FEATURED

RCEP kapalit ng soberanya at makabayang pag-unlad


Sa loob ng 40 taon ng globalisasyon nanatiling bansot at atrasado ang lokal na industriya sa Pilipinas. Sa muling pagpasok ng bansa sa panibagong Free Trade Agreement (FTA) ikinababahala ng mamamayan na patuloy tayong maitatali sa makaisang-panig at makadayuhang pag-unlad.

RCEP protest

Niratipikahan sa Senado noong Pebrero 21 ang Senate Resolution No. 485 na magbibigay-daan sa pagpasok ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na isa sa pinakamalaking FTA sa mundo sa kasalukuyan.

Sa botong 20 pabor sa naturang resolusyon, pinaboran ng mga senador ang higit pang pagbubukas ng bansa sa dayuhang pamumuhunan habang pinananatiling bulnerable ang lokal na sektor ng ekonomiya laluna ang agrikultura at pagmamanupaktura. 

Ang RCEP ay isang kasunduan sa kalakalan na kinabibilangan ng 10 bansa na kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)—Singapore, Thailand, Vietnam, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar at Pilipinas—at mga bansang kasosyo nito sa FTA na Australia, China, Japan, South Korea at New Zealand.

Hindi maitatanggi na naging mahirap ang pag-unlad ng ating industriya sa loob ng 30 taong kasapi ang bansa sa iba’t ibang FTA.

Mula 1950s, bumulusok pababa ang bahagi ng pagmamanupaktura sa ating gawang produkto dito sa Pilipinas o gross domestic product (GDP). Tinamaan din ang ating agrikultura na nagtala ng pinakamababang bahagi sa ating GDP sa kasaysayan. Bumaba ito sa 9.2% ng GDP sa taong 2019 at 9.6% lamang sa taong 2021 ayon sa tala ng Ibon Foundation. 

Banta sa lokal na agrikultura

May mga nakitang masamang epekto sa agrikultura ang mga magsasaka sa pagpasok ng bansa sa RCEP.

Hindi handa ang sektor ng agrikultura sa pagbaha ng murang produkto mula sa ibang bansa. Bagaman may ilang produkto na kaya nating ilabas, karamihan sa ating napoprodyus ay para lamang sa lokal na merkado.

“Pagka sumali tayo sa RCEP free trade, inaasahan namin lalong lalaki ang mga papasok na agricultural products halimbawa gaya ng bansang Tsina na powerhouse agri exporter. Mahihirapan ang ating mga farmer,” pahayag ng dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor.

Matagal nang panawagan ng mga magsasaka na paunlarin muna ang lokal na agrikultura, sa pamamagitan ng pagbibigay ng lupa sa mahihirap na magsasaka at suporta para pataasin ang kakayahan sa pagpapalaki ng produksyon na lilikha ng mga batayan para makasabay sa pandaigdigang kalakalan. 

“At higit sa lahat dapat ang i-uphold at i-promote ay self-sufficiency policy at hindi food imports dependency policy,” ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano.

Panganib sa pangisdaan

Nababahala naman ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas (Pamalakaya) na magdudulot ng malalang problema sa lokal na sektor ng pangisdaan ang pagluluwag sa pag-aangkat, pagpapalit ng gamit ng lupa at pagpapaubaya ng aquaculture sa kamay ng pribadong korporasyon.

Ayon kay Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya, isang malaking kabalintunaan na nag-aangkat ng isda ang Pilipinas na isang kapuluan na napalilibutan ng mayamang karagatan.

“Lalala ang pag-aangkat ng produkto at papatayin nito ang local fishing industry kapag naratipikahan ang RCEP. Dagdag pa na hindi ligtas kainin ang mga imported na isda dahil sa kemikal na ginagamit upang manatiling sariwa ang isda sa loob ng 2 taon,” paliwanag ni Hicap.

Ayon sa grupo, nakapag-angkat na ang bansa ng 200,000 metriko toneladang galunggong at iba pang pelagic fish mula sa mga China, Vietnam at Taiwan sa pagitan ng 2018 at 2022 kahit na wala pa ang RCEP. 

