Makinig kay Ka Bea

Buhay tindera


Sunod-sunod ang paglobo ng inflation o ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa. Maraming dahilan para dito pero marami ring maaaring gawin ang pamahalaan na hindi nito ginagawa.

Nadudurog ang puso ko para sa mga manininda tuwing nababalitaan kong magtataas na naman ang presyo ng langis at iba pang bilihin. Mahigit dalawang dekada rin akong manininda kaya dama ko ang pighating iyan.

Hinahayaan ng gobyerno na sisinghap-singhap na kabuhayan ng manggagawa, magsasaka at maralita.

Noong araw, nagsangla pa kami ng kapirasong lupa sa probinsya para mag-ipon ng puhunan. Nakapagtayo kami ng maliit na tianggehan sa isang pribadong pamilihan sa Maynila. Araw-araw ang singil sa pwesto, tubig at ilaw. Ang munting puhunan, nadagdagan pa ng paninda mula sa maliliit na supplier.

Sa bahay lang ginagawa ang produkto, mga kung ano-anong handicrafts o matatahi. Pero kadalasan, sa bawat produkto, iba-iba ang nagrarasyon ng bag, damit, sapatos at tsinelas. Malaking distributor naman ang nagrarasyon ng rubber shoes, rubber slippers at bota. Mula sa utang ang halos ¼ ng paninda at lingguhan maningil ang mga supplier.

Sunod-sunod ang paglobo ng inflation o ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa. Maraming dahilan para dito pero marami ring maaaring gawin ang pamahalaan na hindi nito ginagawa.

Palibhasa ang pinapairal na ekonomiya ngayon sa bansa: pagbebenta ng yaman sa dayuhan kaysa tayo ang makinabang. Hinahayaan ng gobyerno na sisinghap-singhap na kabuhayan ng manggagawa, magsasaka at maralita.

Alam n’yo ba, sumunod sa Singapore, Pilipinas na ang bansang may pinakamahal na mga bilihin at gastusin sa Southeast Asia. Pero ‘di katulad ng ibang bayan, bansot na bansot ang sahod sa atin. Mas mataas nang halos 200% ang halaga ng gastusin sa bansa kumpara sa karaniwang sahod.

Talaga namang aaray ang mga manininda. Kami din kumakayod para may maiuwi sa pamilya. At lalo kaming makakadena sa pagkalugi kung walang pambili ang tao. Tantiya ko, halos 85% ng mga customer ay mga karaniwang Pilipino.

Kapag humihina ang patinda, damay pati ang nagrarasyon, hindi na mapaikot ang kani-kanilang mga puhunan.

“Sahod itaas, presyo ibaba” ang madalas na naririnig kong kasagutan diyan. Tama iyan, pero nauunawaan ko kung bakit nakakalito ito para sa ibang vendor. Pabor naman ang marami sa dagdag sahod, pero tanong ng marami: Bakit babawasan ang presyo ng paninda, e ngayon pa nga lang lugi na?

Kapag sinabing “sahod itaas,” ang gusto natin ay dagdag pambili sa bulsa ng customer. At pag sinabi nating “presyo ibaba,” hindi presyo ito basta pagbabawas ng presyo ng paninda, kundi pagtitiyak na abot-kaya ang arawang gastos sa gas, puwesto, kuryente, tubig, at iba pa. Para ano pa mang presyo ng paninda, tiyak na nababawi naman ang puhunan.