Ellala Love It!

International brands na yaring Pinoy


Bilib ka ba sa mga signature brand na imported? Paano kung malaman mong likha ito ng mga manggagawang Pilipino?  

philippine export processing zone workers

Bilib ka ba sa mga signature brand na imported? Paano kung malaman mong likha ito ng mga manggagawang Pilipino?  

Alam ba ninyong maraming produktong internasyunal ang gawa sa Pilipinas? Karamihan ay yari sa Export Processing Zones (EPZs) kung saan maraming insentibo para sa mga dayuhang korporasyon at barat ang pasahod sa mga manggagawa.

Ilan sa mga sikat na brands ay ang mga sumusunod.

Apparel:

  • Adidas, Under Armour, Nike, Penguin, Tommy Hilfiger (Cebu)
  • Coach (Pampanga, Tarlac)
  • Victoria’s Secret, Calvin Klein, Chanel (Laguna Industrial Park)

Computers, appliances at electronics:

  • Fujitsu at Panasonic (Calamba City, Laguna)
  • Toshiba (Laguna Technopark)
  • Intel (Cavite)
  • Epson (Lipa City, Batangas)
  • Amkor semiconductors (Biñan City, Laguna)
  • Nintendo Switch adapters
  • Apple iPhone

Sasakyan:

  • Toyota Innova at Vios, Mitsubishi Mirage, Honda City, Hyundai Eon at H350, Nissan Almera, Isuzu KB, TF, Fuego at D-Max (Santa Rosa City, Laguna)
  • Foton (Clark, Pampanga)

Pero hindi lahat mayroong tatak na “Made in the Philippines.”  Ineeksport ito sa ibang bansa para doon tatatakan. Pagbalik dito, napakamahal na! Hindi na kayang bilihin ng mga manggagawa.

Bakit ba nahihikayat silang pumasok sa Pilipinas? Bukod siyempre sa pang-world class ang obrang Pinoy, ito ang mga dahilan:

  1. Sagana tayo sa skilled at murang lakas-paggawa na nakapag-aral sa high school, vocational at kolehiyo.
  2. Istratehiko ang lokasyon ng Pilipinas para sa kalakalang Asya-Pasipiko. Naipuwesto rin ang mga EPZs malapit sa mga airport, seaport at sentrong urban.
  3. Mas mababang puhunan at gastos sa operasyon. Mababa ang renta, serbisyo at presyo ng mga lokal na materyales kumpara sa ibang bansa. 

    Samantalang P570 o nasa US$10 lang ang arawang minimum wage ng mga manggagawa—halos katumbas lang ito ng kada oras na sahod sa US. Nakakaiwas din sila sa pagbibigay ng mga benepisyo dahil sa kontraktuwalisasyon.
  1. Maraming insentibo gaya ng:
  • Income tax holiday sa mga bagong kumpanya sa loob ng anim hanggang walong taon.
  • Tax-free at duty-free sa pag-eeksport at importasyon. 
  • Walang nasyunal at lokal na buwis tulad ng expanded withholding tax, municipal business license at branch profit remittance tax.
  • Zero Value Added Tax (VAT) 
  • Special Corporate Income Tax (SCIT) 5% lang ito ng gross income
  • Walang wharfage o storage fees

    Bukod dito, maaari pa silang humingi ng pinansyal na tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas. Mula sa “laway lang” na puhunan, puwede silang mangutang sa mga bangko sa Pilipinas.
  1. Iba pang pribilehiyo. Maluwag rin ang patakaran sa pag-import at pag-eksport. Puwede rin silang mag-empleyo ng mga dayuhan para sa teknikal at matataas na posisyon.
  2. Target rin bilang domestic market ang malaking populasyong Pilipino.

Paborable sa kanila ito habang lugi naman tayo. May ambag man ang dayuhang pamumuhunan sa empleyo at ekonomiya, hindi dapat mag-ilusyon na susi ito para sa sustenableng pag-unlad.

Matapos pakinabanagan ang mga insentibo‘t murang lakas-paggawa, iiwan nila tayong luhaan. Gaya nang kung paano ka paluhain sa presyo ng mga mamahaling brand na ito. 

Lumilipat sila sa ibang bansa kung saan mas mura ang operational cost—tangay ang kapital at malaking tubo. Marami sa mga pagawaang nabanggit ay nagsara na. Mahigit 4,000 ang nawalan ng trabaho sa mga pabrika ng apparel sa Cebu at halos 2,000 sa Intel sa Cavite.  

Ngayon, bilib ka pa rin ba sa mga imported signature brands na produkto ng pagsasamantala?