Panawagan ng Pamalakaya na dapat bigyan ng pangunahing diin ang pagpapaunlad sa lokal na industriya sa halip na magpatupad ng mga patakaran sa ilalim ng import liberalization.

Atrasadong manupaktura

Mailalagay sa alanganin ang naghihingalong industriya ng bansa sa pagpasok ng gobyerno sa makaisang-panig na free trade agreement kagaya ng RCEP.

Ayon sa independent think tank na Ibon, dapat tayong pumaloob dito sa batayan na patas at mutwal na pagtutulungan para sa pakinabang ng mamamayang Pilipino, lokal na ekonomiya at hindi nagpapadikta sa malalaking dayuhang kompanya.

“The question is when you talk about market access, what is really the Philippines producing to be able to benefit from that market access? And we argue that is one of the issues that is being missed out by the proponent by RCEP,” ani Ibon executive director Sonny Africa sa isang panayam sa telebisyon.

Sa loob ng 30 taon ng FTA at 40 taon ng globalisasayon, hindi napatatag ng bansa ang pundasyon ng sariling ekonomiya. Bagkus, napahina at napigilan pa ang pag-unlad. 

Sa loob ng 30 taon ng FTA at 40 taon ng globalisasayon, hindi napatatag ng bansa ang pundasyon ng sariling ekonomiya. Bagkus, napahina at napigilan pa ang pag-unlad. 

“The share of production in the gross domestic product (GDP) fell from some 60% in the 1950s to only 39.2% in 2016. During the same period, agriculture declined from more than 30% to 9.2 percent. Manufacturing share also fell to 24.3% of GDP, aside from becoming increasingly dominated by foreign transnational corporations (TNCs),” pagsusuri ng Ibon noong 2017.

Habang nagmamadali tayo na tuluyang ibukas ang ating ekonomiya, nagpatupad naman ang mga bansang trade partner ng RCEP—Japan, China, Australia at India—ng mga protectionist measure o pagprotekta sa kanilang ekonomiya dahil sa global financial crisis noong 2008.

“A 2017 Global Trade Alert Report found that the G20 (Group of 20)—which is composed of the world’s largest and emerging economies, including said RCEP trade partners—have increasingly resorted to protectionist policies since the 2008 global financial crisis. The G7 (Group of 7) industrialized countries in particular accounted for a growing share of the G20’s protectionist measures,” ayon sa Ibon. 

“When [the government] talked about market access it is as if the Philippines has productive capacity to take advantage of those market access concessions being given. But the reality is Philippine production has collapsed to its lowest in at least 70 years in [the] case of manufacturing,” dagdag ni Africa.

Tubo at ganansiya ng dayuhan

Sa tulak ng Tsina, isang hakbang ang RCEP upang pangunahan ang pagtatakda ng mga patakaran sa kalakalan sa buong Asya ngayong ika-21 siglo. Isang hakbang upang tapatan ang paghahari ng Estados Unidos sa Asya at Pasipiko.

Ayon sa Thomson Reuters noong 2022, mapalalakas ng Tsina ang kanyang pamumunong pang-ekonomiya sa Asya-Pasipiko dulot ng RCEP. Mailalagak ng Tsina ang kanyang mga electronic equipment, machinery, textile at clothing dahil sa mababa o halos wala ng taripa sa mga produkto.

Kikita din ang bansang Japan sa RCEP. Nakikita ng bansa na lalago ang kanilang GDP ng 2.7% at lilikha ng 570,000 trabaho dahil sa kanilang mga kompanya at industriya na lumilikha ng electrical good and electronic products, machinery, automobile components at agricultural and food products.

Dahil sa matinding hidwaan ng mga bansa, partikular na ang Tsina at Amerika—para sa mapagkukunan ng murang hilaw na materyales at lakas paggawa at magpaglalagakan ng dayuhang kapital—nag-uunahan ang mayayamang bansa para sa tubo at ganansiya kapalit ng ating soberanya at tunay na makabayang pag-unlad.