Super food? Super tahong!
Mayaman din ito sa iron kontra anemia, zinc para sa immune system, iodine para sa thyroid hormones at metabolismo at selenium para sa malusog na kutis. Siksik din ito sa vitamins A at B12. Sagana din ito sa omega-3 fatty acids na mainam para sa puso, blood pressure at brain development.
Alam n’yo ba na ang tahong ay isang sustenableng super food na napakayaman sa protina? Bukod sa malinamnam, mura at masustansya ito, malaki rin ang naitutulong nito sa kalikasan.
Halos walang impact o negatibong epekto sa kalikasan ang pagkukultiba nito. Kumpara sa pag-aalaga ng ibang pagkaing hayop, hindi nito kailangan ng malawak na espasyo, kemikal, antibiotics at feeds na nagiging toxic sa lupa’t karagatan. ‘Di kinakailangang manira ng bakawan para gawing palaisdaan. Sapat na ang mga kawayang baklad para magkultiba.
Maituturing din itong natural filter dahil humihigop ito ng sustansya at dumi sa tubig. Bukod sa ‘di kailangang pakainin, nililinis pa nito ang karagatan. Mga 20 litro ng tubig-dagat ang kayang linisin ng isang tahong sa isang araw. Dumadakip din ng carbon ang shells nito.
Dahil mahal ang karne ngayon, mainam na alternatibo ito para sa protina. Kung tutuusin, mas mataas pa ang protina at iron nito kaysa sa isang hiwa ng steak.
Mayaman din ito sa iron kontra anemia, zinc para sa immune system, iodine para sa thyroid hormones at metabolismo at selenium para sa malusog na kutis. Siksik din ito sa vitamins A at B12. Sagana din ito sa omega-3 fatty acids na mainam para sa puso, blood pressure at brain development.
Mababa ito sa fat pero mataas ang kalidad ng lasa. Mas mabilis pang lutuin kaysa sa fast food—dahil hindi dapat ito niluluto nang matagal. Konting kulo, kapag bumuka na, luto na ito! Pwede ito gawing tinola, gisado, steamed, inihaw o baked.
Marami ring pamilyang Pilipino ang umaasa sa kabuhayang ito sa Manila Bay, Bacoor City sa Cavite, Sapian sa Capiz, Maqueda Bay sa Samar at sa Panay Island.
Tinatayang aabot sa 19,000 metric tons ang produksyon nito noong 2020. Subalit marami dito ay tatamaan ng reclamation projects para tayuan ng mall, airport at iba pang komersiyal na establisyemento. Negatibo at permanente ang pinsala nito.
Kung kaya, kung gusto natin maging malusog at nakakatulong pa sa kalikasan at kabuhayan ng marami, tangkilin natin ang tahong at suportahan ang ating mga mangingisda.