FEATURED

Interagency committee para sa hinaing ng manggagawa, ‘tiyak na palpak’


Aprubado na ang paglikha ng isang interagency committee upang imbestigahan at resolbahin ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, ngunit wala ni isang kinatawan mula sa sektor ng paggawa ang magiging kasapi nito.

Laking gulat ng mga lider-manggagawa na hindi sila kasama sa pagbubuo ng interagency committee sa pagresolba ng iba’t ibang usaping paggawa sa bisa ng Executive Order (EO) 23, Series of 2023 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. isang araw bago ang Mayo 1.

Sabi ni Kamille Deligente ng Center for Trade Union and Human Rights, “Tiyak na papalpak ito. Paano mareresolba ang mga reklamo ng paglabag sa karapatan sa pag-uunyon ng isang task force na ang mga miyembro ay ang mismong mga itinuturong perpetrator ng mga ito?”  

Pinaalala naman ng All Philippine Trade Unions, alyansa ng mga pederasyong paggawa sa bansa, na may bigat ang pagiging bahagi ng Pilipinas sa International Labour Organization (ILO) Convention 144. Sa kasunduang ito, obligado ang gobyerno ng Pilipinas na gawing bahagi ang mga mangagagwa at empleyado sa buong proseso ng pagdedesisyon sa mga usaping paggawa.

Tampok sa naging hinaing ng mga manggagawang Pilipino ang pagpapatigil sa tuloy-tuloy na pamamaslang at harassment sa kanilang hanay. 

Para naman sa Federation of Free Workers (FFW), ni hindi man lang pinansin ng gobyerno ang kamakailang High-Level Tripartite Mission o pag-iimbestiga ng ILO hinggil sa maramihang paglabag sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino. 

Nagpanukala ang grupo mas mainam kung ang may isang “komisyon na bubuuin ng mga kinatawan mula sa gobyerno, manggagawa at mamumuhunan” nang sa gayon ay “mas magiging epektibo ang EO 23 sa pagresolba sa mga isyu at paghahanap ng katarungan para sa mga apektadong sektor.”

Nagkalituhan din sa hanay ng mga opisyal ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Aligaga si Lorraine Badoy dahil nangangahulugan raw ang EO 23 ng pagkalusaw nila. 

Akala ni Badoy, mawawalan na siya ng trabaho. Binira pa niya ang pangulo, pero binawi din agad. Naglinaw ang NTF-Elcac na hindi sila mabubuwag. Nagawa pa nilang bumatikos sa mga obrero nung sinabi nila na “tiyak na gagamitin ito ng mga terorista para itulak pa ang kanilang mga pekeng at masasamang hangarin.”

“Panghugas kamay lang ng estado” ang EO 23 para naman sa grupong Karapatan, na kilala sa paghahawak ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. 

Hindi naman sinsero ang pagbubuo ng EO 23 at mukhang dinesisyunan lamang para masabi ng pangulo na may nagawa siya noong Araw ng Paggawa. Walang kinatawan na manggagawa, suportado ng NTF-Elcac at panay kakampi ng mga kapitalista ang magpapatakbo, kaya nasabing matutulad lang ito sa mga dati nang task force na walang natupad.

Tinuro pa ni Karapatan secretary general Cristina Palabay ang dating Task Force on Administrative Order 35 para sa pagresolba ng extra-judicial killings (EJKs) pero walang napala.

Tinukoy ni Palabay ang Oplan Tokhang, red-tagging at iba pang polisiyang ‘di pa naman binabawi ni Marcos Jr., patunay lang na “hindi kapani-paniwala na magdudulot ng anumang pagbabago ang EO 23.”