FEATURED

Militarisasyon sa maralitang komunidad, paglabag sa karapatan


Pandarahas at panlilinlang. Modus ito ng mga sundalo sa Rodriguez, Rizal. Habang nire-red-tag at tinatakot ang mga kasapi ng lehitimong samahan, pinapangakuan naman ng pabahay ang “makikipagtulungan.” 

Militarisasyon sa maralitang komunidad, paglabag sa karapatan

Pandarahas at panlilinlang. Modus ito ng mga sundalo sa Rodriguez, Rizal. Habang nire-red-tag at tinatakot ang mga kasapi ng lehitimong samahan, pinapangakuan naman ng pabahay ang “makikipagtulungan.” 

Noong Marso 5 at 12, tinipon ang mahigit 1,000 residente ng Kasiglahan Village sa Barangay San Jose. Itinutulak ng 80th Infantry Battalion at Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-Elcac) sa pangunguna ni Romeo Quintana ang pagpapapirma sa “Katunayan ng Pagkakaisa” o “surrender” form. 

Dalawang dokumento ang pinaiikot. Nilalaman ng isa ang pagpapaamin sa may-lagda na siya ay “dating sumusuporta sa CPP-NPA-NDF.” Sa pangalawa naman ay hindi siya “kailanman sumuporta, susuporta.” Kaakibat nito ang pagsumpa ng katapatan sa gobyerno at obligasyong mag-ulat. 

Ayon kay Felipa Cheng ng Karapatan-Rizal, self-incriminating at inilalagay nito sa panganib ang buhay at seguridad ng mga pumirma. Dahil dito, maaari silang kasuhan kaugnay ng Anti-Terror Law. Wala ring kapangyarihan ang militar na tuparin ang pinapangakong pabahay, patubig, kuryente at ayuda kaya panlilinlang lang ito.

Ikinabahala naman ito ng mga residente. Naiulat ang dagdag presensya ng militar na nagbabahay-bahay.

“Pinuntahan ako ng [limang sundalo]. Kinumbinsi talaga nila ako magpirma doon sa withdrawal. Pero ang nakalagay doon ‘dating nagsusuporta ng CPP-NPA.’ Umalma ako doon,” ani ni Anna Fe Cainglet.

Pinupuntirya nito ang kasapian ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan, Kapayapaan (Sikkad-K3), Bayan Muna at Kadamay.

Matatandaang nanguna sila sa matagumpay na pag-okupa sa nakatiwangwang na lugar noong 2016 para igiit ang karapatan sa paninirahan. Mula noon, naging target na sila ng red-tagging at harassment. 

Noong Marso 7, 2021, pinaslang ang kasamahan nilang sina Mark Lee Bacasno at Melvin Dasigao sa operasyon ng PNP-AFP-SWAT. Tinagurian itong “Bloody Sunday Massacre” na pumatay sa walong aktibista sa Calabarzon. 

Ganito rin ang dinaranas sa ibang maralitang komunidad. Sa Hapilan at Aroma sa Tondo, Maynila, nasa 90 sundalo ng 11th IB ang nag-ikot. Hinahanap ang mga kasapi ng Gabriela at Kadamay. Habang nagbahay-bahay din ang 59th IB sa Sto. Tomas, San Isidro Sur. Gaya ng Kasiglahan, pinaglalaban din ng mga residente doon ang karapatan sa pabahay at serbisyo. 

“Kataka-taka na militar ang itinalagang kumausap sa mga residente ukol sa pabahay, sa halip na mga kinauukulang awtoridad. Tinitingnan ba bilang banta sa seguridad ang nagkakaisang komunidad na lumalaban para sa batayang karapatan?” sabi ng Kadamay.

Marami itong nilalabag na batas ayon kay Atty. Kathy Panguban ng National Union of People’s Lawyers (NUPL). “Unang-una, hindi sila dapat nandiyan. Hindi ito war zone,” aniya.

Labag din ‘di umano ito sa Konstitusyon. Isinasaad sa Article II, Sec. 3 na “awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw sa militar sa lahat ng panahon.”  Gayundin, nilalabag nito ang karapatan laban sa hindi makatuwirang paghahalughog, kalayaan sa pagpapahayag, mapayapang pagtitipon at pagpetisyon sa pamahalaan, at karapatan sa pagbubuo ng organisasyon.

Sa mga komunidad na may presensyang militar, pinapayo ni Atty. Panguban na kuwestiyunin ang kanilang awtoridad na maglunsad ng operasyon at magkaroon ng “Know Your Rights” discussion sa komunidad.

Napakahalagang alamin ang ating mga karapatan dahil ito ang armas laban sa pandarahas at panlilinlang.