Marcos Jr., hinabol ng rally sa US, 4 inaresto


Hinuli ng pulisya ang apat na kabataang nagprotesta sa harapan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang mga kasamang naghahapunan sa isang mamahaling restaurant sa Washington D.C. sa United States.

Hinuli ng pulisya ang apat na kabataang nagprotesta sa harapan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang mga kasamang naghahapunan sa isang mamahaling restaurant sa Washington D.C. sa United States.

Kasama ni Marcos Jr. sa Michelin-starred restaurant ang ilang miyembro ng gabinete, si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, House Speaker Martin Romualdez at ang mga bilyonaryong negosyante na sina Enrique Razon Jr., Lance Gokongwei and Sabin Aboitiz.

Mula nang dumating ang si Marcos Jr. sa Washington, may sumusunod na mga Pilipinong galit at nagpoprotesta sa kanyang panunungkulan kahit saan siya magpunta .

Anila, magnanakaw ang pamilyang Marcos at pabor sa mga mayayaman habang lalong nagpapahirap sa masa ang mga patakaran ng administrasyon ngayon.

“Marcos is not welcome here!” sigaw ng mga kabataan sa loob ng restaurant bago sila hulihin. Sa labas naman nagpatuloy ang programa ng demonstrasyon.

Hinalintulad ng mga Pilipino abroad ang nangyayaring salo-salo ng pangulo sa mga dating engrandeng okasyon noon na pasimuno ng ama niyang diktador habang lubog sa kahirapan ang maraming Pilipino.

“Hindi kami ang dapat ninyong hulihin!” bulyaw ni Julie Jamora ng Malaya Movement sa wikang Ingles. “Kung may gusto kayong arestuhin, dapat iyong mga magnanakaw na kumakain. Kaya lang hindi na-detain si Marcos nang dumating siya sa bansang ito dahil sa diplomatic immunity.”

Mula 2012, may umiiral na kaso na contempt order ang isang korte sa US laban sa pamilyang Marcos sa halagang $353 milyon kaugnay ng pandarambong at mga pag-abuso sa karapatang pantao noong Martial Law. 

Patunay umano ito na mga kriminal ang pamilyang Marcos na hindi pa napaparusahan at nakatapak lang sa Amerika dahil masunurin sa utos ni US President Joe Biden.