Kapag kayod kabayo, dapat P750 ang umento


Inaprubahan kamakailan ni Pangulong Marcos ang karagdagang 11 prayoridad na panukalang batas ng kanyang administrasyon kabilang ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund at amyenda sa Build Build Build Program. Pero sa kabuuang 42 prayoridad na batas ni Marcos, hindi kasama ang dagdag-sahod.

wage hike

Maraming panukala sa House of Representatives at Senado upang itaas ang sahod ng mga manggagawa. Mayroong 58 panukala sa Kamara at 21 naman sa Senado.

Bagaman maraming kumikilala sa panawagan ng manggagawa sa umento sa sahod, alin sa mga panukalang ito ang makatarungan at nakabubuhay? 

Makatarungan

Bilang kapalit ng iniukol na lakas-paggawa ng manggagawa sa paglikha ng yaman ng naglalakihang empresa at korporasyon, sinasahuran siya araw-araw. Subalit sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at buwis, wala nang naiuuwi sa kanilang pamilya ang kumikita ng minimum wage bagkus ay nababaon pa sa utang. 

Habang lugmok ang kalagayan ng manggagawa, nagkakamal ng malalaking tubo ang naglalakihang korporasyon sa bansa.

Sa tala ng Business World Top 1000 Corporation, umakyat sa P13.44 trilyon o 17.5% ang kita o aggregate gross revenue sa taong 2021 ng mga dambuhalang korporasyon kumpara noong 2020 na P11.44 trilyon. 

Makunat ang mga dambuhalang empresa sa taas sahod sa kabila ng kanilang tinatamasang pribilehiyo sa Corporate Recovery and Tax Incentive for Enterprises o CREATE Act na nagpapababa ng kanilang corporate income taxes.

Ilan na dito ang ang naitabing P900 milyon savings ng PLDT, isang korporasyon sa telekomunikasyon, at Century Pacific Foods Inc. na mula sa kanilang income tax holidays sa bagong planta ng tuna.

Kung kaya nakikita ng Ibon Foundation, isang independiyenteng think tank, na makatarungan ang P750 umento sa sahod dahil hindi naman bumaba ang produktibidad ang mga manggagawa.

“Sa mga taong 2012-2021, tumaas ang produktibidad sa paggawa sa National Capital Region (NCR) ng 42%. Ito ang nagpalobo sa kita ng malalaking korporasyon, top 1,000, na tumaas ng 68% sa kaparehong mga taon. Habang 18% lamang ang itinaas ng minimun wage,” ayon sa pag-aaral ng Ibon nitong Marso.

Hindi gahaman ang manggagawa kagaya ng ipinupukol sa kanila ng gobyerno at mga kapitalista.

Ayon sa nakalap na datos ng Ibon sa Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI), mayroong P1.8 trilyon ang pinagsamang kita ng 238,036 establisyimento na mayroon 6.2 milyong manggagawa noong 2020.

Kung magkakaroon ng umento na P750 sa dating arawang sahod na P442.97 noong 2018, katumbas lamang ito ng 29.2% na bawas sa tubo nila.

Nakabubuhay 

Ang P750 na umento ay nakabatay sa nakabubuhay na sahod para sa pamilyang Pilipino.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang nakabubuhay na sahod ay ang kinakailangang halaga ng isang pamilya para sa gastusin sa pagkain at mga non-food item, sapat na alawans para sa ipon para sa segurong sosyal upang makapamuhay ang pamilya nang disente.

Ang kasalukuyang minimum na sahod na P570 sa NCR, na pinakamataas sa buong bansa, ay 49.1% lamang ng P1,161 na family living wage na malayo para masabing nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa sa kasalukuyan. 

“Hindi kasya ang suweldo. P4,000 ang upa, P2,500 para sa ilaw at kuryente. Magkano na lang ang natira? Sabi ng iba kasya pero ano ang kinakain mo doon? Noodles, sardinas, tuyo ang kinakain mo nun. Hindi ka makakain ng masarap. Hindi talaga sapat ang P570 na minimum,” pahayag ni Gil Bigkas, manggagawa sa pagawaan ng bakal, sa panayam ng Pinoy Weekly noong Abril 26.

Sa panukalang batas ng Makabayan bloc na House Bill 7568 para sa across-the-board P750 na umento, sinasabing makatutulong at magdudulot ito ng multiplier effect sa ekonomiya.

Hindi kagaya ng tubo na iniimpok at naiipon ng korporasyon, tiyak na gagastos ang mga manggagawa para sa pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain at mga utilidad.

Lokal din ang paggasta na makatutulong sa mga micro, small and medium enterprise pati na ang mga informal enterprise sa kanilang komunidad dahil doon iikot ang pera.

At dahil pagkain ang uunahing pagkakagastusan ng manggagawa na 48% ng kanilang kita, mabubuhay din ang ekonomiya at agrikultura sa kanayunan. 

P750

Mahabang laban na ang kinaharap ng mga manggagawa para maging disente ang kanilang pamumuhay. Bagaman mahusay na hakbang ang panawagan para sa dagdag na P150 ng ilang mambabatas at grupo sa paggawa, mas nararapat ang kongkreto at ramdam sa sikmura na umento sa sahod na P750.

Masyadong mahirap na ang kalagayan sa buhay at hindi na nakasasapat ang kakarampot na kinikita habang malaki ang kinikamal ng dayuhan at lokal na dambuhalang korporasyon.

Sa punto de bista ng manggagawa, ang laban para sa umento sa sahod ay pakikibaka para sa katarungang panlipunan. May katumbas na makatarungan at nakabubuhay na sahod ang kanilang ambag sa ekonomiya na nagbibigay buhay sa buong bansa. 

Panawagan ng mga unyon ng manggagawa sa mga regional wage board na sa pagtatakda ng sahod, dapat na tingnan at bigyang halaga ang kalagayan at kahilingan ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod sa halip na kinakatigan ang posisyon ng mga kapitalista. Dahil hindi na makatakas sa kahirapan ang mga manggagawa sa mistulang limos na umento.

“Makatwiran ito kasi hindi sapat ang minimum wage sa ngayon. Sana may aksiyon sila sa umento sa sahod. Tuloy lang hanggang makamit ang pinaglalaban,” panawagan ni Gil sa mga kapwa manggagawa.