Unyonista sa BPO, pinaslang


Nananawagan ng hustisya ang iba’t ibang grupo sa pagpaslang kay Alex Dolorosa, unyonista at paralegal officer mula sa BPO Industry Employees’ Network (BIEN).

Nananawagan ng hustisya ang iba’t ibang grupo sa pagpaslang kay Alex Dolorosa, unyonista at paralegal officer mula sa BPO Industry Employees’ Network (BIEN).

Ayon sa Bacolod Police Station 7, nakita ang bangkay ni Dolorosa sa ACCO Housing, Brgy. Alijis sa Bacolod City noong Abril 24 na tadtad ng saksak sa katawan. Sa inisyal na ulat, pinatay si Dolorosa sa pagitan ng hatinggabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw.

“Ang pagkakapatay sa kanya [Dolorosa] ay nagpapakita ng kawalan ng batas at walang katapusang kultura ng impunidad sa bansa,” pahayag ng BIEN noong Abril 27.

Sinabi din sa pahayag ng BIEN na si Dolorosa ang tumatayong breadwinner ng kanilang pamilya at malaking kawalan sa mga kasamahan sa BPO industry ang pagpaslang sa kanya.

Bago ang pangyayari, naging biktima ng state surveillance at harassment noong Enero 25, 2021, Enero 4, 2022 at Mayo 4, 2022. Sa opisina ng Bayan Muna Partylist sa Bacolod City ang unang insidente at sa opisina ng Gabriela ang ikalawa at ikatlo.

Iniulat din ni Dolorosa na minamanmanan ng dalawang lalaki ang kanyang bahay sa Bata Subdivision.

Kinilala din ng UNI Global Union, isang internasyunal na unyon sa service economy, na isang dedikado at masigasig na organisador Dolorosa. 

“Inilaan niya ang kanyang buhay para sa pagpapaunlad sa karapatan at kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa call center industry,” pahayag ng UNI Global Union sa Ingles.