ni Vivo ang mga parak sa totoong buhay sa labas ng mga pahinang ito.

Sa pagiging sagad-sagaring tiwali ng mga pulis sa Bangin, nasasaklaw nito ang reyalidad na ang pulisya ay institusyon ng katiwalian. Kumbaga, hindi na kailangan pang umabuso ng kapangyarihan ang pulis; ang mismong pulisya—ang presensya nito, ang totalidad nito, ang pagkapulis nito—ay isa nang abuso ng kapangyarihan. Binuo ito bilang kalabisan. Binuo ito para manupil. Binuo ito para ipaalala sa taumbayan na hindi taumbayan ang nasa poder.

Hindi lamang sa pangingidnap, panggagahasa at pagtutulak ng droga sangkot ang mga pulis ni Vivo. Higit pa sa saad ng aklat ang kanilang krimen.

Sila rin ang mga pulis na dumaluhong sa agrarian reform beneficiaries ng Tinang at mga tagasuporta nito ilang araw bago inagurasyon ni Marcos Jr. bilang pekeng pangulo. Sila rin ang mga pulis na rumaket bilang death squad sa drug war ni Duterte. Sila rin ang mga pulis ni Macapagal-Arroyo na nangmasaker sa mga welgista ng Hacienda Luisita. Sila rin ang mga pulis na rumatrat sa mga raliyista sa Mendiola pagkatapak ni Cory Aquino sa Malacañang. Sila rin ang mga pulis ng diktadurang Marcos na kumitil ng 14 na buhay sa tubuhan ng Escalante. Sa sandaling maging pulis ang pulis, nasa kanya nang mga kamay ang dugo ng libong martir ng kasaysayan.

Samakatwid, ang katiwalian ng pulis ay pagiging pulis. Ang pagbuwag sa mga piket at protesta ay pagiging pulis. Ang paggiba sa tirahan ng maralita ay pagiging pulis. Ang pag-aresto sa mga magsasaka sa gitna ng alitan sa lupa ay pagiging pulis. Ang pagtatanim ng baril at granada sa bahay ng aktibista ay pagiging pulis. Ang pagbaklas sa unyon ng manggagawa ay pagiging pulis. Ang panre-redtag sa sinumang bumatikos sa pamahalaan ay pagiging pulis. Ang pagdakip at pagpaslang sa mga lider-manggagawa at lider-magsasaka ay pagiging pulis.

Samakatwid, ang katiwalian ng pulis ay pagiging pulis. Ang pagbuwag sa mga piket at protesta ay pagiging pulis. Ang paggiba sa tirahan ng maralita ay pagiging pulis. Ang pag-aresto sa mga magsasaka sa gitna ng alitan sa lupa ay pagiging pulis. Ang pagtatanim ng baril at granada sa bahay ng aktibista ay pagiging pulis. Ang pagbaklas sa unyon ng manggagawa ay pagiging pulis. Ang panre-redtag sa sinumang bumatikos sa pamahalaan ay pagiging pulis. Ang pagdakip at pagpaslang sa mga lider-manggagawa at lider-magsasaka ay pagiging pulis.

Ngunit hindi pulisya ang bangin sa ilalim ng ating mga paa. Tanod lamang sila ng estado—tau-tauhang may perpetwal na checkpoint sa gilid ng bangin para panatilihin itong nakanganga. Sila ang tagapagpatupad ng lohika ng naghaharing uri. Ang bangin ay bangin sa pagitan ng umaabuso at inaabuso, ang lumalapad na guwang sa gitna ng mayaman at mahirap, ang lumalalim na hiwang naghihiwalay ng manggagawa sa burgis, pesante sa panginoon, bayan sa imperyalista. Hangga’t ang estado ay estado ng nagsasamantala, ang pulisya ay puwersa ng nagsasamantala.

Sa isang banda, ang pagganti sa pulis ay tangkang gumanti sa estado. Kaya naman maaasahan ng mambabasa na magiging marahas ang hakbang ng mga bida. Tangan kasi nila ang buong bigat ng sistemikong karahasan ng pagbigwas sa estado. Hitik din sa simbolismo ang instrumentong kanilang ipinanghataw sa mukha ng kaaway tungo sa dulo ng aklat—pero hindi na marahil dapat pang tukuyin dito. Mapapangunahan lang ng komentaryo ang kuwento.

Sa kabilang banda, salat na ganti sa estado ang ganti lamang sa pulis, at kailanma’y hindi ganap ang ganti sa pulis hangga’t hindi ganap ang ganti sa estado. Mahalagang iturol ang galit sa pinaglilingkuran ng pulisya at iangat ang pagwaksi sa kontra-mamamayang karahasan ng estado patungong pagwaksi sa mismong mga sistemang kumukupit ng kita mula sa manggagawa, nagnanakaw ng lupa sa magsasaka at yumuyurak sa soberanya ng bansang anakpawis ang mayorya.

Ang punto lang naman nitong munting pasakalye ay, sa “Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa,” isinatitik ni Vivo ang dakilang pagnanasa ng api na gumanti, na lumaban pabalik, na bawiin ang kapangyarihang hindi naman talaga higit sa atin. Nag-aambag ito sa kolektibong pagtataguyod sa isang anti-pasistang kultura kung saan normalisado ang poot sa pulisya.

Sa panahon ng umiigting na pasismo, kagyat na tungkulin ng alagad ng sining na bigyang wangis ang gayong pagnanasa sa iba’t ibang anyo—kabilang ang isang nobelang may umaatikabong pacing, makatotohanang dialogue, malapot na paglalarawan ng lugar, maagap na paglalatag ng karakterisasyon. Bilang artista, tumugon si Vivo sa hamon ng panahon.

At nagpapatuloy ang kaniyang kuwento lagpas sa huling pahina. Naglingkod na ito sa bayan sa pamamagitan ng pagpukaw sa damdamin ng mambabasa. Bumubulwak palabas ng pabalat ang susunod na kabanata—ang kabanata ng pag-oorganisa, ang kabanata ng pagkilos. Ngunit hindi maaaring ipaubaya sa iisang awtor ang pagkatha nito. Sama-sama nating aakdain ang bukas.

Marahas ang estado at hindi natin ito mabubuwag mag-isa. Kailangang bawiin ang poder nang sama-sama, lumahok sa kilusang masa at tumindig sa hanay na magpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismong minamantini ng pulisya.