2 aktibista, kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law


Ayon sa University of the Philippines Los Baños, ika-10 at ika-11 na sina Rementilla at Rubia sa mga nasampahan ng kaso patungkol sa Anti-Terrorism Act.

Sinampahan ng reklamo sina Ken Rementilla at Jasmin Rubia sa paglabag sa Anti-Terrorism Act sa Office of the Provincial Prosecutor sa Batangas City nitong Hunyo 26.

Batay sa reklamo ni Sgt. Jean Claude Bajardo ng Philippine Army, nagbigay ng materyal na suporta sina Rementilla at Rubia sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Regional coordinator ng Anakbayan Southern Tagalog at student leader sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) si Ken Rementilla. Habang si Jasmin Rubia naman ang secretary general ng Mothers and Children Protecting Human Rights (MCPHR).

Ayon sa UPLB, ika-10 at ika-11 na sina Rementilla at Rubia sa mga nasampahan ng kaso patungkol sa Anti-Terrorism Act.

Inakusahan ng 59th Infantry Battalion (IB) na kasama si Rementilla sa fact-finding mission ng Karapatan Southern Tagalog hinggil sa pagpaslang sa siyam na taong gulang na si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas at sa magsasakang si Maximino Dignosa sa Calaca, Batangas sa magkahiwalay na insidente noong Hulyo ng nakaraang taon.

Maliban sa dalawa, may iba pang mga insidente ng pandarahas ng mga sundalo sa mamamayan ng lalawigan dahil sa militarisasyon sa mga komunidad.

Agad namang iginiit ng Karapatan Southern Tagalog na walang partisipasyon si Rementilla sa nangyaring fact-finding mission at nanawagang ibasura ang reklamong isinampa laban sa kanila.

Ayon pa sa Karapatan Southern Tagalog, taktika lamang ng 59th IB ang pagsampa ng kaso kina Rementilla at Rubia upang pagtakpan ang katotohanan sa pagkamatay nina Casao at Digno.

Bukod sa panawagang ibasura ang reklamo kina Rementilla at Rubia, nanawagan din ang iba pang mga progesibong organisasyon na ibasura ang Anti-Terrorism Act.