Kainan at tambayang may saysay
Nakakatuwa ang pagdami ng mga establisimyentong sumusuporta sa makabuluhang adhikain. Ika nga, marami na ngayon ang mga konsyumer at maliliit na negosyanteng “woke.” Dito, binibigyan ang merkado ng kamalayan at kapangyarihan para sa panlipunang pagbabago.
Gusto mo rin ba ng pagkaing hindi lang bubusog sa tiyan, kundi pati na sa kaluluwa? ‘Yong nakakakain ka na ng masarap, nakakatulong ka pa sa iyong kapwa?
Nakakatuwa ang pagdami ng mga establisimyentong sumusuporta sa makabuluhang adhikain. Ika nga, marami na ngayon ang mga konsyumer at maliliit na negosyanteng “woke.” Dito, binibigyan ang merkado ng kamalayan at kapangyarihan para sa panlipunang pagbabago.
Silingan Coffee sa Cubao Expo
Nakakamulat ang bawat higop ng kape dito. Hindi lang dahil sa caffeine na taglay, kundi dahil sa “bitter-sweet” na karanasan ng mga empleyado nito. Sila’y mga ina, asawa, anak at kapatid ng mga pinaslang ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinatag ni Bro. Jun Santiago, isang photojournalist at alagad ng simbahan na takbuhan ng mga naulila, naging saksi siya sa karahasan ng war on drugs.
Mula sa salitang Bisaya na nangangahulugang “kapit-bahay,” itinayo ang Silingan para bigyang kabuhayan at pag-asa ang mga kaanak ng mga biktima.
Mapait man ang sinapit, patatamisin ito ng ating pakikiramay sa paghahanap nila ng hustisya.
Good Food Sundays sa Mandaluyong City
Sinimulan ang Good Food Community noong 2011 para magsilbing tulay sa pagitan ng mga lokal na magasasaka at merkado. Tinuturing nitong co-producers ang mga konsyumer at nagtataguyod ito ng etikal, makakalikasan at sustenableng pagsasaka.
Nakapuwesto ito sa Mandala Park tuwing Linggo mula 10:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. at pana-panahon ding nagbibigay ng mga libreng seminar at workshop sa iba’t ibang paksang may kaugnayan sa kanilang adbokasiya.
Sa pagtangkilik ng mga lokal na produkto ng ating mga magsasaka, nag-aambag din tayo sa para sa food sustainability ng bansa.
Food For The Gays (FFTG) Café sa Cubao
“You are valid.”
Nakasulat ito sa dingding ng FFTG Café. Bukod sa nakaka-relax na ambiance at masarap na pagkain, ang saya sa pakiramdam na welcome ka dito kahit ano pa ang gender identity mo—maliban na lang kung ikaw ay homophobic at bastos!
Mahalaga ang safe space para sa mga LGBTQ community sa gitna ng hindi maitatangging diskriminasyong nararanasan sa lipunan. Espasyo rin ito para sa higit na pagtanggap at pakikipagkaisa.
Palaban din ang kanilang makulay na rainbow grilled cheese sandwich, pasta at mga pastry. Gora na sa 58 13th Ave., Cubao, Quezon City!